Inday TrendingInday Trending
Nahihibang na Raw ang Mahirap na Dalaga dahil sa Taas ng Pangarap Nito, Maging Matagumpay nga kaya Siyang Doktor?

Nahihibang na Raw ang Mahirap na Dalaga dahil sa Taas ng Pangarap Nito, Maging Matagumpay nga kaya Siyang Doktor?

“Hoy, Jasmine, tama ba ang dinig ko sa mga usap-usapan? Sa mataas at pribadong paaralan d’yan sa may bayan ka raw mag-aaral ng kolehiyo?” tanong ni Karylle sa kaniyang pamangkin nang dumaan ito sa kaniyang tindahan habang siya’y nagwawalis.

“Opo, tita, nand’yan po kasi ‘yong kursong gusto ko,” magalang na sagot ni Jasmine.

“Alin? Iyong pagdodoktor? Diyos ko, naman, hija! Napakatayog naman ng pangarap mo! Halos wala na nga kayong makain sa isang araw, tapos sa isang pribadong paaralan ka pa mag-aaral? Hindi mo ba alam na mataas ang tuition doon?” taas kilay na sabi nito habang tinitignan siya mula ulo hanggang paa.

“Alam ko po, tita, kaya naghahanap po ako ngayon ng…” hindi pa nito pinatapos ang sasabihin niya at agad na naman siyang hinusgahan nito.

“Anong hinahanap mo? Sugar daddy? Iyon lang ang tanging makakasagot ng tuition fee mo! Ewan ko ba sa’yo, napakalayo sa katotohanan ng pangarap mo! Maglako ka na lang ng kakain katulad ng nanay mo!” payo pa nito na talagang ikinasakit ng damdamin niya.

“Tutuparin ko po iyon, tita,” tangi niyang tugon saka mabilis na umalis sa tindahang iyon. Naririnig man niyang sinasabihan siyang bastos ng tiyahin niya dahil sa ginawa niya, mas lalo niyang binilisan ang paglalakad huwag lamang marinig ang mga panghuhusga nito.

Pangarap na lang ang tanging yamang mayroon ang dalagang si Jasmine. Kapos man sila sa buhay, hindi ito naging hadlang para maging matayog ang kaniyang pangarap.

Bata pa lamang siya nang magsimula siyang mahumaling sa galing at talino ng isang doktor na napanuod niya sa telebisyon at simula noon, pinangako niya sa kaniyang sarili na darating ang araw, siya’y magiging isang doktor na magpapagaling sa milyong-milyong tao sa buong Pilipinas.

Kaya naman, ngayong nakapagtapos na siya ng hayskul, agad niyang inayos ang mga dokumentong kinakailangan niya upang makapasok sa isang pribadong paaralan ng mga doktor sa kanilang bayan na pinaulanan ng katatawan ng kanilang mga kapitbahay, lalo na ang tiyahin nila.

Para sa mga ito, imposible ang pangarap niyang maging isang doktor dahil wala naman siyang pera pangbayad sa tuition. Ngunit dahil ito ang kaisa-isa niyang pangarap, siya’y nagpatuloy na umusad para magtagumpay.

Nang araw na ‘yon, katakot-takot na pangmamaliit man ang naging almusal niya, presentable pa rin siyang humarap sa isang mataas na guro sa paaralang nais niyang pasukan upang mag-apply ng iskolarship.

Dahil sa taas ng grado niya noong hayskul at sa galing niyang sumagot sa interbyu nito, siya’y natanggap dito na labis niyang ikinatuwa.

“Kailangan mo lang gawin, hija, mag-aral nang mabuti at magkaroon nang mataas na marka kada semestre upang magpatuloy ang iskolarship mo, kaya mo ba ‘yon?” wika nito, agad siyang tumango-tango at nangakong magsisikap maigi.

Hindi man naging madali ang naging sitwasyon niya dahil bukod sa siya’y nag-aaral ng medisina, nagtatrabaho pa siya sa gabi upang makatulong sa kanilang gastusin, buong puso niyang ginawa ang lahat para makapag-aral nang mabuti. Sabi niya pa, “Pinanalangin ko ito sa Iyo, Panginoon, kaya hindi ako susuko!”

Ilang taon pa ang lumipas, tuluyan na nga siyang nakapagtapos sa kursong medisina ngunit dahil nga maging doktor ang nais niya, muli na naman siyang nag-aral pagkatapos noon.

“Sinasayang mo lang ang oras mo, Jasmine, tapos ka na sa pag-aaral, mag-aaral ka ulit? Imbis na tulungan mo na ang nanay mo! Puro sarili ang iniisip mo!” sigaw pa ng tiyahin niya sa kaniya na talaga nga namang ikinaiyak niya.

Ngunit dahil nga desidido siyang maging isang doktor, imbis na magpadala sa emosyong nararamdaman, siya’y lalong nagsumikap sa buhay na talaga nga namang ikinahanga ng kaisa-isang taong naniniwala sa kaniya, ang kaniyang ina.

Hanggang sa dumaan na ang halos isang dekada, siya’y tuluyan nang naging isang ganap na doktor at kung dati’y palagi siyang sinisigawan ng kaniyang tiyahin, ngayo’y nakapila na ito sa ospital na pinagtatrababuhan niya upang magpatingin sa kaniya nang libre.

“Tingnan mo na, anak, nilamon ng tiyahin mo lahat ng panghuhusga niya noon sa pangarap mo. Mabuti na lang talaga, may determinasyon at sipag ka. Salamat, binago mo ang buhay natin!” sabi ng kaniyang ina, isang araw nang dalhan siya nito ng tanghalian sa kaniyang trabaho.

Simula noon, lahat ng paghihirap niya ay unti-unti nang nagbunga. Nabigyan na niya ng bahay at lupa ang kaniyang pamilya, masusustansya na ang pagkaing kinakain ng kaniyang mga kapatid, at lalo’t higit, nababantayan niya ang kalusugan ng humihina niyang ina.

Wala nang mas sasaya pa sa kaniya ng mga araw na iyon dahil sa hinaba-haba man ng ginapangan niyang lubak na daan, tagumpay pa rin ang kaniyang natamasa.

“Basta’t may pangarap, may mararating. Huwag kayong mapagod sundin ang pangarap niyo, aasenso at magtatagumpay din tayo!” wika niya sa mga mag-aaral ng medisina sa paaralang naging daan niya sa tagumpay.

Advertisement