
Mainitin ang Ulo ng Drayber na Ito sa Tuwing Namamasada, Isang Pulis ang Nakatapat Niya
“Papa, relax ka lang sa pagmamaneho, ha? Kahapon ka lang may nakasugatang motorista, mabuti at hindi kayo nagkasakitan dahil kung hindi, nakapalaking gulo pa no’n,” sabi ni Monica sa kaniyang ama habang inihahanda niya ang baong pananghalian nito.
“Siya ang mali, anak, hindi naman niya linya, nag-oover take siya! Paano kung madisgrasya ako at ang pasahero ko, e ‘di lalong malaking problema ‘yon!” paliwanag ni Carlos habang nagmamadaling isuot ang kaniyang sapatos.
“Hindi na importante kung sino ang mali, papa. Ang mahalaga, makauwi ka nang ligtas dahil ikaw na lang ang tanging inaasahan namin,” pangaral ng anak niya na labis niyang ikinainis dahil muli niyang naalala ang pangyayari kahapon.
“Nakakainis kasi ‘yang mga kaskaserong motoristang iyan! Akala mo, mga hari ng kalsada! Kinausap ko lang ‘yong binata kahapon, minura na ako kaagad, e ‘di minura ko rin siya!” inis niyang kwento sa anak.
“Papa, tama na, pinagsasabihan lang kita, hindi mo kailangang magalit ulit sa nangyari kahapon. Ang kailangan mong gawin ngayon ay kumalma, para hindi maapektuhan ang pamamasada mo ngayon,” mahinahon nitong sabi habang hinihinamas-himas ang likod niya dahilan para siya’y mapatahimik na lang at ipagpatuloy ang kaniyang pagsasapatos.
Pamamasada ng taxi ang pinagkakakitaan ni Carlos. Sa pamamagitan nito, kaniyang nabuhay mag-isa ang kaniyang tatlong mga anak sa loob ng halos isang dekada simula nang pumanaw ang kaniyang asawa dahil sa isang malubhang sakit.
Kaya lang, madalas, nadadala niya ang pagiging mainitin ng ulo niya sa kalsada. Ayaw na ayaw niyang may mag-oover take sa kaniya, nagagalit siya kapag may double parking at hindi siya makadaan, at kapag may sasakyang gumigitgit sa kaniya na talaga nga namang ikinabahala ng kaniyang panganay na anak sa tuwing siya’y mamasada.
Palagi man nitong paalala sa kaniya na laging maging kalmado dahil hinihintay ng mga ito ang pag-uwi niya, hindi niya mapigilan ang sarili kapag nasa kalsada na.
Nang umagang iyon, pagkatapos na pagkatapos niyang magsuot ng sapatos, agad na siyang nagpaalam sa kaniyang anak at nagsimulang mamasada.
Papunta pa lang sana siya istasyong pinipilahan niya upang makakuha ng pasahero, may isang humaharurot na motor na kaagad ang muntik nang makabangga sa kaniya na talagang nagpainit ng ulo niya.
Kaya naman, imbis na balewalain na lang iyon upang walang gulo, hinarurot niya rin ang kaniyang taxi upang masundan at maabutan ito.
Sakto namang nagkulay pula ang stop light at kaniyang naabutan ang naturang motorista. Agad siyang bumaba sa kaniyang taxi at ito’y kaniyang tinulak mula sa likuran dahilan para mapasubsob ito.
“Hari ka ba ng kalsada, ha? Hindi mo ba alam na kamuntikan mo na akong mabangga kanina?” sigaw niya rito habang nanggagalaiti.
“Ay, pasensya na po, sir, kung ganoon. May hinahabol po kasi akong…” hindi na niya ito pinatapos magsalita at agad na niya itong pinagmumumura, “Sir, hindi niyo po ako kailangang murahin, humingi na nga po ako ng tawad dahil hindi ko po kayo nakita. Hindi rin po kayo ang hari ng kalsada para murahin niyo ako nang gan’yan,” dagdag pa nito na lalong nakapagpainit ng ulo niya.
“Ah, ganoon?” sabi niya pa saka agad na itong sinuntok sa braso. Nagsimula mang umandar ang ibang sasakyan at nagkaroon ng trapiko dahil sa ginagawa niya, wala pa rin siyang pakialam.
Agad naman itong bumaba sa motorsiklo habang tinatanggap ang kaniyang mga suntok at nang tuluyan na itong makababa, agad na siya nitong tinutukan ng baril dahilan para mapataas siya ng mga kamay.
“Pulis ako, sir! Isang sibilyang pulis na humahabol sa isang utak ng pinagbabawal na gamot kanina! Tapos dahil lang sa isang katulad mong mainitin ang ulo sa kalsada, hindi ko mahuhuli ang bwisit na ‘yon!” sigaw nito sa kaniya saka agad na tumawag ng iba pang mga pulis habang nakatutok pa rin sa kaniya ang baril.
Ilang minuto lang ang lumipas, agad na nga siyang dinampot ng mga pulis at dinala sa presinto. Nginig na nginig siya sa takot ng mga oras na iyon at doon niya naalala ang bilin ng anak na siya’y maging mahinahon at kalmado sa pagmamaneho.
“Pasensya na, mga anak, mukhang hindi makakauwi si papa,” iyak niya sa labis na pagsisising nararamdaman.
Mabuti na lang talaga, sobrang bait ng pulis na kaniyang nakatapat dahil nang malaman nitong may tatlo siyang anak na binubuhay, agad siya nitong pinatawad.
“Mangako ka lang, sir, na magiging maunawain at kalmado sa kalsada, ha? Dahil kapag may nagreklamo ulit sa inyo, patatanggalan namin kayo ng lisensya at ikukulong pa. Kawawa naman ang mga anak mo kung magkataon,” sabi nito sa kaniya. Agad siyang lumuhod sa harapan nito sa labis na pasasalamat at agad siyang nangakong susundin ang mga sinabi nito.
Dahil sa aral na iyon, siya nga ay unti-unti nang nagbago. Natuto na siyang magbigay at kumalma sa kalsada habang nagmamaneho alang-alang sa kaniyang mga anak.