Inday TrendingInday Trending
Tutol ang Ginang sa Mapapangasawa ng Kaniyang Kuya; Mapapahiya Siya sa Araw ng Kasal Nito

Tutol ang Ginang sa Mapapangasawa ng Kaniyang Kuya; Mapapahiya Siya sa Araw ng Kasal Nito

Dahil sa lubusang pagkaabala sa trabaho, limampung taong gulang na si Henry ngunit hindi pa rin ito nakakapag-asawa. Ni wala nga itong ipinakikilalang nobya sa kaniyang pamilya. Kaya labis ang gulat ng lahat nang dumalo sa family reunion itong si Henry na may kasamang dalaga na halos kalahati ng kaniyang edad. Agad siyang sinita ng kaniyang nag-iisa at kababatang kapatid na si Yolanda.

“Kuya, bakit sinama mo pa ang sekretarya mo rito sa party? Baka mamaya ay kung ano ang sabihin ng ilang kamag-anak natin. Hindi magandang tingnan!” sambit ni Yolanda.

“Oo nga pala, hindi ko pa kayo ipinapakilala sa isa’t isa. Yolanda, ito si Michelle at hindi siya sekretarya ko,” saad naman ng ginoo.

“K-kung hindi mo siya sekretarya, ano mo siya? Kaibigan? Inaanak? Ano? Huwag mong sabihin sa akin na kasintahan mo ang babaeng iyan!” kinakabahan na si Yolanda sa puntong ito.

“Hindi lang basta kasintahan, Yolanda. Kaya ko siya isinama rito sa family reunion natin ay dahil nais kong ipakilala sa inyo si Michelle bilang aking magiging kabiyak. Limang buwan mula ngayon ay ikakasal na kami,” wika muli ni Henry.

“K-kasal? Kayong dalawa ay ikakasal? Ang bilis naman yata ng lahat ng ito, kuya? Saka hindi ka ba kinikilabutan sa sarili mo? Parang anak mo na ang babaeng iyan! Humanap ka naman ng babaeng matino na p’wedeng iharap sa amin. Saka kung tutuusin alam naman nating lahat kung ano ang habol sa’yo ng babaeng ito. Sa hilatya pa lang ng itsura niya ay alam ko nang habol lang niya sa’yo ang pera mo!” saad pa ng ginang.

“Yolanda, tama na ‘yan! Hindi mo pa naman lubos na kilala itong si Michelle kaya huwag mo siyang pagsalitaan nang masama. Saka isa pa, hindi naman nababase sa edad ang pagmamahalan ng isang tao. Ano ngayon kung hindi pa matagal ang aming relasyon, nagmamahalan kami nitong si Michelle kaya magpapakasal na kami. At walang kahit sino sa inyo ang makakapigil dahil matanda na ako. Alam ko na ang ginagawa ko sa buhay ko!” dagdag pa ng nakatatandang kapatid.

Labis ang pagtutol ni Yolanda sa desisyong ito ng kaniyang kapatid. Kaya gagawin niya ang lahat para lamang pigilan ito. Masama ang kutob niya kay Michelle at batid niyang pera lamang ang habol ng dalaga sa kaniyang kapatid.

Buong gabi ng party ay hindi nagkikibuan ang magkapatid dahil sa dalagang si Michelle. Mas pinili na lamang ni Henry na lisanin ang reunion dahil paulit-ulit silang hinuhusgahan ng mga kamag-anak.

“Iba na talaga ang nagagawa ng pera, ano? Hindi naisip ng dalagang iyon na marami pa siyang pwedeng gawin sa kaniyang buhay. Sabagay, ginamit lang niya ang utak niya. Kay Henry nga naman ay hindi na niya kailangan pang magtrabaho dahil may sariling bahay, may sasakyan, may ilang ari-arian. At higit sa lahat, maganda ang posisyon sa kompanyang pinagtatrabahuhan kaya maraming salapi!” saad ng isang kaanak.

“Peperahan lang ng babaeng iyon ang kapatid ko. Halata namang hindi niya mahal ang kuya ko! Itong Kuya Henry naman, walang ginawa kung hindi magpauto lang. Nagpapabulag siya sa ganda ng mukha at ng katawan ng babaeng iyon! Bukas na bukas ay makikipagkita ako sa kaniya para kausapin siya. Hindi ko hahayaan na maikasal siya sa tusong babaeng ‘yun!” inis na sambit ni Yolanda.

Kinabukasan ay nakipagkita nga si Yolanda sa kaniyang kapatid. Pilit niya itong kinukumbinsi upang hindi na magpakasal.

“Kuya, hindi magandang desisyon ang gagawin mo. Pag-uusapan ka ng marami dahil sobrang bata para sa iyo ni Michelle. Saka gaano mo na ba siya kakilala? Sa tingin ko ay ginagamit ka lang niya,” giit ng nakababatang kapatid.

“Noong nagpakasal ka sa asawa mo ay hindi ko tinutulan, Yolanda. Hindi ba’t nagbigay pa ako ng pera para lang maikasal kayo sa paraang gusto mo? Bakit ngayon ay pinipigilan mo ako? Mabuting babae si Michelle. At kung bibigyan mo lang ng pagkakataon para makilala siya ay malalaman mo kung bakit ko siya napiling pakasalan,” sambit ni Henry.

Sa puntong ito ay alam na ni Yolanda na hindi na niya mapipigilan pa ang kapatid.

“Hindi kita maunawaan, kuya. Kung kailan ka tumanda ay saka ka pa gumagawa ng mga desisyon na hindi dapat! Kilatisin mo muna ang babaeng iyon at malalaman mong hindi ka niya tunay na mahal at pera lang ang habol niya sa iyo!” saad muli ni Yolanda.

“Tama na ang usapang ito, Yolanda. Kung wala kang magandang masasabi tungkol kay Michelle ay aalis na ako. Ayaw ko nang aksayahin pa ang oras ko sa mga taong makikitid ang utak!” wika naman ng ginoo sabay talikod sa kapatid.

Lalong nangigigil itong si Yolanda dahil sa ginawa ni Henry sa kaniya. Unang pagkakataon kasi itong nagtalo silang magkapatid.

Ilang buwan ang lumipas at hindi pa rin nagkikibuan ang magkapatid.

Isang linggo bago ang kasal ay nagpadala ng mensahe itong si Henry kay Yolanda. Iniimbita niya ang kapatid sa kaniyang kasal. Minarapat ni Yolanda na magtungo sa piging. At doon ay haharapin niya ang babaeng si Michelle.

Hindi makapaniwala si Yolanda nang makita kung gaano ka enggrande ang kasal ng kaniyang kuya sa mas batang kasintahan nito.

Dahil hindi na mapigilan ni Yolanda ang kaniyang sarili ay hindi na siya nag-alinlangan pang komprontahin si Michelle.

“Ang kapal din talaga ng mukha mo, ano? Talagang humiling ka pa ng ganitong ka enggrandeng kasal sa kuya ko! Magkano ang ginastos n’yo rito? Isang milyon? Dalawa? Tatlo? Balak mo talagang ubusin ang pera ng kapatid ko. At ano, kapag wala na siyang pera ay iiwan mo na lang? Ibang klase talaga ang mga babaeng kagaya mo!” bulyaw ni Yolanda.

“Hindi ko maintindihan ang sinasabi mo, Yolanda. Nais kong pakasalan ang kapatid mo dahil mahal ko siya. Wala kaming pakialam kung maraming hindi maniwala sa pag-iibigan namin. Pero mahal namin ang isa’t isa!” sambit naman ni Michelle.

“Mahal mo lang ang kuya ko ngayon dahil may pera siya! Pero pupusta ako, sa oras na hindi na niya maibigay ang gusto mo o hindi naman kaya ay uugod ugod na siya at kailangan mo nang alagaan ay iiwan mo rin siya! Tuso kang babae ka! Ganid ka sa pera! Bakit hindi ka magtrabaho ng marangal nang hindi kung kani-kaninong may pera ka na lang nakikipagrelasyon!” sigaw pa ng ginang.

Nang mapansin ni Henry na inaalipusta ng kaniyang kapatid si Michelle ay agad niya itong pinuntahan para awatin.

“Tumigil ka na, Yolanda! Kung alam ko lang na ganito ang gagawin mo sa kasal ako ay hindi na lang sana kita pinapunta. Dadalawa na lang tayo sa pamilya. Wala na ang mga magulang natin kaya nais kong narito ka dahil mahalaga ka sa akin. Pero kung lalaitin at hihiyain mo lang ang babaeng mahal ko ay mabuti pang umalis ka na! Hindi totoo ang lahat ng sinasabi mo, Yolanda! Hindi mo lang alam pero si Michelle ang naghanda ng lahat ng ito. Siya ang gumastos sa kasal namin at wala ni singko akong inilabas! Alam mo na sa mura niyang edad ay may-ari siya ng iba’t ibang negosyo kaya hindi niya kailangan ng pera ko dahil mas mayaman pa siya kaysa sa akin! Ako nga itong dapat mahiya sa kaniya!” pahayag ni Henry.

Labis na napahiya si Yolanda dahil sa katotohanang kaniyang nalaman. Hindi niya akalain na wagas nga ang pagmamahalan ng kaniyang Kuya Henry at ni Michelle.

Lubos-lubos ang paghingi ni Yolanda ng kapatawaran sa kaniyang Kuya Henry at sa mga bisitang naroon. Higit sa lahat ay humingi rin siya ng kapatawaran kay Michelle dahil sa panlalait at panghihiya niya rito. Nagsisisi si Yolanda na hinusgahan muna niya si Michelle bago niya ito lubos na makilala.

Ngayon ay napatunayan ni Yolanda na hindi talaga pera lang ang habol ni Michelle kay Henry at tunay na nagmamahalan ang dalawa kahit na malayo ang agwat ng kanilang edad.

Tunay nga na walang pinipiling edad ang pag-ibig.

Ikinasal sina Henry at Yolanda nang araw ding iyon at habambuhay silang nagsama nang matiwasay at masaya.

Advertisement