Inday TrendingInday Trending
Ang Bunso ang Utusan sa Bahay at Bantay sa Kaniyang Pamangkin; Naglayas Ito Nang May Trahedyang Nangyari

Ang Bunso ang Utusan sa Bahay at Bantay sa Kaniyang Pamangkin; Naglayas Ito Nang May Trahedyang Nangyari

“Rina! Iuwi mo nga muna ito si Tuytuy sa bahay at palitan ng diaper. Bilis naku’t bibingo na ako oh!” sigaw ni Aling Minda sa kalye kung saan siya nakapwesto at naglalaro ng bingo. Sa ‘di kalayuan ay ang kumpulan ng mga bata at isa na roon si Rina na sampung taong gulang.

“Ano ba yan Rina, ikaw rin ang tagapalit ng diaper ng pamangkin mo? Yuck, ang baho noon!” sabi ni Rina na dahilan upang maghagikgikan ang iba pa nilang kalarong bata. Sasagot pa sana siya ngunit napaigik siya nang maramdaman ang pingot sa kaniya ng kaniyang ate.

“Kanina ka pa tinatawag ni mama!” sabi ng Ate Mariz niya na bigla na lang sumulpot sa kaniyang likuran.

Agad tumakbo si Rina upang makawala sa kaniyang ate at kinuha na lang si baby Tuytuy mula sa kaniyang ina sa bingguhan. Humihikbi siyang umuwi ng bahay at hinugasan ang pamangkin at pinalitan ng bagong diaper.

Nakita rin ni Rina na may mga panibagong maruruming pinggan na naman sa magulo nilang lababo. Bago pa siya mapingot muli ay pagkatapos patulugin si Tuytuy ay nagsaing na siya saka hinugasan ang pinggan.

Siya, ang inang si Minda, ang Ate Mariz at anak nitong si Tuytuy lang ang magkakasama sa bahay dahil nagtatrabaho sa ibang bansa ang kaniyang ama. Miss na miss na niya ito. Hiniling niya na sana ay makauwi na ito. Tuwing umuuwi kasi ito ay may dala itong pasalubong, bagong damit, laruan, o sapatos. Pinapasyal din sila nito kung saan-saan, at nakakapagliwaliw siya hangga’t gusto niya. ‘Di tulad kapag wala ito, halos limang minuto pa lang siyang nakikipaglaro sa mga kaibigan ay pinauuwi na agad siya upang mag-asikaso sa bahay.

Sa kaniyang pagmumuni-muni, ‘di namalayan ni Rina ang trahedyang paparating. Narinig niya ang pag-iyak ni Tuytuy saka pagbagsak ng pinto. Tinapos niya muna ang hugasin saka bumalik sa sala. Nagulat siya nang makitang wala na sa bangkulong nito ang pamangkin!

Agad na nag-alala si Rina at tumakbo palabas ng bahay upang tingnan kung kinuha ito ng kaniyang ina o ate.

“Oh bakit narito ka sa labas? Sinong nag-aalaga kay Tuytuy?” Nanginginig ang boses na pinagtapat ni Rina na nalingat lang siya sandali sa kusina ay pagbalik niya nawawala na si Tuytuy.

Agad namang napatayo sa bingguhan si Aling Minda at Mariz. Lalong namutla sa takot si Rina nang sigawan siya ng mga ito at pagsabihan na pabaya. Tumakbo si Rina habang umiiyak, ‘di malaman kung saan hahanapin ang walong buwang pamangkin. Nang maggagabi na at usap-usapan pa rin ang nawawalang bata ay nagpasya si Rina na huwag na lang umuwi sa kanilang tahanan. Takot na takot siya sa sasabihin ng ina at ate. Namalagi siya sa parke at doon umiyak nang umiyak.

“Tuytuy…” nag-aalalang sabi niya hanggang sa nakatulog na siya kaiiyak. Habang sa kabilang banda, alalang-alala ang buong pamilya hindi kay Tuytuy kundi para kay Rina. Napag-alaman nila na sorpresang umuwi mula sa ibang bansa ang padre de pamilya na si Ronaldo. Kinuha nito si Baby Tuytuy sa bangkulong. Nagkasalisi lang pala sila kaya’t hindi agad nagkakitaan. Nang gumabi na at wala pa rin si Rina ay labis na silang nag-alala. Humingi na sila ng tulong upang hanapin ang nawawalang bata.

Nang makita itong nakahilata sa upuan sa parke agad itong hinatid ng mga tanod sa bahay. Agad na umiiyak na humingi ng tawad si Rina sa ate at ina. Hindi pa nito napapansin ang ama na nakatayo sa may gilid.

“’Di ko po talaga mahanap kung nasaan si Tuytuy… “ iyon lang at hagulgol ang kawawang bata.

Agad naman siyang niyakap ni Mariz una, tapos ni Minda. “O-okay lang po sa akin na p-parusahan niyo ako kasi k-kasalanan k-ko naman t-talaga,” sabi nito sa sumisinok-sinok na tinig.

“Rina anak, tahan na. Okay na si Tuytuy. Kasama lang siya ng papa mo,” sabi ni Minda, hati ang puso sa pag-aalala sa anak at konsensya para dito. ‘Di niya alam na ganoon nito dinadamdam ang mga parusa niya. Ngayon napagtanto niya rin na pipiliin pa nitong huwag umuwi ng bahay at manatili sa delikadong kalye kaysa harapin ang galit niya. Napagtanto ni Minda ang pagkukulang niya bilang ina.

Doon lang tila nakita ni Rina si Reynaldo. Lalong napaiyak ang bata nang yakapin ng ama. Matagal na panahon bago ito kumalma matapos ang pangyayari. Simula noon ay nagising si Minda at Mariz sa kanilang mga maling gawa. Akala nila’y simpleng mga pag-uutos lang ang inaatang nila sa balikat ng bunso, ‘di nila namalayan na hindi pala iyon kaya ng musmos pa nitong balikat. Dapat sa edad nito ay laro at pag-aaral lang ang iniisip, at totoo namang hindi pa nito responsibilidad ang mabibigat na gawaing bahay.

Dahil sa pangyayaring iyon ay natutong magtulungan ang buong pamilya. Dahil nga pusong bata, madaling magpatawad si Rina at kuntentong makita ang mga pagbabago sa kilos ng kaniyang ina at ate. Pero tulad ng dati, siya pa rin ay handang tumulong sa bahay. Bumalik ang sigla at ngiti sa kaniyang labi dahil sa pagkalinga at pagmamahal na nararamdaman mula sa kaniyang pamilya.

Advertisement