Inday TrendingInday Trending
Inangasan ng Mayamang Binata ang Kapwa Mag-aaral, Hindi Niya Akalain kung Sino ang Kaniyang Kaharap

Inangasan ng Mayamang Binata ang Kapwa Mag-aaral, Hindi Niya Akalain kung Sino ang Kaniyang Kaharap

Napapatabi ang lahat ng mag-aaral sa prestihiyosong paaralan tuwing daraan ang binatang si Paul kasama ang kaniyang mga kaibigan. Mula kasi sa mayaman at tanyag na pamilya itong si Paul kaya naman ang lahat ay iwas sa tuwing nakikita nila ang binata. Dahilan naman para lumaki ang ulo nito.

Unang araw pa lang sa kolehiyo ay nakatikim na ang maraming kaklase ni Paul ng kaniyang kayabangan. Isa-isa niyang pinapatabi ang mga kaklaseng nakaharang sa kaniyang daraanan. Napakaangas at napakalakas ng boses nilang magkakaibigan. Marami tuloy ang naiinis sa kanila.

Pagpasok sa silid ay natanaw ng binata ang isang bagong mukha.

“Tingnan ninyo at may bago na naman pala tayong pagtitripan! Sa itsura pa lang ng binatang iyan ay alam mo nang iskolar. Tayong mga nagbabayad ng matrikula ang nagpapaaral sa kaniya. Kaya dapat alam niya kung sino ang boss sa lugar na ito!” saad pa ng binata.

Agad na nilapitan ni Paul ang kaklase upang paalisin sa pwesto nito.

“Tumayo ka nga riyan at ako ang nakaupo riyan! Ano pa ang tinitingin-tingin mo, alis na riyan!” pag-aangas ni Paul sa kaklaseng si Francis.

“Paano mangyayari iyon, unang araw pa lang ng klase? Saka nauna ako rito. Sa pagkakaalam ko ay may karapatan tayong lahat na mamili kung saan natin gustong umupo,” tugon naman ng binata.

“Hoy, baguhan ka lang dito sa paaralang ito kaya hindi mo ako kilala, ano? Hindi mo ba alam na galing ako sa pamilya ng mga Salgado? Lahat ng mga kamag-anak ko mula sa lolo ko ay dito nag-aral. Kaya alamin mo kung saan ka lulugar dahil baka mapahiya ka!” sambit muli ni Paul.

Ngunit ayaw umalis sa kinauupuan itong si Francis.

“Nauna ako rito kaya hindi ako aalis. Saka isa pa, maraming iba pang upuan. Ikaw na lang ang mamili,” wika pa ng binata.

“Aba’y, sinusubukan mo pala talaga ang pasensya ko, ano? Tingnan mo nga ‘yang itsura mo. Ni hindi ka nga nababagay sa lugar na ito. Sino ba ang nag isponsor sa iyo para makapag-aral dito? Hindi ba’t galing din sa matrikula naming mga mayayaman at kayang magbayad sa ganitong uri ng paaralan! Kaya kapag sinabi kong tumayo ka riyan sa kinauupuan mo ay tumayo ka dahil diyan ko nais na umupo!” bulyaw pa ni Paul.

Pinagtitinginan na ng ilang kaklase ang ginagawang pag-aangas ni Paul sa bagong estudyante.

Upang makaiwas sa away ay tumayo na si Francis at humanap ng ibang uupuan.

“Tatayo ka rin naman pala, nagtatapang-tapangan ka pa. Sa susunod ay alamin mo muna kasi kung sino ang kausap mo! Baka sa susunod ay manghiram ka na ng mukha sa aso dahil sa sobrang kahihiyan mo!” tatawa-tawang sambit pa ni Paul.

Ang akala ni Francis ay doon na natapos ang pag-aangas sa kaniya ni Paul. Matapos ang isang klase ay may bakanteng oras ang mga ito. Nasa hardin ng paaralan si Francis at mag-isang nagbabasa ng libro sa ilalim ng isang puno.

Maya-maya ay nariyan na si Paul at ang mga kaibigan nito.

“Huwag mong sabihin sa akin na dito rin kayo tumatambay ng mga kaibigan mo kaya papaalisin mo na naman ako,” saad ni Francis sa kaklase.

“Alam mo may utak ka rin pala, ano? Tama ka kaya lumayas ka na ngayon. Saka sa susunod kapag nakikita mo kami ng mga kaibigan ko ay ikaw na ang lumayo! Naaalibadbaran kasi ako sa mukha mo. Alam mo kung ano ang nakikita ko sa iyo? Pinipilit mong maging isa sa amin kahit na kitang-kita naman ang katotohanan na hindi ka nababagay rito. Marami namang pampublikong kolehiyo. Bakit hindi ka na lang doon mag-aral? Sabagay kapag dito ka kasi nag-aral, akala ng lahat ay mayaman ka kaya mabilis kang aangat sa buhay! Ginagamit mo pa kaming mga mayayaman para sa matayog mong pangarap!” patuloy ang satsat nitong si Paul.

“Alam mo, Paul, hindi ko alam kung bakit ang init ng dugo mo sa akin. Wala naman akong ginagawang masama sa iyo. Kung gusto mo ay kalimutan na natin ang nangyari kahit hindi ka humihingi ng kapatawaran. Ang nais ko lang ay mapayapang mag-aral. Ayaw ko ng away,” pakiusap naman ni Francis.

Ngunit imbis na paunlakan ang pakikipag-ayos ni Francis ay bigla na lang siyang sinapak ni Paul. Dito na nagsimulang magkagulo. Mabuti na lamang ay naawat agad ang dalawa.

Dahil sa pananapak na iyon ay ipinatawag sa guidance office ang dalawa.

“Ano na naman ang ginawa mo, Paul? Alam mo bang maraming estudyante na ang nagrereklamo dahil sa ugali mo?” saad ng guidance counselor.

“Nayayabangan lang sila dahil mas mayaman ang pamilya ko kaysa sa pamilya nila. Kilala ang pamilya ko sa paaralang ito. Sa katunayan ay ipinagmamalaki nga ng paaralang ito ang ilan naming kamag-anak. Dapat sila ang pagsabihan n’yo na alamin kung saan sila dapat lumugar. Tulad nitong si Francis, ayaw niyang umalis sa mga tinatambayan naming magkakaibigan. Nakakagambala siya sa amin!” depensa naman ni Paul.

“Humingi ka ng kapatawaran dito kay Francis. Kilala ko ang batang ito. Mabait siya at matalino,” wika pa ng ginang.

“Ma’am, sampid lang naman ang estudyanteng ‘yan dito. Paalisin n’yo na siya dahil makakasira lang siya ng reputasyon ng paaralang ito. Kung hindi lang naman naging iskolar ‘yan ay hindi ‘yan makakapasok rito. Kilala niyo paano magalit ang lolo at papa ko. Kapag nalaman nila kung ano ang ginagawa n’yo sa akin ay baka mapatanggal pa po kayo sa trabaho ninyo,” saad pa ng binata.

“Sa tingin ko ay hindi mangyayari ‘yan!” saad pa ng guidance counselor.

Maya-maya ay nariyan na ang ina ni Francis. Humahangos itong nakarating sa tanggapan. Agad niyang tinungo ang anak upang tingnan ang galos nito sa mukha.

“Ikaw ba ang gumawa nito sa anak ko? Kilala ko ang anak ko at hindi siya gagawa ng kahit anong gulo! Bakit mo ito ginawa sa kaniya?” tanong ng ina ni Francis.

“Nararapat lang po ‘yan sa anak niyo dahil panay ang palag niya sa akin. Sa tingin ko ay mas mabuti pang ilipat n’yo na lang ang anak n’yo dahil hindi ito magugustuhan ng mga lolo at papa ko kapag nalaman nilang nadumihan ang kamao ko nang dahil lang sa anak mong hampaslupa,” pag-aangas muli ni Paul.

“Aba’y walang galang ang bibig mo, hijo. Hindi ako makapaniwala na may estudyante sa paaralang ito na tulad mo. Kung ikaw kaya ang patalsikin ko rito? Wala akong pakialam kung sinong Poncio Pilato pa ang lolo o papa mo. Hindi tama ang ginawa mo sa anak ko!” saad muli ng ginang.

“Hindi n’yo kayang gawin ‘yan dahil mayaman at makapangyarihan ang pamilya ko. Baka mamaya ay mabaligtad pa kayo!” saad pa ng binata.

“Paul, tigilan mo na ang pagsagot kay Mrs. Madrigal. Kaya niyang gawin ang sinabi niya dahil siya ang bagong may-ari ng paaralang ito. At anak niya si Francis,” saad naman ng guidance counselor.

Hindi makapaniwala si Paul sa kaniyang narinig.

“Simula sa araw na ito ay hindi ka na papasok pa sa paaralang ito. Hindi nararapat ang isang gaya mo sa ganitong uri ng paaralan. Sa katunayan nga, sa kahit saang paaralanan ay hindi nababagay ang asal mo. Ano ngayon kung galing ka sa mayaman at kilalang pamilya kung wala ka namang mabuting pag-uugali? Hinusgahan at sinaktan mo ang anak ko kahit wala siyang ginagawa sa iyo!” saad ng may-ari ng paaralan.

“Hindi ito maaari! Magiging malaking kahihiyan ito sa pamilya namin. Tatawagan ko ang papa ko para ayusin ang lahat ng ito. Sasabihin kong kasuhan kayo!” pananakot pa ni Paul.

“Talagang gusto kong makausap ang mga magulang mo para sabihin kung anong uri kang mag-aaral. Ako na mismo ang magsasabi sa kanila kung ano ang ginagawa mo sa eskwelahang to. Kaya talagang magiging malaking kahihiyan ka sa iyong pamilya!” dagdag pa ni Mrs. Madrigal.

Nagpupumilit si Paul na huwag siyang patalsikin sa paaralan ngunit buo na ang desisyon ng may-ari nito. Kahit kailan ay hindi na siya p’wedeng tumuntong sa paaralang iyon. Nahirapan din siyang makahanap ng lilipatan dahil sa masamang record niya sa dating pinapasukan.

Tunay na naging malaking kahihiyan ito para sa pamilya ni Paul. Labis siyang pinagalitan ng kaniyang mga magulang pati na rin ng kaniyang lolo. Matagal mang naghari-harian itong si Paul ay nakahanap din siya ng katapat. Sa pagkakataon pang ito ay wala man lamang nagawa ang ipinagmamalaki niyang pera at kapangyarihan ng kaniyang pamilya.

Advertisement