Inday TrendingInday Trending
Sinigaw-sigawan Niya ang Kaniyang Ama Dahil Nasira Nito ang Bagong-bago Nilang TV; Bakit Napaiyak Siya sa Sermon ng Kaniyang Ina?

Sinigaw-sigawan Niya ang Kaniyang Ama Dahil Nasira Nito ang Bagong-bago Nilang TV; Bakit Napaiyak Siya sa Sermon ng Kaniyang Ina?

Pigil ni Melissa na mapairap dahil sa kaniyang ama. Simula kasi noong magsimula silang kumain ay hindi pa ito tumigil sa pagsasalita.

Paulit-ulit lang naman ang sinasabi nito. Nakukulili na ang tainga n’ya. Kung hindi lang nga kabastusan ay magtatakip siya ng tainga.

Nang tumuntong ito ng edad na sitenta ay nagsimula na itong maging isip-bata. Kaya naman ang mga kwento nito ay nakakasawa na dahil paulit-ulit lang.

“Arturo, kumain ka na muna, mamaya ka na magkwento,” tila batang saway ng kaniyang ina sa kaniyang ama nang mapansin nito ang pagkairita niya.

Mabuti na lamang at gaya ng isang mabait na paslit ay sumunod ito sa pakiusap ng kaniyang ina. Nakahinga siya nang maluwag. Sa wakas ay makakakain na sila nang tahimik!

Nang matapos silang kumain ay sinamahan niya ang kaniyang ina na magkape sa sala. Bakas sa mukha nito ang pagkapagod. Maghapon kasi nitong inaasikaso ang kaniyang ama na talaga namang alagain na.

“‘Ma, bakit hindi tayo kumuha ng nurse para kay Papa? Para naman hindi ka pagod na pagod araw-araw,” sa hindi niya na mabilang na pagkakataon ay suhestiyon niya sa ina.

Ngunit muli ay tumanggi ito.

“Hindi, anak. Gusto kong alagaan ang asawa ko. Malakas pa naman ako at kayang-kaya ko,” nakangiting wika nito.

Hindi na niya ito pinilit pa. Ilang beses na niya kasi itong kinumbinsi noon, ngunit hindi ito pumapayag. Nais daw nitong ito ang mag-alaga sa kanilang ama.

Si Melissa naman ay buo na ang loob na kumbinsihin ang kanilang ina. Kung siya nga lang ang masusunod ay dadalhin niya na sa isang nursing home ang kanilang Papa.

Mahal na mahal niya ang ama subalit sadyang hindi niya na talaga kinakaya ang kulit at ingay nito.

Kinaumagahan, kasalukuyang siyang naghahanda sa pagpasok nang makarinig siya ng ingay. Ang kaniyang Papa.

“Gusto kong manood ng TV! Akin na ang remote!” narinig niyang sigaw nito na tila may kaaway.

Napakunot-noo si Melissa. Sino ba ang kaagaw nito sa remote?

Nang labasin niya ito ay nakita niya ang kaniyang Papa at si Milo na nag-aagawan sa remote, Nang makita siya ng kaniyang Papa ay tila batang naunahan pa nito si Milo na magsumbong.

“Ayaw niyang ibigay ang remote!” nagmamaktol na baling nito sa kaniya.

Pinigil ni Melissa ang inis.

“Papa, ibigay mo na kay Milo ang remote. Bakit ka ba nakikipag-agawan sa bata?” kastigo niya sa matanda.

Sa narinig ay tila nagalit ito.

Ibinato nito ang remote, na tumama sa TV at nag-iwan ng isang malaking lamat sa bagong-bagong TV.

Sa nangyari ay tila sinilaban ang galit ni Melissa. Ang mahal-mahal ng TV na iyon!

“Papa! Sumosobra ka na! Bakit mo ibinato ang remote sa TV? Tingnan mo ang ginawa mo, hindi ka nag-iisip! Hindi naman ikaw ang bumili niyan!” bulyaw niya sa matanda.

Napaupo naman ito. Tila natakot sa sigaw niya.

“Papa, ‘wag kang makulit! ‘Wag mo ring awayin si Milo! Papaalisin kita rito, sige ka,” pananakot pa niya rito.

Napangiti si Melissa nang makita ang pananahimik ng matanda. Nakaupo lamang ito sa isang panig ng sofa at nakayuko.

Maging si Milo ay tila natakot din.

“M-mama, ‘wag mo pong pagalitan si Lolo…” mangiyak-ngiyak na wika nito nang makita ang pananahimik ng matanda.

Naiiling na tinalikuran niya na lang ang dalawa. Ngunit sa pagpihit niya ay nakita niya ang kaniyang ina.

Umiiyak ito habang nakatingin sa kaniyang Papa.

“M-mama…” nauutal na wika niya.

Nakita pala nito kung paano niya sinigaw-sigawan ang kaniyang ama.

“Melissa, anak, halika, mag-usap tayo,” anito bago ito nagpatiunang pumasok sa kaniyang silid.

“Bakit mo naman sinigawan nang ganoon ang Papa mo? Sobra ka naman…” paunang sermon nito.

Napasimangot siya.

“‘Ma, kakabili ko lang nung TV. Ang mahal kaya nun. Sinira niya lang nang ganun-ganun,” inis na katwiran niya.

“Gaano kamahal? Kayang tumbasan ang sakripisyo ng Papa mo?” seryosong tanong nito.

Hindi siya nakaimik.

“Anak, lahat ng naipundar natin, kasama na ang edukasyon na meron kayo, lahat ‘yan ay dahil sa hirap ng Papa n’yo. Kaya sana ay alagaan natin siya ngayon kagaya ng pag-aalaga niya sa ating lahat dati,” marahang payo ng kaniyang ina.

“Nakita mo ‘yung pilat sa paa ng Papa mo?”

Tumango siya.

“Siguro hindi mo na natatandaan, pero nangyari ‘yun noong pitong taong gulang ka pa lang. Inaapoy ka ng lagnat. Sa sobrang taranta ng Papa mo, sinugod ka niya sa ospital nang nakaapak, kaya nagkasugat-sugat ang paa niya. Ni hindi niya napansin ang sugat niya, hanggang sa may isang nurse na lumapit ay pinuna ang nagkalat niyang dugo sa sahig ng ospital.”

Namasa ang mata ni Melissa. Hindi na malinaw sa kaniya ang alaala na iyon, ngunit hindi niya maiwasang maantig.

“At higit sa lahat, anak, noong umiiyak ka at sinabi mong buntis ka kay Milo at wala siyang ama, hindi ba’t siya ang tumayong ama at Lolo sa anak mo? Wala kang narinig na kahit ano sa Papa mo. Buong puso ka niyang sinuportahan.”

Tuloy-tuloy ang pagabagsak ng luha sa mga mata ni Melissa.

“Kaya anak, kapag naiinis ka sa kakulitan ng Papa mo, isipin mo lahat ‘yun. Lahat naman tayo’y tumatanda. Ayaw mo naman siguro na sigaw-sigawan ka ni Milo kapag ulyanin ka na, hindi ba?” tanong pa nito.

Naluluhang umiling siya.

“Sorry, ‘Ma…” halos pabulong na anas niya.

“‘Wag ka sa akin mag-sorry, sa Papa mo.” Tinapik pa nito ang balikat niya bago siya iniwang mag-isa.

Nang lumabas siya ay naabutan niya ito at si Milo na tahimik na nanonood sa basag na TV. Mukhang nagkasundo na ang mag-lolo.

Walang salitang lumapit siya sa ama at umupo sa tabi nito. Sumandal siya sa balikat nito gaya ng madalas niyang gawin sa t’wing nanonood sila ng TV noon.

“Sorry po, Papa…” wika niya.

Hindi ito nagsalita. Ngunit hinawakan nito ang kamay niya. “Wala ‘yun, anak.”

Muling tumulo ang luha ni Melissa. Kahit madalas man ay wala na sa tamang pag-iisip ang kaniyang ama, ni minsan ay hindi nawala ang pusong ama nito.

Advertisement