Inday TrendingInday Trending
Nabagbag ang Damdamin ng Binatang Ito sa Matandang Lalaking Nag-uulam Lamang ng Gravy sa Isang Kainan; Ano Kayang Gagawin Niya?

Nabagbag ang Damdamin ng Binatang Ito sa Matandang Lalaking Nag-uulam Lamang ng Gravy sa Isang Kainan; Ano Kayang Gagawin Niya?

Masayang-masaya si Glenn dahil naging maganda ang resulta ng kaniyang mga pagpupuyat sa trabaho. Nasiyahan ang kaniyang boss sa isinagawa niyang project presentation sa kanilang kliyente, kaya naisarado ang business deal nila.

Bilang regalo sa sarili, minabuti niyang kumain sa paborito niyang fast food chain. Cheat day naman, ‘ika niya. Bumalik na kasi siya sa pag-eehersisyo, kaya hangga’t maaari, mas gusto niyang sariling luto niya ang kinakain niya.

Pero dahil naging maganda naman ang araw na ito para sa kaniya, wala naman sigurong masama kung kakain siya ng paborito niyang burger steak at spaghetti.

Lalo siyang ginutom nang masamyo ang mabangong aroma sa loob ng naturang fast food chain. Mahaba ang pila. Pinili niya ang pilang hindi masyadong matao.

Sa harapan niya, isang matandang lalaking tila hindi mapakali. Mukhang nagmamadali. Panay tingin ito sa paligid. Hindi na lamang ito pinansin ni Glenn.

Matapos makuha ang order ng mga nauna sa kanila, nasa counter na ang matandang lalaki. Narinig niyang umorder lamang ito ng extra rice, at nagpasuyo ng isang basong tubig.

Muli, hindi ito pinansin ni Glenn. Baka ite-take out lang nito ang extra rice na binili.

Matapos ma-order ni Glenn ang kaniyang nais kainin, humanap na siya ng mesang mapupuwestuhan. Doon siya sa bandang hindi gaanong matao. Pag-upo niya, napansin niyang kahilera niya ang matandang lalaking umorder ng extra rice.

Pinagmasdan niya ang ginagawa nito. Hindi pala take-out ang extra rice nito kundi kakainin sa loob mismo ng naturang fast food chain.

Tinitingnan niya, baka naman may baong ulam ito. Mas tipid nga naman.

Subalit nagitla siya, dahil ang ulam nito ay ang gravy na libre lamang naman at unlimited ang suplay sa naturang fast food chain.

Sarap na sarap ang matandang lalaki sa pagkain niya ng kanin na ang ulam ay ang gravy. Napansin ni Glenn na palihim itong tinitingnan ng mga service crew, at nang iba pang mga customers na nakapansin sa kaniyang ginagawa.

Nakaramdam naman ng awa si Glenn. Naalala niya ang yumaong lolo. Paborito nito ang gravy sa naturang fast food chain. Halos gawing sabaw kapag kumakain sila roon.

Sinenyasan niya ang isang service crew. Binulungan niya. Tumango-tango naman ang service crew at nagpunta na sa counter.

Ilang saglit lamang, may dala-dala na itong balutan, na naglalaman ng take-out order, na kagaya ng order ni Glenn.

“Excuse me, sir… para po sa inyo,” saad ng service crew sa matandang lalaking kumakain ng kanin at ang ulam ay gravy.

Namutla ang matandang lalaki.

“Naku, naku… wala akong inoorder na ganyan. Wala akong pambayad niyan,” nagkakandautal na sabi ng matanda.

“Okay na ho iyan ‘Tay. Sagot ko na ho,” sansala ni Glenn. Dinala na niya ang kaniyang tray sa mesang kinapupuwestuhan nito upang saluhan ang matandang lalaki.

“Naku mister, bakit ho kayo nag-abala pa? Wala po akong pambayad sa inyo,” hiyang-hiyang sabi ng matandang lalaki kay Glenn.

At isinalaysay ni Glenn ang kaniyang naobserbahan. Sinabi rin niya na naalala niya ang yumaong lolo sa kaniya. Gustong-gusto kasi ng kaniyang lolo ang gravy sa naturang fast food chain. Puwede na raw ulamin.

“Wala na kasi akong pambili iho. Isa akong karpintero at nagtitipid ako para sa pamilya ko. Ganito ang diskarte ko lagi. Minsan, doon ako sa inasalan, kasi libre ang sabaw doon,” kuwento nito.

Mas lalong nabagbag ang damdamin ni Glenn sa kuwento ng matanda, na ang pangalan pala ay Mang Darwin.

Kaya bago ito umalis, pilit niyang inabutan ito ng kaunting pera.

“Naku iho, huwag na, nakakahiya… sapat na itong pagkain na inorder mo para sa akin. Tiyak na masisiyahan ang apo ko kapag ibinigay ko na ito sa kaniya,” nakangiting sabi ni Mang Darwin.

“Magagalit po ako sa inyo kapag hindi ninyo tinanggap ito. Isipin na lamang po ninyo na ito ay munting regalo mula sa akin, salamat po dahil sa inyo, muli kong nakita ang aking lolo na matagal ko nang miss na miss,” paliwanag naman ni Glenn.

Nahihiya man, tinanggap na rin ni Mang Darwin ang iniaabot na pera ni Glenn.

“Maraming-maraming salamat sa iyo, iho…” naluluhang sabi ni Mang Darwin hanggang sa umalis na ito pauwi.

Habang nagmamaneho pauwi, hindi mapigilan ni Glenn na hindi mapangiti. Naalala niya ang madalas na sinasabi ng kaniyang lolo sa kaniya.

“Huwag kang magsasawang gumawa ng kabutihan sa kapwa mo, kilala mo man o estranghero.”

Alam niyang masayang-masaya ang kaniyang lolo habang tinatanaw siya nito mula sa langit.

Advertisement