Inday TrendingInday Trending
Naloko sa Amerika ang Dalagang Ito, Sa Basurahan Niya Lang Pala Matatagpuan ang Swerteng Hinahanap-Hanap

Naloko sa Amerika ang Dalagang Ito, Sa Basurahan Niya Lang Pala Matatagpuan ang Swerteng Hinahanap-Hanap

“O, nanay, kapag wala na ako rito, huwag kayong masyadong magpapagod, ha? Kung may mabigat na bubuhatin o trabaho, ipagawa niyo kay bunso. Huwag na rin kayong masyadong magtatalo ni tatay, ha? Sige kayo, wala na kayong taga-awat, baka magkasakitan pa kayo,” bilin ni Tonya sa kaniyang ina, isang umaga habang siya’y naghahanda na sa kaniyang pag-alis.

“Oo, anak, pangako, lahat ng bilin mo, tatandaan at susundin naming lahat basta ipangako mo rin na mag-iingat ka sa ibang bansa, ha? Kapag masungit o malupit ‘yong amo mo roon, magpauwi ka na agad!” nanggigil na payo nito sa kaniya na ikinatawa niya.

“Nanay, pinangako naman po sa akin noong nakausap ko na mabait ‘yong magiging amo ko roon. Panigurado po, magiging masaya ako roon,” tugon niya na ikinahinahon nito.

“Salamat naman sa Diyos kung ganoon! O, sige na, ika’y lumakad na’t baka mahuli ka pa sa flight mo,” sabi pa nito saka agad na hinila ang dadalhin niyang maleta patungo sa kanilang pintuan.

“Opo, nanay, mag-iingat kayo rito, ha? Mami-miss ko po kayong lahat! Para sa inyong lahat ‘to!” sagot niya saka humalik at yumakap sa kaniyang ina bago tuluyang umalis lulan ng isang traysikel.

Biglang nagkaroon ng pag-asa sa buhay ang dalagang si Tonya nang makahanap siya ng isang ahensya sa ibang bansa na makapagbibigay sa kaniya nang maayos na trabaho roon.

Siya kasi’y namulat sa isang mahirap na buhay kung saan kailangan pang kumayod araw-araw ng kaniyang mga magulang sa pagtitinda ng mga basahan sa lansangan para lamang makakain silang magkakapatid.

Hindi rin siya nakapagtapos kaya buong akala niya, tatanda na siyang mahirap katulad ng nakagisnan niya.

Kaya ganoon na lang ang saya niya at ng kaniyang buong pamilya nang masigurado na niyang siya’y makakaalis ng bansa. Katulad ng ibang Pilipino, ito ang tangi niyang nakikitang paraan upang umasenso sa buhay.

Sa katunayan, nangutang pa siya sa kaniyang mga kaibigan para lamang makabayad sa placement fee ng naturang ahensya sa Amerika. Nangutang din siya sa ilan niyang mga pinsan para makapaglakad ng mga dokumentong kinakailangan niya dahilan para siya’y labis na magpursigi sa kaniyang pag-alis.

Nang araw na ‘yon, agad na nga siyang nagtungo sa airport at lumipad patungo sa America. Kaya lang, pagdating niya roon, hindi niya makita ang kausap niyang ahente.

Pinagtanong-tanong niya sa mga ‘Kano roon kung alam nila ang ahensyang tinutukoy at hinahanap niya, kaya lang laging sagot ng mga ito sa kaniya, “That agency doesn’t exist here,” na talaga nga namang ikinaguho ng kaniyang mundo.

Sinubukan niya ring tawagan ang kausap niyang ahente ngunit hindi na ito sumasagot sa kaniya. Dito na siya tuluyang humagulgol.

“Paano na ako ngayon? Diyos ko, akala ko ito na ang simula ng pag-asenso ng pamilya ko!” iyak niya sa kalangitan.

Maya maya, nakaramdam na siya ng gutom kaya siya’y naglakas-loob na magtungo sa siyudad upang manglimos doon.

“Kapag nakalimos ako kahit ilang dolyar, makakakain na ako,” sabi niya sa sarili habang hawak-hawak ang kumukulong tiyan.

Ngunit sa halos isang oras niyang paglalakad mula airport patungong siyudad, hindi na niya matiis ang gutom na nararamdaman kaya kahit na hiyang-hiya siya sa naiisip niyang paraan para makakain, ginawa niya pa rin ito.

Binungkal niya ang isang basurahang nakita at hindi niya sukat akalaing makakatagpo siya roon ng sandamakmak na tsokolate, inumin, at ilang tinapay na hindi pa nabubuksan dahilan para agad siyang kumain doon.

“Naku, naunahan mo ako, miss, ha?” sabi ng isang Pinoy doon saka naupo sa tabi niya.

“Tinatapon lang talaga nila ang mga pagkaing ito?” pang-uusisa niya rito saka niya ito inabutan ng ilang tsokolate.

“Oo, kahit saang basurahan ka magkalkal, may makukuha kang pagkain at gamit na mapapakinabangan. Sa katunayan, nakaipon ako ng malaking halaga sa pagkakalkal dito sa Amerika. Gusto mo bang sumama sa akin para makaipon ka rin?” alok nito na talagang ikinagukat niya kaya siya’y agad na sumang-ayon dito.

Habang nagkakalkal sila, naisip niyang mag-live sa social media at maraming Pilipino ang talaga nga namang nagulat sa ginagawa niya roon.

Dito na niya napaisipang kuhanan ang bawat pangangalakal na ginagawa niya kasama ang Pinoy na naging kaibigan niya at ilagay sa social media upang siya’y kumita rin ng pera.

Sa halos tatatlong buwan niyang pangangalakal at pagkuha ng bidyo, siya’y tuluyan nang nakapagpagawa ng bahay niya roon sa Amerika at bahay ng kaniyang pamilya rito sa ‘Pinas. Nakabayad na rin siya sa mga pinagkakautangan niya at nakapagtayo ng negosyo para sa kaniyang mga magulang.

Marami ring humanga sa kaniya sa istorya ng buhay niya roon dahilan para marami ang manuod sa kaniyang mga bidyo at siya’y sumikat sa buong bansa.

“Walang salitang pagsuko sa isang taong may pangarap sa buhay. Maloloko man tayo ng iba, biyaya naman ang lalapit sa atin para tayo’y makabawi,” wika niya sa isang bidyo niya na talagang nag-trending sa buong Pilipinas.

Nadapa man siya sa unang pagkakataong makatapak niya sa Amerika, sa basura lang pala niya matatagpuan ang swerteng pinapangarap niya.

Advertisement