Todo ang simangot ni Judy nang dumating ang nobyo niya na si Julius. Halos dalawang oras itong late sa usapan nila!
“Sorry. Nahirapan akong makaalis sa bahay kasi baka magduda si misis.” Bahagya pang hinihingal ang lalaki, tanda na nagmadali itong makarating sa restawran na tagpuan nila.
Isang matalim na irap lang ang isinukli niya sa lalaki.
“Ano pa nga ba ang magagawa ko? Kahit kailan naman, hindi ako nanalo sa legal na asawa mo,” nagtatampong wika niya sa nobyo.
“Ang dalas mo siyang kasama, minsan pakiramdam ko, siya ang mahal mo at laruan lang ang tingin mo sa akin,” dagdag pa niya.
Masamang-masama ang loob niya kay Julius.
Subalit nang gagapin nito ang palad niya ay tila bulang naglaho ang mga agam-agam ni Judy.
“Ano bang sinasabi mo? S’yempre, mahal kita. Tatagal ba tayo ng dalawang taon kung hindi kita mahal?” anito.
“Happy anniversary,” wika pa nito.
Agad na nagningning ang mata niya nang makita ang isang kahon na alam niyang mamahaling alahas ang laman.
Hindi tuloy niya maiwasang mapangiti. Alam na alam talaga ni Julius kung paano mawawala ang tampo n’ya.
“Nagustuhan mo ba?” malambing na tanong pa nito matapos isuot sa kaniya ang kwintas.
Nakangiti siyang tumango habang hawak ang kwintas. Habang nakatitig sa mukha ng nobyo ay noon niya napagtanto na hindi na siya kuntento na maging pangalawa lang. Gusto niya nang tuluyang angkinin ang pag-ibig ni Julius.
“Mahal, hindi mo ba pwedeng hiwalayan na lang si Amelia at tayo na lang ang magsama?” ungot niya sa lalaki.
Malungkot itong umiling.
“Hindi pwede. Natatakot ako sa pwedeng mangyari kapag sinabi ko kay Amelia na ayoko na,” paliwanag nito. Bakas sa mukha nito ang matinding pagkabigo.
Napatungo na lamang si Judy sa pagkadismaya sa naging sagot ng nobyo. Ngunit sa isipan niya ay isang ideya ang naglalaro.
“Kung hindi mo siya kayang saktan, ako ang gagawa. Kung iyon lang ang tanging paraan para tuluyan na kitang maangkin,” sa loob-loob niya.
Kaya naman nang sumunod na araw rin ay napagdesisyunan niyang tunguhin ang bahay ni Amelia.
“Sino ho sila?” takang tanong ng babaeng nagbukas ng pinto.
Tumaas ang kilay niya nang makita ang babae. Maganda kasi ito at maamo ang mukha.
“Ikaw ba si Amelia?” mataray na tanong niya sa babae.
“Ako nga. Sino ho ba kayo?” muli ay tanong nito.
“Ako si Judy. Ang kabit ng asawa mo. Ang tunay niyang minamahal,” walang kaabog-abog niyang pahayag sa babae.
Nanlaki ang mata ng babae. Akma pa itong matutumba, mabuti na lamang ang naagapan itong saluhin ng kasambahay.
“H-hindi t-totoo ang sinasabi mo. M-mahal ako ni Julius,” halos pabulong na anas ng babae.
Napangisi si Judy. Nahulaan niya nang hindi ito maniniwala agad-agad kaya naman naghanda talaga siya ng pruweba na hindi nito pinagdududahan ang relasyon nila ng asawa nito.
Nakangisi niyang iniharap kay Amelia ang selpon niya na punong-puno ng larawan nila ng asawa nito.
“Hindi ka ba nahihiya na nakikiapid ka? At parang proud na proud ka pa sa ginagawa mo?” kastigo sa kaniya ni Amelia habang umiiyak.
Puno ng pighati ang mga mata ng babae, ngunit wala siyang madamang simpatya.
“Hindi. Dahil sa pagmamahal, walang tama at mali,” taas noong pahayag niya.
“Iwan mo na siya, para makapagsama na kami. Ako ang mahal niya,” utos pa niya sa babae bago siya umalis.
Ngiting-ngiti si Judy. Sa wakas ay mawawala na rin sa landas niya ang kaagaw niya kay Julius! Hindi na siya makapaghintay na makasal sila ng lalaking pinakamamahal niya.
Nang sumunod na araw, ipinagtaka niya nang hindi niya matanggap ang tawag ni Julius. Araw-araw kasi kung tumawag ito. Sa t’wing umaga ay nakakatanggap siya ng sweet na mensahe mula sa nobyo. Isa nga iyon sa mga dahilan kung bakit nahulog ang loob niya rito.
“Nagalit ba siya sa akin?” hindi niya maiwasang isipin. Hindi siya mapalagay dahil ni minsan ay hindi pa siya nito natiis na hindi kausapin ng tatlong araw. Ngayon pa lang.
Ngunit nang tatlong araw na ang lumipas at hindi pa rin ito nagpaparamdam ay labis na siyang nag-alala.
Kinakabahang tinungo niya ang bahay ng nobyo.
Malayo pa lang ay kita na niya ang maraming sasakyan na nakaparada sa harap ng bahay.
“May okasyon ba?” sa loob-loob niya.
Ngunit nang tuluyan na siyang makalapit sa bahay at bumilis ang tahip ng dibdib niya. Nang pagbuksan kasi siya ng kasambahay ay napagtanto niya kung bakit maraming bisita ang sina Julius at Amelia—may pinaglalamayan pala!
“S-sinong n-nakaburol?” kinakabahang usisa niya.
Umiling lamang ito. Walang salita siya nitong pinapasok sa loob. Habang papalapit sa ataul ay kay lakas ng kabog ng dibdib niya. Lalo pa nang marinig niya ang bulong ng ilan sa mga nakikiramay.
“Sayang. Napakabata pa niya,” narinig niyang wika ng isang matanda.
Nang sumungaw siya sa ataul ay nanlamig siya. Dahil ang nakahimlay doon ay ang wala nang buhay niyang nobyo.
Awtomatikong tumulo ang luha niya.
“Julius… Paanong–”
Gusto ni Judy na magsisigaw ngunit walang tinig na lumabas sa mula sa bibig niya. Patuloy lamang ang pagbulwak ng masaganang luha mula sa kaniyang mga mata.
Nang mapalingon siya gilid ay nakita n’ya si Amelia. Mataman itong nakatitig sa kaniya. Matinding lungkot ang nakabakas sa mukha nito.
Inakala niya na susugurin siya nito at ipapahiya, ngunit wala itong ginawa nang makalapit sa kaniya.
“Nag-away kami habang nagmamaneho siya pauwi. Iyon daw ang posibleng dahilan kung bakit hindi niya nakita ang kasalubong niyang truck. Hindi ko na siya naabutang buhay sa ospital. Gusto ko man ipaalam sa’yo, hindi ko naman alam kung paano. Maging ang cellphone niya e nagkawak-wasak,” kwento ni Amelia.
Tila may dumagan sa puso ni Judy. Mukhang tila siya pa yata ang may kasalanan sa nangyari. Sinabi na ni Julius na ayaw nitong sabihin kay Amelia ang nangyari, ngunit naging mapilit siya.
Tila nabasa naman ni Amelia ang iniisip niya.
“Aksidente ang nangyari. Hindi mo kasalanan. Pero kasalanan sa Diyos ang pakikiapid, Judy. Marahil ay ito ang paraan Niya para mapagbayaran n’yo ang ginawa niyong kasalanan,” maya-maya ay marahang sabi nito.
Mas lalo lamang siyang napaluha. Napagtanto na marahil ay totoo ang sinabi nito.
Ang tama ay tama. Ang mali ay mali. Ang mali ay hindi maaring itama ng isa pang pagkakamali.
“Paalam, Julius. Mahal na mahal kita,” mapait niya bigkas bago tinalikuran ang kaniyang pinakamamahal.
Ang lalaking inakala niya na mapapasakaniya noon ay wala na. At wala siyang ibang magawa kundi ang lumuha at magluksa nang patago, dahil hindi naman ito naging kailanman sa kaniya.
Inakala niya noon na walang tama at mali sa pagmamahal. Ngunit mali siya. May tamang pagmamahal, ay may maling pagmamahal.
At ang maling pagmamahal, napagtanto ni Judy, kailanman ay hindi nagtatagal.


