Inday TrendingInday Trending
Muling Nagbukas ng Pinto ang Misis Para sa Mister na Minsan nang Nangaliwa; Tama Kaya ang Kaniyang Naging Desisyon?

Muling Nagbukas ng Pinto ang Misis Para sa Mister na Minsan nang Nangaliwa; Tama Kaya ang Kaniyang Naging Desisyon?

Kumaripas ng lakad si Divina matapos makatanggap ng balita mula sa guro ng kaniyang anak na anim na taong gulang na nasa ika-unang baitang sa elementarya. Hindi pa man natatapos ang balita ng guro na isinugod daw sa ospital ang anak, hindi siya nagdalawang-isip na magpunta kaagad kung saan naroon ang anak.

“Mama, gusto ko na po makita ulit si papa. Miss na miss ko na po siya. Pwede niyo po bang sabihin na huwag na siyang mag-work sa ibang bansa?” malungkot na munting tinig ang nagmula kay Blessa na kaniyang anak. Hinipo ni Divina ang noo nito at hinalikan ang noo ng anak. Tumango ito bilang pagtugon sa kahilingan ng kaniyang anak.

“Oo, ‘nak. Sasabihin ko agad kay papa,” tugon niya.

Paglipas ng isang linggo, isang malaking sorpresa para kay Blessa ang muling masilayan ang mukha ng kaniyang ama. Agad niya itong niyakap nang mahigpit at patuloy naman siyang hinalikan nito sa kaniyang ulo. Tatlong taon na rin kasi noong huling magkita ang dalawa at ngayong may taning na ang buhay ni Blessa, muli silang nagtagpo na mag-ama.

“Sinasabi ko na sa’yo, ikaw ang dahilan kung bakit may sakit ang anak natin at ngayon ay kakaunti na lang ang oras niya, doon mo lang ako tatawagan para sabihin kung nasaan kayo? Anong klaseng ina ka?!” singhal ni Daniel sa kaniyang asawa.

“At kung makapgsalita ka, parang ang linis linis mo. Huwag na huwag mo akong sisisihin sa lahat. Dahil nandito ka sana sa lahat ng taon na malusog pa si Blessa kung hindi lang dahil diyan sa pambababae mo!” sagot naman ni Divina kay Daniel.

Napatigil ang dalawa nang makita ang kanilang anak na lumuluha at nakikinig lamang sa kanila. Nagtinginan sila at agad na niyakap ang anak. Isa lamang ang hiling ni Blessa sa kaniyang mga magulang, ang magkaroon muli sila ng maayos na pamumuhay at masayang pamilya katulad noong siya ay maliit pa.

Habang nakatalikod si Blessa, doon naman patuloy na naglabasan ng sama ng loob ang mag-asawa. Sumbat dito at sumbat doon ang palaging ganap sa pagitan ng dalawa. Ngunit sa harap ng kanilang anak ay wala silang ibang pinapakita kundi pagmamahalan, pagiging mahinahon at kabutihan sa isa’t isa. Hindi naman namamalayan ni Divina na unti-unti na namang lumalambot ang kaniyang puso na patawarin si Daniel.

Araw ng Sabado at humiling si Blessa na magpunta ang buong pamilya sa dagat. Dahil malayo ang karagatan sa kanila, pinlano ng mag-asawa na magkaroon sila ng bakasyon sa malayong lugar kung saan payapa at puro dagat lamang ang kanilang makikita.

Dumating ang araw ng Biyernes at inihanda na nila ang mga damit at pagkain na kanilang dadalhin para sa bakasyon. Lahat ng kanilang gastusin ay sinagot ni Daniel dahil malaki na rin ang naipon nito at maganda rin ang kaniyang kinikita sa kaniyang pagtatrabaho bilang isang inhinyero.

Walang ibang narinig ang bawat isa simula sa sasakyan hanggang sa makarating sa kanilang destinasyon kundi tawanan at kwentuhang nakakapagpagaan ng kalooban ng bawat isa. Kahit na nag-aalala pa rin ang mag-asawa sa kalagayan ng kanilang anak, saglit din nilang nakalimutan na malapit na itong bawiin sa kanila ng Maykapal.

“Thank you, mama at papa. I love you!” masayang pasasalamat ni Blessa sa kaniyang mga magulang habang sila ay matutulog na at dinig pa ang hampas ng alon sa dalampasigan.

Kinabukasan, agad silang nagpunta sa karagatan at huminga nang malalim. Sabay-sabay nilang pinagmasadan ang natural na ganda ng kalikasan. Pagkatapos ay naglaro ang mag-ama habang si Divina naman ay nakangiti habang pinagmamasdan ang mag-ama sa malayo. Subalit sa isang iglap ay bigla na lamang napawi ang kaniyang ngiti at napalitan ng takot at kaba nang bumagsak sa buhanginan si Blessa. Agad na itinakbo ng mag-asawa ang kanilang anak na nawalan ng malay sa pinakamalapit na ospital.

Sa ospital ay kita ng mga mata ng mag-asawa kung paano nahihirapan ang mga doktor habang pilit na muling buhayin si Blessa. Patuloy ang kanilang panalangin na pahabain pa ang buhay ng kanilang anak. Parehong nag-iyakan ang mag-asawa at hinawakan ang kamay ng isa’t isa.

“Ikinalulungkot ko pero wala na, hindi na kinaya ng anak ninyo,” ang masamang balita na inihatid ng doktor nang lumabas ito sa silid kung saan naroon ang anak.

Pumasok ang dalawa sa silid at dinamdam ang mainit na katawan ng kanilang anak. Patuloy ang luha at patuloy ang kanilang paghihinagpis.

“Kasalanan ko ‘to… Sabi mo rin naman, kasalanan ko to…” patuloy na atungal ni Divina habang inililibing na ang labi ng kanilang anak.

“Ssh. Hindi. Wala kang kasalanan… Wala… Patawad at wala ako sa tabi niyo noong naghihirap kayo at nalaman ang sakit ni Blessa. Patawarin mo ako, Divina…” tugon naman ni Daniel na puno ng pagsisisi.

Nagyakapan ang mag-asawa at muling nagpatawad sa isa’t isa. Kung mayroon mang regalo sa kanila ang anak kahit na sa ikli ng taon na nakasama nila ito, iyon ay ang pagpapatawad na panghabambuhay. Pangako nila sa anak na ngayon ay nasa langit na na pangangalagaan nila ang isa’t isa at magpapatuloy sa buhay bilang mag-asawa.

Advertisement