Inday TrendingInday Trending
Nag-ampon ang Mag-asawang Ito Dahil Hindi Sila Magkaanak; Trahedya Pala ang Dala Nito

Nag-ampon ang Mag-asawang Ito Dahil Hindi Sila Magkaanak; Trahedya Pala ang Dala Nito

Malungkot na lumabas sa silid ang mag-asawa nang marinig nila sa pangatlong beses na imposible na ang magkaroon pa sila ng sarili nilang anak. Hindi man sila sumuko sa una at pangalawa, ngayon ay lubos silang nalugmok lalo na si Jimmy na mister ni Clara.

“Ikinalulungkot ko pong sabihin na imposible na ang magkaroon po kayo ng anak dahil may malaking problema sa matres ni Clara. Ito rin ay resulta ng kaniyang nakaraang operasyon at magiging malaking panganib sa buhay ni misis kung siya ay magdadalantao,” malungkot na balita ng doktor sa mag-asawa.

“Ngunit mayroon pang posible na paraan. Iyon ay ang mag-ampon. Subalit hindi ito magiging madali para sa inyo lalo na’t may sakit si Clara at hindi pwedeng ma-stress,” dagdag pa nito.

Hindi na bago ito para kina Jimmy at Clara. Lahat kasi ng nakakausap nilang mga dalubhasa man o kahit na mga kakilala lamang ay ito ang iminumungkahi sa kanila. Sawa na rin sila na marinig ang mga salitang ito. At ngayong wala na talaga silang pag-asang nakikita, panahon na ata upang pilitin na ni Jimmy ang misis na mag-ampon.

Ilang araw ang nakalipas, napansin ni Jimmy na matamlay ang kaniyang misis. Kahit na nakangiti ito sa tuwing sila ay nag-uusap, ramdam niya na hindi ito maayos at nalulungkot pa rin sa kanilang kalagayan. Sampung taon na rin kasi silang kasal. Noong unang limang taon ay ayaw pa nilang mag-anak ngunit nang subukan na nila ay doon lamang nila natuklasan na hindi sila angkop na magkaroon ng sariling anak.

“Mahal, hindi naman problema kung hindi natin kadugo ang magiging anak natin. Hindi rin naman malaking bagay para sa akin na wala kang kakayahan na magdala ng sanggol sa sinapupunan mo. Kaya naman, naisip ko na heto na yata ang pagkakataon para mag-ampon na tayo,” mga salitang bigla na lamang binitawan ni Jimmy habang sila ay naghahapunan sa isang kainan.

Tiningnan lamang siya ni Clara na parang marami itong gustong sabihin. Patuloy niya itong kinumbinsi at nagsabi ng mga impormasyon para pumayag na ito. Subalit mas binilisan lamang ni Clara ang kaniyang pagsubo ng kinakain habang patuloy naman na nagsasalita ang kaniyang mister.

“Mayroon akong kakilala, actually, kakilala siya ng kakilala na…” dagdag pa rin ni Jimmy.

“Hindi. Hindi pwede. Hindi!” malakas na sigaw ni Clara sa kaniyang mister at tumayo na ito kaagad.

Walang kibuan ang mag-asawa habang sila’y pauwi. Kahit na nang makarating sila sa kanilang bahay ay hindi man kinibo ni Clara si Jimmy. Hindi naman lubos maisip ng lalaki kung ano ang mali sa kaniyang mga sinabi.

Nang gabi na iyon, habang sila ay magkatabi at handa nang matulog, niyakap ni Jimmy ang misis. Gulat siya nang bigla na lamang bumuhos ang luha nito at umatungal sa kaniyang mga bisig. Habang patuloy ang pagbagsak ng kaniyang luha, ganoon din ang patuloy niyang paghingi ng tawad sa asawa. Muling naging maayos ang kanilang relasyon at hindi na binanggit ulit ni Jimmy ang tungkol sa pag-aampon.

Ilang buwan pa ang lumipas, nagulat na lamang si Jimmy sa mga salitang biglang binitawan ni Clara sa kaniya habang sila ay patulog na.

“Mag-ampon na tayo,” mga salita mula kay Clara na nagbigay ng katahimikan sa kanilang silid.

“Alam ko hindi ko matanggap ang kakulangan ko… pero naging madamot ako sa’yo dahil iyon ang gusto mo. At, gusto ko rin naman… Kaya sige, mag-ampon na tayo,” pagpapaliwanag ng misis sa kaniyang asawa.

Hindi rin nagtagal at nagtagumpay silang makapag-ampon ng isang sanggol na limang buwan pa lamang. Halata sa mga mukha ni Jimmy kung gaano siya kasaya nang una nilang masilayan ang kanilang magiging anak. Hindi man niya ito kadugo, alam ni Jimmy na mamahalin niya ito na parang sarili niyang anak.

Abala si Jimmy sa pagtatrabaho. Habang si Clara naman ay napilitang tumigil sa pagtatrabaho upang mabantayan daw niya nang maigi ang kanilang anak. Subalit sa bawat araw ay hindi man lang makaramdam ng kasabikan si Clara sa tuwing masisilayan niya ang bata.

Isang gabi, umuwi si Jimmy nang maaga dahil ika-unang buwan ito ng kanilang anak sa bahay. Balak sana niyang ipagdiwang ang unang buwan nito na kasama nila. Bumili siya ng mga lobo, bulaklak, maraming pagkain at cake para sa kanilang pagsasalo-salo.

Nang marating niya ang bahay, nakita niya ang anak na nakahiga sa sahig at umaatungal. Namumula na ito kung kaya agad niya itong binuhat. Nagulat ang lalaki nang maramdaman na sobrang init nito. Agad niya itong itinakbo sa ospital at paulit-ulit na tinawagan si Clara.

“Nagkaroon ng pneumonia ang bata dahil hindi maayos ang pag-aalaga rito. Mas mabuti kung kukuha kayo ng tagapangalaga upang matutukan ang pagbabantay kay baby,” wika ng doktor kay Jimmy.

Sumaglit siyang umuwi sa kanilang bahay at natagpuan ang asawa na natutulog lang pala sa kanilang kwarto. Nang makita niya ito, amoy alak pa ito at halatang nalasing kanina lamang. Agad niya itong ginising at inilabas kung gaano niya ikinakagalit ang mga pangyayari.

“Clara, ano ba naman ‘yan?! Alam mo ba na may sakit na ang bata?! Nakita ko nasa sahig lang at walang bantay! Kung gagantuhin mo lang pala ang bata e ‘di sana kumuha na lang tayo ng tagabantay o hindi na lang tayo nag-ampon! Kaya siguro hindi tayo mabiyayaan ng sarili nating anak eh, kasi magiging pabaya kang ina!” sigaw ni Jimmy sa kaniyang asawa.

“Hindi mo alam kung gaano ako napahiya sa opisina magmula ng mag-ampon tayo, Jimmy! Iyong sinabi ko na para mabantayan ko si baby, hindi totoo ‘yon! Dahil puro ako na lang ang pinagkukwentuhan ng mga tao kahit saan ako mapunta! Kesyo wala raw akong kwentang babae dahil hindi ko man lang mabigyan ng anak ang asawa ko!” paghihinagpis naman ni Clara sa asawa.

Hindi kinaya ni Clara ang sagutan naging nilang mag-asawa. Sa kabilang banda, hindi rin kinakaya ni Jimmy ang mga narinig sa kaniyang misis. Buong akala niya ay maayos ang kanilang relasyon subalit maling akala lang pala iyon.

Lumipas ang mga araw at linggo na hindi na muling nakita o nakausap ni Jimmy si Clara. Hindi niya mahagilap kung saan ito nagpunta. Subalit naiwan naman siya na inaalagaan ang kanilang anak na sanggol pa lamang. Kumuha siya ng tagapag-alaga habang abala siya sa kaniyang trabaho.

Dumaan ang dalawang buwan, umuwi si Jimmy at nasilayan ang isa sa pinakamagandang eksena na nakita niya sa kaniyang buhay. Buhat ni Clara ang kanilang anak habang nakangiti ito na nakatingin sa kaniya. Lumapit siya sa asawa at niyakap ito nang mahigpit.

“Patawad kasi hindi pa ako handa na mag-ampon. Patawad kasi ang damot ko… sana matanggap mo pa ako ulit, Jimmy. Sana’y bigyan niyo pa ako ng pangalawang pagkakataon na maging ina ng anak natin,” paghingi ng tawad ni Clara sa asawa.

Muli siyang niyakap nang mahigpit ni Jimmy at muling nagsama ang mag-asawa. Sa pagkakataong ito, masaya at wala nang inililihim sa isa’t isa ang dalawa lalo na ang misis.

Advertisement