
Pinapaalis na ng Ginang ang Matandang Kasambahay; Bandang Huli’y Ito pa ang Tutulong sa Kaniya
Pababa pa lang ng hagdan ang ginang na si Rebecca ay bumungad kaagad sa kaniya ang malakas na tunog ng basag mula sa kusina. Agad niya itong pinuntahan para makita. Dinatnan niya ang matandang kasambahay na si Manang Zeny na pinupulot ang mga basag na piraso.
“Ano na naman po ang nabasag, Manang Zeny? Bakit hindi po kasi kayo nag-iingat?” naiinis na wika ni Rebecca.
“Dumulas kasi sa kamay ko ang platito. Pasensya na at nanginginig na kasi ang mga kamay ko,” sambit naman ng matanda habang nagmamadaling pulutin ang mga piraso ng basag na platito.
“Naku, pang-apat na beses n’yo na pong nakakabasag ngayong linggo. Baka sa susunod ay wala na tayong kakainan, manang! Saka huwag n’yong pulutin ang mga ‘yan. Masusugat kayo. Bakit hindi n’yo na lang po walisin?” napapailing na lang si Rebecca.
“Sige, kukuha muna ako ng walis at dust pan. Pasensya na talaga, Becca,” paumanhin ni Manang Zeny.
Apat na dekada nang nagtatrabaho bilang kasambahay itong si Manang Zeny sa pamilya ni Rebecca. Nang bumukod si Rebecca ay sinama na niya si Manang Zeny upang kaniyang maging kasambahay. Mula sa pagkabata ni Rebecca ay nasaksihan ni Manang Zeny hanggang sa magkapagtapos ito ng pag-aaral, makapagtrabaho, ikasal, magkaanak at mahiwalay sa asawa.
Ngunit ngayon nga ay matanda na si Manang Zeny at nagbago na rin ang pangangatawan nito. Mabagal na itong kumilos at mabilis nang mahapo. Inuunawa na lamang ito ni Rebecca at ng nag-iisa niyang anak na si Rylie.
Isang araw ay nagkaroon ng problema sa pinapasukang kompanya itong si Rebecca.
“Rylie, kumusta ba ang lagay ng trabaho mo? Nangangamba kasi ako. Nagpadala ng memorandum sa amin ang management ng kompanya. Nalulugi na raw kaya kailangan nang magtanggal ng mga empleyado. Parang apektado ang posisyon ko,” saad ni Rebecca sa anak.
“Naku, ‘ma, may kailangan po kayong malaman. Nag-resign na po kasi ako sa trabaho noong isang araw. Nakaaway ko kasi ang amo ko. Pero nag-apply naman na po ako sa iba. Hinihintay ko lang ang tawag nila para sa interbyu,” tugon naman ni Rylie.
“Malaki-laking pera kasi ang kailangan natin para mabuhay, anak. Kailangan pa nating bayaran itong bahay kung hindi ay mareremata ito. Kulang pa rin tayo ng pambayad sa kuryente, tubig at iba pang bayarin. Hindi ako nakahanda para dito,” saad pa ng ginang.
“‘Ibig mong sabihin, ‘ma, nakasanla ang bahay natin? Kailan pa ito? Kailan ka pa rin hindi na nakapagbayad pa?” nangangambang tanong naman ng binata.
“Dalawang buwan na, anak. Pinadalhan na nga ako ng sulat ng banko. Kinailangan kong isanla ang bahay noong ipinagamot ko ang lola mo. Ang laki kasi ng nagastos ko sa operasyon niya. Wala naman akong malalapitan ng mga panahon na iyon. Hindi ko na tuloy alam ngayon kung ano ang gagawin ko! Kapag hindi pa ako nakabayad ay paapalisin na tayo sa bahay na ito,” dagdag pa nI Rebecca.
Habang nag-uusap ang mag-ina ay nakarinig silang muli ng kalabog mula sa kusina. Natabig ni Manang Zeny ang blender at bumagsak ito sa sahig.
“Ano na naman ito, Manang Zeny? Hindi po ba kayo titigil sa pagsira ng mga gamit? P’wede bang mag-ingat naman kayo sa mga kinikilos n’yo? Ang dami ko na pong problema, huwag n’yo nang dagdagan pa!” pagtataas ng boses ni Rebecca.
“P-pasensya ka na talaga sa akin, Rebecca. H-hindi ko naman sinasadya. Hindi ko lang talaga napansin na hindi ko pa pala naipapatong nang maayos ang blender. Ipaggagawa ko kasi sana kayo ng mango shake ni Rylie dahil nakita kong may pinoproblema kayo. Pasensya na talaga,” walang tigil sa paghingi ng paumanhin ang matanda.
“Manang Zeny, sa tingin ko po ay kailangan na rin nating mag-usap. Tungkol po ito sa pananatili n’yo rito sa bahay. Hindi na po ako magpapaligoy-ligoy pa. Kailangan n’yo na pong bumalik sa pamilya n’yo dahil wala na po akong ipapasweldo sa inyo. Nawalan po ako ng trabaho at hindi ko alam kung kailan pa ako makakabawi. Maging itong si Rylie ay wala ring trabaho. Puno po ako ng utang sa ngayon kaya hindi ko na po kaya ang isa pang responsibilidad. Pasensya na rin po kayo,” pahayag ni Rebecca.
“Becca, alam mo naman na wala na akong mauuwiang pamilya. Baka p’wedeng dito na lang muna ako sa inyo. H-hindi na ako hihingi ng sahod. Saka sa abot ng makakaaya ko ay tutulong pa rin ako rito sa mga gawaing bahay para makapagpokus ka sa paghahanap ng bagong trabaho saka –” hindi pa man tapos magsalita si Manang Zeny ay binara na ito ni Rebecca.
“Manang, pasensya na. Pero hindi ko na talaga makakaya pang magkaroon pa ng isang responsibilidad. Sa tingin ko naman ay may mga pamangkin pa kayo. Tawagan n’yo na muna sila at makiusap na sunduin kayo. Baka paalisin na rin po kami sa bahay na ito dahil hindi ko na rin nababayaran,” sambit ng ginang.
“Rebecca, ayon nga ang nais kong sabihin sa iyo, kasi hindi mo naman ako kailangan paalisin dahil tutulungan ko kayo. Tutulong ako!” giit ng matanda.
Ngunit buo na ang pasya ni Rebecca.
Makalipas ang tatlong araw ay nakatanggap na naman si Rebecca ng sulat mula sa banko. Tuluyan na silang pinapaalis sa tinitirhang bahay.
“Dalawang araw lang ang binigay ng banko sa atin para makapag-ayos. Hindi ko pa rin alam kung saan tayo titira, anak. Itong si Manang Zeny ay hindi pa rin sinusundo ng kaniyang mga kamag-anak. Baka akala niya ay isasama pa rin natin siya,” sambit ni Rebecca.
Dumating ang pangalawang araw at kailangan nang lisanin ni Rebecca, Rylie at Manang Zeny ang kanilang bahay. Palabas na sila ng pinto nang puntahan sila ng representante ng banko.
“Saan ho kayo pupunta, Ginang Rebecca Santos? Bakit ho kayo aalis ng bahay na ito?” pagtataka ng ginoo.
“Hindi ho ba pinapaalis n’yo na kami dito sa bahay ko dahil hindi kami nakakabayad?”
“Naku hindi ninyo na kailangan pang umalis. Narito lang ako para ibalik sa’yo ang titulo ng bahay na ito. Bayad na ang pagkakautang mo sa banko kasama na ang interes. Kaya makukuha mo nang muli ang titulo. Hindi n’yo na kailangan pang umalis ng pamilya mo,” paliwanag pa ng lalaki.
Hindi maunawaan ni Rebecca kung paano ito nangyari gayong lahat ng kaniyang nilapitan ay walang maitutulong sa kaniya.
“Sino kaya ang nagbayad ng bahay?” pagtataka ng ginang.
Napatingin na lang siya kay Manang Zeny.
“Huwag n’yo pong sabihin na kayo ang nagbayad nito, Manang Zeny? Saan po kayo kumuha ng malaking halaga?” wika pa muli ni Rebecca.
“Alam mo namang wala na akong pamilya kung hindi kayo. Lahat ng sahod ko mula noon hanggang ngayon ay inipon ko. At iyon rin ang ipinambayad ko riyan sa utang mo sa bahay. Hindi ko rin kasi makakaya na mawalan ka ng bahay at magkahiwa-hiwalay tayo. Ganiyan ko kayo kamahal ng anak mo,” saad naman ng matanda.
Napaluha na lamang si Rebecca sabay yakap kay Manang Zeny.
“Patawarin n’yo ho ako sa lahat ng mga nasabi ko, Manang Zeny. Hindi ko akalain na bandang huli ay kayo pa rin ang tutulong sa amin. Maraming maraming salamat po!” pagtangis ni Rebecca.
“Tulad nga ng sinabi ko sa’yo, Rebecca, pamilya na tayo at ang pamilya, dapat laging nagtutulungan!” saad pa ng matanda.
Masayang nanatili ang mag-ina sa kanilang bahay kasama si Manang Zeny. Mula noon ay hindi na inalala pa ni Rebecca ang pagbabayad sa banko. Mas lalo niyang naituon ang kaniyang sarili sa paghahanap ng bagong hanapbuhay. Hindi nagtagal ay nakahanap siyang muli at unti-unti silang nakabangon ni Rylie. Unti-unti rin niyang nabayaran si Manang Zeny.
Malaki ang pagtanaw ng utang na loob ang ginagawa ni Rebecca sa matandang kasambahay. Sa huli napatunayan niya na ang pamilya ay hindi lang basta ang mga taong kadugo mo, maaari rin palang maging pamilya ang mga taong lubos na umuunawa at nagmamahal sa iyo ng walang hinihinging kapalit.