Tinangka Niyang Alisin sa Buhay Niya ang Batang Bunga ng Pang-aabuso sa Kaniya; Ito pa pala ang Mag-aangat sa Kanila sa Kahirapan
Iyak nang iyak si Marife habang naglalakad sa madilim na daang ’yon na hindi niya alam kung saan ang hangganan. Gutay-gutay ang suot niyang damit at magulo ang kaniyang buhok. Hindi niya alam kung saan siya hihingi ng tulong dahil wala namang dumadaang tao sa lugar na ’yon.
Si Marife ay nagtatrabaho bilang isang service crew sa isang fast food chain. Pauwi na sana siya kanina nang bigla na lamang siyang lapitan ng tatlong banyagang lalaki na pawang mapuputi at matatangkad, para lang ayain siyang sa kanila ay ‘makipaglaro ng apoy’ ngayong gabi kapalit ng pera. Ngunit hindi pumayag si Marife at agad na pumalag. Ganoon pa man ay wala siyang laban sa lakas ng mga ito. Isa sa tatlong lalaki ang sumuntok sa kaniya sa sikmura na naging dahilan upang agad siyang mawalan ng malay.
Nagising na lamang siya sa isang mausok at madilim na silid, habang salit-salitan siyang pinagsasawaan ng tatlong kalalakihan! Walang nagawa si Marife kundi ang impit na lamang na umiyak at magdasal na sana ay makaligtas siya sa kamay ng mga ito. Gusto niya pang makita ang kaniyang asawa’t anak na siguradong naghihintay na sa kaniyang pag-uwi.
Mabuti na lamang at hindi naman nila siya pinagtangkaang bawian ng mga ito ng buhay, bagkus ay itinapon lamang nila siya sa isang damuhan nang gabing ’yon.
Hindi alam ni Marife kung papaano siyang nakarating sa istasyon ng pulisya at nakapag-report kung ano ang nangyari sa kaniya. Namalayan na lamang niya na naroon na ang kaniyang asawa at pareho na silang umiiyak dahil sa nangyari.
Hindi pa roon nagtatapos ang paghihirap ni Marife, dahil tatlong linggo lang matapos ang nangyari ay nalaman niyang siya ay nagdadalantao! Nagbunga ang kah*l*yang ginawa sa kaniya ng tatlong lalaking ’yon at ngayon ay hindi na niya alam kung paano kalilimutan ang madilim na bahaging ’yon ng kaniyang buhay!
“Mahal, walang kasalanan ang bata. Pareho lang kayong biktima! Huwag mong ituloy ’yang naiisip mong gawin dahil walang maitutulong ’yan,” pakiusap sa kaniya ng kaniyang mister nang gabing sabihin niya rito ang plano niyang alisin ang bata sa kanilang buhay. Nais niyang humingi ng tulong sa isang kumadrona sa kanilang lugar.
“Pero ang batang ito ang magiging alaala ng pang-aabuso sa akin, Rolando! Ang batang ito ang paulit-ulit na maghahatid sa akin sa bangungot na ’yon!”
“Makinig ka sa akin, Marife… ang batang ’yan ay anak natin. Hindi natin siya ituturing na bunga ng kasalanan dahil hindi niya ginustong mangyari ’yon sa ’yo. Masakit din sa akin ’yon pero gusto kong maging matatag para sa inyo ng mga anak natin… pakiusap, tulungan mo ako.”
Naantig naman ang puso ni Marife sa sinabi ng asawa kaya naman noon din ay tinanguan niya ito. Sa tulong ng kaniyang mister ay unti-unti niyang natanggap ang batang nasa kaniyang sinapupunan at unti-unti rin siyang nakabawi mula sa nangyaring trahedya bago pa siya makapanganak.
Minahal nilang mag-asawa ang bata at kahit kailan ay hindi ipinaramdam dito na siya ay bunga ng kasalanang ginawa ng mga lalaking ’yon kay Marife. Dahil doon ay lumaki itong mabuting bata na napakatalino! Pinangalanan nila itong Mariano.
Bata pa lang ay kinakikitaan na ng labis na katalinuhan ang batang si Mariano. Sa katunayan ay makailang ulit itong na-accelerate sa pag-aaral dahil napakataas ng IQ nito! Dahil doon ay mabilis na nakatapos sa hayskul si Mariano at agad na nakatuntong sa kolehiyo nang walang kahirap-hirap. Ni hindi na kailangan pa nina Marife at Rolando na maghagilap ng ipangpapaaral sa bata dahil napakagaling nitong dumiskarte sa buhay.
Pagtuntong nito ng bente anyos ay nakapagtapos na ito ng kolehiyo at agad na nakahanap ng magandang trabaho sa magandang kompanya! Ngunit hindi nagtagal, si Mariano ay nagpasyang mag-resign sa trabaho upang mag-umpisa ng sarili niyang negosyo na dahil sa angkin niyang husay at talino ay mabilis na lumago sa loob lang ng ilang taon na siya namang nagbigay ng magandang buhay sa kaniyang mga magulang at kapatid!
Hindi akalain ni Marife na mangyayari ang lahat nang iyon dahil lamang pinili niyang buhayin ang anak niyang nabuo mula sa pang-aabuso sa kaniya ng ibang tao. Hindi man nabigyan ng hustisya ang nangyari sa kaniya noon ay binigyan naman siya ng Panginoon ng isang anak na bukod sa naghatid sa kanila ng swerte ay ipinaramdam ang lahat ng pagmamahal sa kanilang mag-asawa. Ngayon ay masaya silang nabubuhay nang magkakasama. Buo, masaya, at maginhawa.