Tinamad na sa Buhay ang Lalaking Ito Simula nang Mawala ang Pamilya, Magawa Niya kayang Magpatuloy Kahit Mag-isa Siya?

Tinamad na sa Buhay ang Lalaking Ito Simula nang Mawala ang Pamilya, Magawa Niya kayang Magpatuloy Kahit Mag-isa Siya?

InspiringMiracleStories

“‘Tol, baka gusto mong sumama sa amin mamundok bukas? Para naman makalabas-labas ka at makalanghap ng sariwang hangin! Ang tagal mo nang nakakulong d’yan sa gubat mong bahay, eh!” yaya ni Pedro sa kaniyang kaibigan sa pamamagitan ng isang tawag sa selpon. 

“Wala pa ako sa kondisyon, ‘tol, kayo na lang muna,” malamig na tugon ni Red habang nakadapa sa kaniyang malambot na kama. 

“Ano ba ‘yan? Mag-iisang taon nang gan’yan ang palagi mong sinasabi sa amin tuwing niyaya ka namin! Panahon para umusad sa buhay, ‘tol, hindi pwedeng habambuhay kang malungkot d’yan!” pangaral pa nito sa kaniya na ikinainis niya. 

“Ayoko nga sabi! Kinukulit mo na naman ako, eh!” sigaw niya rito na ikinatawa nito.  

“Ito naman, nakasigaw agad! O, sige, huwag ka nang sumama kung ayaw mo! Pautangin mo na lang ang ng limang libo para matuwa ako sa’yo!” sabi pa nito na ikinailing niya na lamang.  

“Hanep talaga! Alam mo namang wala akong cash! Gustong-gusto mo talaga akong lumabas ng bahay, ha!” bulyaw niya pa rito. 

“Sinabi mo pa! Puntahan kita mamayang gabi, ha? Mag-withdraw ka na ngayon!” utos pa nito habang patawa-tawa. 

“Oo na!” sigaw niya saka agad nang binaba ang tawag. 

Hindi pa nagagawang makalimot ni Red sa masalimuot na nangyari sa kaniyang mag-iina, halos isang na ang nakalilipas. Hanggang ngayon, tandang-tanda niya ang itsura ng hinang-hina niyang asawa habang iniluluwal nito ang kanilang triplets na anak. 

Ramdam niya pa rin sa kaniyang kamay ang higpit ng hawak nito habang pilit nitong iniire ang huli nilang anak ngunit pagkatapos noon, bigla na lang itong nawalan ng malay at hindi na nagising pa. 

Dumoble pa ang sakit na nararamdaman niya nang malamang hindi nagtagal ng sampung minuto ang buhay ng kaniyang tatlong anak dahil kulang ang mga ito sa buwan. 

Iyak niya noon, “Mahal, napakarami nating pangarap para sa pamilyang binuo natin, bakit bigla mo naman akong iniwan kasama ang mga anak natin? Sobrang bigat nito, mahal, hindi ko alam saan magsisimula o kung kaya ko pa ba!” 

Ang masakit na pangyayaring ito ang talaga nga namang nagpawala ng gana sa kaniya na mabuhay. Ilang beses niyang pinagtangkaan ang buhay niya ngunit kada makikita niya ang abo ng kaniyang mag-iina sa kanilang pinangarap na bahay, napipigilan niya ito. 

Sa pag-iinom mag-isa, pakikinig ng paborito nilang musika ng kaniyang asawa, at pagkukulong niya ginugol ang buhay niya simula noon na labis na pinag-alala ng kaniyang mga tunay na kaibigan dahilan para lagi siyang yayain ng mga ito lumabas na palagi niya ring tinatanggihan. 

Ngunit dahil nga likas ang kabaitan niya, minsa’y napipilit siya ng mga ito na lumabas kapag nanghihingi ang mga ito ng tulong. 

Katulad ng araw na ‘yon, hindi niya nagawang tanggihan ang isa sa mga kaibigan niya nang mangutang ito sa kaniya. 

Pagkatapos ng pag-uusap nilang iyon, agad na siyang nagbihis at naglakad papunta sa pinakamalapit na bangko sa bahay niya. 

Pero hindi pa man siya nakalalayo sa kanilang bahay, may isang baliw na matanda ang biglang lumapit sa kaniya. 

“Hijo! Anong pangarap mo?” tanong nito na ikinagulat niya. 

“Wala po,” tipid niyang sagot habang panay pa rin ang paglalakad. 

“Libre lang mangarap, bakit wala kang pangarap? Ako kasi pangarap kong makabalik sa panahong kasing edad mo ako. Gusto kong baguhin ang buhay ko para hindi ako naghihirap nang ganito!” masiglang sabi nito habang sinasabayan siyang maglakad. 

“Imposible naman po ‘yon, tatay,” masungit niyang tugon niya. 

“Imposible nga, pero kahit ganoon, maniniwala pa rin ako! Kaya ikaw, mangarap ka, hijo! May problema ka man ngayon kaya tinatamad kang mangarap, huwag kang magpapadala! Dahil sigurado, nais ng mga mahal mo sa buhay na makita kang masaya at matagumpay!” sagot pa nito dahilan para siya’y mapatigil sa paglalakad at mapatingin sa naturang matanda, “Hindi pa huli ang lahat, hijo, muli kang mangarap. Tiyak, hindi ka bibiguin ng Maykapal!” dagdag pa nito saka siya tuluyang iniwan. 

Doon biglang nanumbalik sa isip niya ang mga pangarap nila ng kaniyang asawa. Pangarap nilang magkaroon ng sasakyan, umakyat sa lahat ng bundok ng Pilipinas, at marami pang iba dahilan para bigla siyang mabuhayan ng loob. “Wala ka man, tutuparin ko pa rin lahat ng iyon, mahal. Patawarin mo ako kung naging mahina ako sa mga nakaraang buwan,” mangiyakngiyak niyang wika habang nakatingin sa langit. 

Pagkatapos na pagkatapos niyang mag-withdraw, dinaan na niya sa bahay ng kaniyang kaibigan ang perang hinihiram nito.

Sinabi niya ring sasama siya sa pag-akyat ng bundok na labis nitong ikinatuwa at wala nang mas sasaya pa sa kaniya kinabukasan nang muli niyang makasama ang kaniyang mga kaibigan. 

Pagkatapos noon, muli na siyang naghanap ng trabaho at nakipagbakbakan sa buhay upang mabili niya naman ang pangarap nilang sasakyan ng asawa. 

Malayo-layo pa man ang tatakahin niyang landas, masaya siyang sa wakas ay nagagawa na niyang unti-unting tanggapin ang pagkawala ng kaniyang asawa’t mga anak.

“Alam kong napapangiti ko kayo sa pagpapatuloy at paglaban sa buhay na ginagawa ko!” sabi niya sa mga abo ng kaniyang mag-iina habang pinupunasan niya ang lalagyan ng mga ito.

More Stories