Ipinaalaga ng Ina ang Kaniyang Anak sa Pinsan Niya; Ngunit sa Kaniyang Pagbalik ay Halos Hindi na Niya Makilala ang Bata
Karga ni Monica ang kaniyang tatlong taong gulang na anak habang sinusuong niya ang malakas na buhos ng ulan sa kalagitnaan ng hatinggabi. Sa balikat niya ay nakasukbit din ang mga gamit nilang mag-ina. Pinalayas kasi sila ng may-ari ng kanilang tinitirahan dahil ilang buwan na silang hindi nakakabayad ng upa sa bahay. Paano’y sapat lang para sa pangkain nilang mag-ina ang kinikita ni Monica sa paglalabada.
Simula nang mawala ang mga magulang ni Monica sa trahedyang pagkasunog ng kanilang bahay, dalawang taon na ang nakalilipas, ay ibayong hirap na rin ang kaniyang naranasan. Lalo pa at wala naman siyang katuwang sa pag-aalaga ng anak niyang si Sophia. Tinakbuhan kasi siya ng ama nito noong ipinagbubuntis pa lamang niya ang bata.
Malakas na kinatok ni Monica ang pinto ng bahay ng kaniyang pinsang si Lesly. Wala na kasi siyang ibang mapupuntahan kundi ito lang kaya naman nagbabakasakali siyang matutulungan siya nito. Gulat na gulat naman ang dalaga nang makita siyang bitbit ang kaniyang payat na payat nang anak at pareho silang basang-basa ng ulan.
“Pinalayas kami…” sambit ni Monica na mangiyak-ngiyak na ang mga mata.
“Pasok kayo, Ate Monica. Naku, ano ba’ng nangyari sa inyong mag-ina!” tila awang-awa namang tanong sa kaniya ni Lesly.
“Pasensya ka na kung dito kami nagpunta ng anak ko, Lesly. Wala na kasi talaga akong ibang mapupuntahan. Kinapalan ko na talaga ang mukha ko kahit alam kong hindi tayo okay nang umalis ka sa amin,” nayuyukong sabi pa ni Monica sa pinsan. Si Lesly kasi ay dating nakatira sa kanila noong buhay pa ang mga magulang niya. Kinupkop ito ng kaniyang mama at papa dahil inabandona ito ng sariling ina nang mawala ang kaniyang ama. Ngunit imbes na kaawaan ito ni Monica ay trinato iya pa nang hindi maganda si Lesly na siyang dahilan kung bakit mas pinili na lamang nitong lumayo at mamuhay mag-isa.
“Ayos lang, ate. Matagal naman na ’yon,” sagot naman ni Lesly sa kaniya ngunit ramdam ni Monica na may tampo pa rin ito sa kaniya. Pasalamat na lamang siya at kahit papaano’y pinatuloy siya nito.
Kinabukasan ay nagpasya si Monica na maghanap ng trabaho. Saglit na muna niyang iniwan ang anak na si Sophia sa pinsan. Pagbalik niya ay dala na niya ang isang magandang balita. May matandang mag-asawa kasing tumanggap sa kaniya bilang kasambahay at sa lalong madaling panahon ay pinag-uumpisa na siya ng mga ito sa trabaho.
“Kaya lang ay kakailanganin kong iwan muna sa ’yo si Sophia, Lesly, kung papayag ka. Huwag kang mag-alala dahil palagi naman akong magpapadala ng pera. Dadalaw-dalawin ko rin siya rito. Hindi ko kasi p’wedeng isama si Sophia roon, e,” muli ay pakikiusap ni Monica sa pinsan kahit na ang totoo ay masakit sa kaniyang iwan ang anak. Mabuti na lang at pumayag naman si Lesly.
Matindi ang buhos ng luha ni Monica habang nag-eempake siya ng damit. Nalulungkot siyang isipin na iiwan niya ang anak upang siya ay makapaghanap-buhay. Kulang na nga lang ay umatras na siya’t huwag nang ituloy ang pagtatrabaho ngunit nang makita niya ang halos buto’t balat nang katawan ng anak ay nanumbalik ang kaniyang determinasyon. Malamlam din kasi ang mata nito dahil sa palagiang nalilipasan ng gutom, bukod pa sa hindi na rin ito mawalan ng ubo’t sipon dahil wala siyang pambili ng gamot. Ayaw na niyang maranasang muli ng anak ang naranasan nila noon kaya naman nagpasya siyang tumuloy na sa pagtatrabaho. Nilisan niya ang bahay ni Lesly at ipinaubaya niya ang anak kahit na natatakot siyang baka si Sophia ang gantihan nito sa mga kasalanang nagawa niya noon sa dalaga.
Isang taong hindi nakauwi si Monica kina Lesly upang makaipon. Tiniis niyang hindi makita ang anak, bagaman regular siyang nagpapadala ng pera kay Lesly bilang pangsuporta. Ngayong sapat na ang naipon niya upang makapag-umpisa sila kahit ng maliit na negosyo ay nagpasya na siyang uwian ang anak… ngunit hindi inakala ni Monica ang dadatnang sitwasyon ng bata sa kaniyang pagbabalik!
Napakaganda ni Sophia! Halos hindi na niya makilala ang sariling anak dahil ngayon ay mukha na itong anak-mayaman! Ang dati ay halos buto’t balat na nitong katawan, ngayon ay naging malulusog na at malalaman! Napakabuti ng ginawang pag-aalaga ni Lesly sa kaniyang anak sa kabila ng hindi magandang pagtrato niya rito noon na ngayon ay labis niyang pinagsisisihan!
“Naging maganda naman ang trato ng mga magulang mo sa akin, Ate Monica. Isa pa ay walang kinalaman si Sophia sa nangyari sa pagitan natin noon. Wala akong nakikitang dahilan upang saktan ko ang bata,” nakangiting sabi sa kaniya ni Lesly nang magkausap silang dalawa. “Bukod doon, matagal na rin kitang pinatawad, ate… at magkapamilya tayo kahit na anong mangyari.”
Napahagulhol si Monica ng iyak matapos marinig ’yon kay Lesly. Ngayon ay abot-abot ang pasasalamat niya rito. Nagpasiya silang maging magkasosyo na lang sa negosyong balak itayo ni Monica na kalaunan ay siyang nagbigay sa kanilang dalawa ng maganda at maayos na buhay.