Inday TrendingInday Trending
Nilimas ng Babae ang Pera ng Kaniyang Nobyo Bago Niya Ito Iniwan; Instant Karma pala ang Kaniyang Matatagpuan

Nilimas ng Babae ang Pera ng Kaniyang Nobyo Bago Niya Ito Iniwan; Instant Karma pala ang Kaniyang Matatagpuan

“Ubos na ba ang beer? Aba, bili pa nga kayo ng isang case d’on! Ayokong mabitin!” anang dalagang si Casey sa kaniyang mga kabarkadang ngayon ay kasama niya’t kainuman sa apartment na kaniyang inuupahan.

“Aba, marami ka yatang pera ngayon, Casey?” natatawang tanong naman ng isa sa mga kaibigan niyang si Helen. “Mukhang marami kang nakulimbat sa boyfriend mong hilaw, a!” dagdag pa nito na ang tinutukoy ay ang nobyo ni Casey na si Andrew. Isang seaman, na hindi naman talagang minahal ni Casey. Ang totoo ay ginamit niya lamang ang binata para sa pera nito, at ngayong marami na siyang nakulimbat mula sa bulsa ng binata ay kailangan na niya itong dispatsahin.

Nakilala lamang ni Casey sa isang bar ang binata. Simula noon ay palagi na silang nagkikita. Dahil sa angking kagandahan ng dalaga ay mabilis na nahulog sa kaniya si Andrew, ngunit siya ay nanatiling walang nararamdamang pagmamahal dito. Ganoon pa man, nakakita si Casey ng oportunidad sa binata, kaya naman kahit hindi niya ito gusto ay nagdesisyon siyang makipagrelasyon dito upang kalaunan ay limasin ang pera nito at basta na lang iwan, na siya na ngang ginawa niya kamakailan lamang.

“Grabe ka talaga, Casey. Mahal na mahal ka pa naman n’ong tao. Bakit ba hindi mo nagustuhan ’yon? Mabait naman siya, hindi ba?” takang tanong pa ni Helen sa kaniya matapos niyang ngisian ang sinabi nito.

“Mabait nga, hindi naman guwapo. Alam mo namang ayoko ng mga simpleng lalaki lang. Gusto ko ’yong pang-display!” sagot naman niya na bagaman mukhang biro ay talagang totoo sa kaloob-looban niya. Totoong ayaw niya kay Andrew dahil hindi ito kaguwapuhan. Gusto niya kasi ay ’yong kaiinggitan siya ng maraming kababaihan kapag nakitang kasama niya ang kaniyang nobyo. ’Yon ang dahilan kaya’t iniwan niya ang lalaki.

Makalipas ang ilang buwan ay patuloy pa ring nagpakasasa si Casey sa perang nakulimbat niya mula sa dating nobyo. Paroo’t parito siya sa mga mall, mamahaling kainan at mga bar. Malaki-laki rin kasi ang perang nakuha niya mula sa binatang ngayon ay hindi na siya mahagilap dahil hindi naman niya ibinigay dito ang totoo niyang pangalan.

Isang araw, habang nagpapakasaya si Casey sa pag-inom ng alak sa isang bar ay may nakilala siyang lalaki. Si Tristan. Unang kita pa lamang ni Casey sa binata ay talaga namang tinamaan siya nang husto rito dahil napakaguwapo nito! Dahil doon ay hindi na siya nag-aksaya pa ng panahon at agad na niya itong nilapitan. Nakipagkilala si Casey sa binata at agad naman siya nitong pinaunlakan.

Nagsimula silang maging friends sa Facebook. Matapos ang gabing ’yon ay palagi na silang magka-chat at talaga namang kilig na kilig si Casey sa binata. Hanggang sa magkayayaan na silang magkita at maging opisyal na magnobyo.

Tumagal nang ilang buwan sina Casey at Tristan hanggang sa dumating sa puntong gusto na siyang ipakilala ng binata sa kaniyang pamilya. Dahil mahal niya ang binata ay agad naman siyang pumayag sa gusto nito.

Ngunit hindi akalain ni Casey na sa pagpayag niyang iyon ay karma ang kaniyang aabutin… dahil sa pagpunta niya sa bahay nina Tristan ay muli niyang makakadaupang palad ang lalaking noon ay kaniyang niloko!

“A-Andrew?!” sambit niya sa pangalan ng dating nobyo nang makaharap niya ito sa bahay nina Tristan.

“Welcome to the family, Casey. Ako nga pala ang kuya ni Tristan,” nakangising pagpapakilala pa nito sa kaniya.

Gulat na gulat si Casey at pinagpapawisan siya nang malala, ngunit ganoon pa man ay hindi pa rin niya naiwasang pansinin ang malaking pagbabago sa hitsura ni Andrew. Napakaguwapo nito ngayon at napakakisig hindi tulad nang huling magkita sila!

“So, ikaw pala ang babaeng nangulimbat ng pera ng anak ko?” singit naman ng ina nina Andrew at Trsitan. “Alam mo bang may nakasampang kaso laban sa ’yo, dahil sa pagnanakaw mo sa pera ng anak ko?” galit pang dagdag nito habang nakataas ang isa niyang kilay.

Doon niya nalaman na hindi pala siya totoong mahal ni Tristan. Ang totoo ay niligawan lamang siya nito dahil nakilala siya nito nang magkita sila sa bar! Kinuha nito ang lahat ng tiwala niya hanggang sa maisampa na ng kapatid nito ang kaso at lumabas ang warrant laban sa kaniya!

Ngayon ay nahaharap sa patung-patong na kaso si Casey at wala siyang ibang patutunguhan kundi ang likod ng selda na talaga namang ikinalugmok ng palalong dalaga, habang ang magkapatid na Andrew at Tristan ay naging masaya na sa kani-kaniya nilang mga bagong pag-ibig.

Advertisement