
Ganoon na Lamang ang Kagustuhan Niya na Matanggap Siya ng Ina ng Nobyo; Bakit nga ba Hindi Niya Makuha ang Matamis Nitong “Oo”?
“Mahal, makakarating ba si Tita ngayon? Nasabi mo naman na may mahalaga tayong sasabihin sa kaniya, ‘di ba?” kabadong tanong ni Josephine sa nobyo na si Edward. Dalawang oras na kasi itong huli sa usapan nila.
Kitang-kita niya ang alinlangan sa mukha nito bago ito tumango.
“Oo, mahal. Sinabi ko kay Mama pero hindi ako sigurado kung makakarating ba siya dahil hindi siya sumagot nung tumawag ako.”
Pilit na pinasigla ni Josephine ang kaniyang boses kahit na ang totoo ay dismayado siya.
“Hintayin na lang natin. Malay mo naman, nakalimutan niya lang. Ang mabuti pa i-text mo ulit sa kaniya ang address ko at sabihin mong ayos lang sa’tin na maghintay.”
Tumango si Edward saka nito dinukot ang selpon sa bulsa bago nagtipa ng mensahe. Ngunit ilang minuto lang ay nakatanggap na sila ng sagot.
“Pasensya na. Sumama ang pakiramdam ko. Hindi ako makakarating.”
Matamlay siyang tumango at malungkot na minasdan ang mga pagkain sa mesa na siya mismo ang nagluto. Inalam pa niya ang mga putaheng paborito ng ina ni Edward at inaral kung paano lutuin ang mga iyon.
Gusto niya kasi na maging perpekto ang lahat at makita nito na siya ang nararapat para sa anak nito.
Nais na ng magkasintahan na magpakasal. Halos anim na taon na rin naman silang magkarelasyon at siguradong-sigurado na sila sa isa’t-isa.
Ang totoo ay handa na sila sa kanilang pagsasama habambuhay maliban sa isang bagay na isa sa pinakamahalaga sa lahat—ang basbas ng ina ng kaniyang mapapangasawa.
Ilang beses niya na ring nakita si Tita Lilibeth. Ipinakilala kasi siya ng nobyo sa buong pamilya noon. Mabait naman ito sa kaniya at maganda makitungo noong una, ngunit nang minsan niyang mabanggit rito na pinag-uusapan na nila ni Edward ang kasal ay napansin niya na nagbago ang trato nito sa kaniya.
Tila hindi nito ang gusto ang ideya na iyon.
“Sa tingin mo ba, ayaw sa akin ni Tita? Siguro dahil hindi ako marunong sa gawaing bahay o dahil hindi ako nababagay sa’yo,” aniya nang bumaling sa nobyo.
Bumuntong-hininga ito at hinawakan ang kamay niya.
“Sigurado akong hindi ‘yun ang dahilan. ‘Wag kang mag-alala, kakausapin ko si Mama nang masinsinan mamaya,” pangako nito.
Mabigat ang dibdib ni Josephine. Hindi niya kasi maalis ang hinala sa dibdib na tututol ito sa kasal nilang magkasintahan.
“Ano’ng nangyari? Nakausap mo na ba si Tita?” usisa niya sa nobyo nang magkita silang muli.
Tila problemado ito, bagay na mas lalo niyang ikinabahala.
“Sorry, mahal. Umiiwas si Mama eh. Umuwi nga sa Bataan para lang matakasan ako,” bigong pagbabalita nito.
Sa puntong iyon, pakiramdam niya ay wala talaga siyang pag-asa at tama ang hinala niya na hindi siya nito gusto na maging manugang, hindi lang nito masabi nang tuwiran. Hindi na niya namalayan ang ilang butil ng luhang bumalong sa kaniyang pisngi.
Ngunit maya-maya ay ginulat siya ng isang malakas na kalabog. Nang lumingon siya sa pinanggalingan ng kalabog ay agaran siyang nataranta nang makita si Edward na nakahandusay sa sahig at nakahawak sa dibdib nito, tila nahihirapan huminga.
Kinalma niya ang sarili at mabilis siyang humingi ng saklolo upang maisugod ito sa ospital.
Nang tawagan niya ang ina ng nobyo ay halos lumipad ito mula Bataan pa-Maynila sa sobrang pag-aalala sa anak. Sermon ang ibinungad nito kay Edward.
“Heto na nga ba ang sinasabi ko! Ilang beses kitang sinabihan na alagaan mo ang sarili mo at ‘wag kang magpagod. Hindi mo alam kung kailan aatake ang sakit mo. Paano kung wala si Josephine para isugod ka sa ospital? Paano na lang kaming pamilya mo kung ganoon ang mangyari? Paano ang nobya mo na walang alam sa kondisyon mo?” umiiyak nitong sermon sa anak, bakas ang matinding pag-alala.
Natigilan silang magkasintahan sa huling sinabi nito. May hinalang nabuo sa kanilang mga isipan.
“‘Yun ba ang dahilan kung bakit tutol ka na makasal kami ni Josephine, ‘Ma? Natatakot ka na baka hindi n’ya matanggap na may sakit ako at hindi ako normal? Hindi dahil sa ayaw mo sa kaniya?” paniniguro nito sa sinabi ng ina.
Unti-unting tumango si Lilibeth. Kinuha ni Josephine ang pagkakataong iyon para magpaliwanag.
“Tita, alam ko po mula noong umpisa pa lang na may maselang kondisyon si Edward. Ipinagtapat niya po sa akin ang lahat bago ko pa siya sagutin dahil kagaya niyo, natatakot siya na may masamang mangyari at maiwan akong walang alam. Alam ko po ang katotohanan pero pinili ko pa ring sagutin siya dahil mahal ko siya at gusto ko siyang makasama habambuhay. Susulitin po namin ang bawat segundo, minuto, at oras na ibibigay sa amin ng Diyos,” sinserong wika niya sa matanda.
Nakita niya ang pagtulo ng luha nito.
“Pasensiya ka na, Josephine. Hindi ko sinasadyang maiparamdam na hindi kita gusto pero sa totoo lang gusto na kita mula noong araw na ipinakilala ka ng anak ko sa akin, kitang-kita ko kung gaano kabuti ang pagkatao mo. Alam kong magiging mabuti kang asawa sa anak ko. Salamat at dumating ka sa buhay niya,” emosyonal na tugon naman nito.
“Kahit bukas din ay pwede na kayong magpakasal. Nasa inyo na ang basbas ko,” nakangiting turan pa nito.
Napaluha siya sa labis na galak. Masaya siya na isang malaking hindi pagkakaunawaan lang ang lahat. Tanggap na tanggap pala siya nito, at wala na siyang dapat pang ipag-alala.
Sa wakas, matutuloy na ang pinakamasayang okasyon sa buong buhay niya. Ang pag-iisa nila ng lalaking labis niyang minamahal. At may bonus pa, mayroon siyang mabait na biyenan na paniguradong makakasundo niya!