Inday TrendingInday Trending
Ayon sa Dalaga ay Make-up lang ang Dahilan kaya Maganda ang Isang Katrabaho, Napahiya Siya nang Makita ang Katotohanan

Ayon sa Dalaga ay Make-up lang ang Dahilan kaya Maganda ang Isang Katrabaho, Napahiya Siya nang Makita ang Katotohanan

“Iba talaga ang ganda ni Chesca, ‘no? Tingnan mo, o, kahit kumakain parang anghel pa rin! Kaya, hindi na ako nagtataka kung bakit gustong-gusto ‘yan ni Lester, eh!” sabi ni Inna habang pinagmamasdan ang magandang katrabaho nang bigla niyang mapansin ang masamang titig ng kaibigang kasabay kumain, “Ay, sorry, bespren, gusto mo nga pala si Lester pero hindi ka mapansin dahil hindi mo kasing ganda ‘yang si Chesca!” dagdag niya pa na talaga nga namang lalo nitong ikinainis dahilan para ito’y magdabog.

“Maganda lang naman ‘yang Chescang iyan dahil sa make-up! Hindi mo na napapansin na ang kapal-kapal ng foundation niyan? Tiyak, puro tigyawat ‘yan sa mukha! Iyang kilay niya pa, sobrang kapal, halatang drawing lang!” sigaw ni Frances habang masamang nakatitig sa naturang katrabaho.

“Masyado mo namang pinapahalatang nakakaramdam ka ng inggit, eh!” panukso pa ng kaniyang kaibigan dahilan para siya’y makaisip ng isang paraan upang mapatunayan ang kaniyang sinasabi.

“Hindi, ‘no! Sinasabi ko lang ang totoo! Teka, papatunayan ko sa’yo!” tugon niya rito saka agad na kinuha ang isang basong tubig na inumin niya at nagtungo sa kinakainan ng dalagang iyon.

“Hoy, Frances! Anong gagawin mo?” sigaw nito sa kaniya saka siya pilit na pinigilan.

Kahit kailangan hindi nagpapatalo ang dalagang si Frances. Sa katunayan, tinagurian nga siyang “competitive girl” ng kaniyang mga kaibigan dahil bukod sa palagi siyang nakikipagkompetensya kahit kanino, ayaw na ayaw niyang siya’y natatalo lalo na kung pag-ibig, itsura, at pera ang pinag-uusapan.

Ito ang dahilan para ganoon na lang siya labis na mainis sa bago niyang katrabaho na nakakuha ng atensyon ng pinapamamahal niyang binata na noon pa man ay pinapangarap niya na.

Bago pa dumating ang dalagang ito, unti-unti na niyang nakakapalagayan ng loob ang naturang binata, kaya lang, nang dumating na ito, hindi na siya napapansin at nakakausap ng naturang binata dahil palagi na itong nakabuntot sa dalagang iyon.

“Paniguradong magugulat ‘yang si Lester kapag nakita niyang walang make-up ang babaeng ‘yan!” sabi niya pa sa kaibigan, isang hapon nang makita niyang sabay na umuwi ang dalawa.

Nang araw na ‘yon, kahit na pilit siyang pinipigilan ng kaniyang kaibigan na huwag gawin ang binabalak niya, siya’y malakas na nagpumiglas at agad na nagpunta sa pwesto ng naturang dalaga.

Pagkarating niya roon, agad niyang tinapon sa mukha nito ang hawak niyang tubig dahilan para magulantang ito at mapatayo. Ngunit hindi pa siya nakuntento roon dahil lumapit pa siya at kinuskos ang mukha nito para lamang mapatunayang make-up lang ang dahilan ng kagandahan nito.

Kaya lang, kahit anong kuskos niya sa kilay at pisngi ng pumapalag na dalaga, walang make-up ang nahuhulas sa mukha nito.

“Tigilan mo na, Frances! Wala namang matatanggal na make-up sa mukha ko dahil hindi ako nagamit no’n katulad nang kinakalat mong tsismis! Allergic ako sa make-up!” sigaw nito na talagang ikinatigil niya.

Nang bitawan niya ito, roon niya lang napansin na ang dami ng empleyado ang nakatingin sa kanilang dalawa. Ang iba’y kumukuha pa ng bidyo habang ang iba ay nagbubulungan na.

Ngunit ang pinakakumuha ng atensyon niya ay ang binatang si Lester na agad na niyakap ang dalagang inaway niya.

“Hindi ko mapapalampas ‘to, Frances! Pinalagpas ko ang mga tsismis na ginagawa pero itong eskandalo na ginawa mo, hindi na!” sigaw nito sa kaniya saka agad na lumapit sa katrabaho nilang kumukuha ng bidyo at ito’y dinala sa kinauukulan sa kanilang kumpanya.

Wala pang isang oras siyang nagpapahimasmas kasama ang kaibigan, agad na siyang pinatawag sa opisina. Hindi na siya pinagsabihan ng kung ano pa man ng kanilang boss at siya’y agad nang binigyan ng isang puting papel upang isulat ang kaniyang resignation letter.

“Hindi namin kailangan ang isang katulad mong eskandalosa, hija. Kaya, mas mabuting mag-resign ka, kaysa tanggalin ka namin para maganda pa rin ang work record mo,” payo nito sa kaniya na labis niyang ikinabigla.

Labag man sa loob niya ang paggawa noon, wala siyang ibang magawa kung hindi sumunod sa nakakataas habang siya’y humahagulgol.

Doon niya napagtantong hindi sa lahat ng pagkakataon, mabuti ang pakikipagkompetensya sa iba dahil minsan, maaari ka nitong mapahamak at malagay sa alanganin.

Hindi niya man alam kung saan pupulutin, siya’y naglakas loob na muling maghanap ng ibang trabaho at nangakong hindi na muling ipapamalas ang ganitong ugali niya lalo na kung tungkol lang naman sa isang lalaking pinapangarap niya.

Advertisement