Inday TrendingInday Trending
Nabuntis nang Maaga ang Babae Kayaְ’t Maaga rin Silang Namulat sa Kahirapan ng Buhay; Isang Kapitbahay ang sa Kanila’y Gagabay

Nabuntis nang Maaga ang Babae Kayaְ’t Maaga rin Silang Namulat sa Kahirapan ng Buhay; Isang Kapitbahay ang sa Kanila’y Gagabay

“B-buntis ako…” Bigla na lamang tumulo ang luha ni Merlyn matapos makita ang resulta ng kaniyang pregnancy test. Dalawang pulang guhit ang lumabas mula roon na siyang nagsasabing positibo ang kaniyang kutob.

Hindi niya alam ang gagawin. Siguradong magagalit ang mga umampon sa kaniya kapag nalaman ito, lalo pa at hindi pa siya tapos sa pag-aaral. Bukod doon ay ni hindi pa siya tumutuntong sa tamang edad!

Dahil sa takot ni Merlyn ay sumama siya sa kaniyang kasintahan sa Maynila kahit na wala silang taong malalapitan doon.

“Dito muna tayo titira. Mahirap kasing makahanap ng murang paupahan dito kaya kaunting tiis muna, ha?” paliwanag ng nobyo niyang si Edward kay Merlyn matapos siyang dalhin nito sa isang maliit at masikip na apartment.

“Kaya ko namang magtiis, e. Saka, makakahanap ka naman ng trabaho kaya alam ko gaganda din ang buhay natin,” puno ng pag-asang sagot naman niya sa nobyo.

Ngunit ilang buwan na ang lumipas at hanggang ngayon ay pa-extra-extra lamang si Edward sa iba’t ibang trabaho. Hirap kasi itong makahanap ng pagkakakitaan dahil katulad niya ay pareho pa silang hindi tapos sa pag-aaral. Ngayon napagtatanto ni Merlyn kung gaano talaga kahirap ang pag-aasawa. Gustuhin man niyang lumapit sa mga nagpalaki sa kaniya ay siguradong abot-abot ang galit ng mga ito sa kaniya ngayon!

Ilang buwan ang nakalipas at nanganak na si Merlyn. Sa awa ng Diyos, kahit papaano ay nakakaraos silang pamilya sa pang-araw-araw na gastusin. Mabuti na lamang din at palaging to-the-rescue ang kapitbahay nilang may-ari ng isang karinderya na naging kaibigan ni Merlyn sa tagal ng kanilang pananatili roon. Si Aling Josie na bagaman isang matandang dalaga ay napakabait naman at napakakwela.

Maayos naman ang takbo ng kanilang buhay kahit na sila ay naghihirap, ngunit hindi inaasahang isang malaking trahedya ang darating sa kanilang buhay. Nagkasakit kasi ang anak nilang si Vin at dahil doon ay kinailangan nitong mai-confine sa ospital!

“Ang laki ng babayaran natin sa ospital, Edward! Ano’ng gagawin natin?” halos hindi magkandaugagang tanong ni Merlyn sa asawa nang mga sandaling ’yon. Problemadong-problemado na kasi sila.

“Lumapit na kaya tayo sa mga magulang natin, mahal?” naisagot naman ni Edward habang sapo ang kaniyang ulo. Sinisisi ang sarili dahil wala siyang magawa para sa kaniyang mag-ina. Ngayon nila napagtatanto ang lahat ng pangaral sa kanila ng kanilang mga magulang na noon ay hindi nila sinunod dahil mas inuna nila ang kanilang kapusukan.

Walang nagawa si Merlyn kundi ang magbakasakaling humingi ng tulong sa mga nagpalaki sa kaniya, ngunit tanging galit na panenermon lamang ang natanggap niya mula sa mga ito. Ganoon din si Edward na ni hindi nga nagawang kausapin ang ina dahil binababaan ito agad ng telepono.

Halos mawalan na ng pag-asa ang mag-asawa sa nangyayari sa kanila ngayon. Kulang na lang ay pareho silang mawala sa katinuan. Sana pala ay hindi nila pinasok ang sitwasyong ito. Tuloy, pati ang anak nilang si Vin ay nadamay sa hirap na kanilang dinadanas dahil sa hindi nila pakikinig.

Nasa ganoong sitwasyon ang dalawa, nang isang hindi inaasahang bisita ang dumalaw sa kanila sa ospital… si Aling Josie, na handang maghatid ng tulong sa kanila!

Nagbigay ng tulong pinansyal si Aling Josie sa mag-asawa, ngunit hindi pa doon nagtatapos ang lahat. Dahil bukod sa pera ay hatid din nito ang kapayapaan sa kanilang puso matapos nitong kumbinsihin ang parehong mga magulang nila ni Edward na sila ay dalawin at tingnan ang kanilang sitwasyon.

Bumuhos ang napakaraming luha sa muling pagkikita nila at ng mga magulang nilang mag-asawa sa tulong ni Aling Josie. Doon ay nagkapatawaran sila at nagpasyang magtulungan para sa ikaaayos ng kalagayan ng batang si Vin na kalaunan ay gumaling na rin sa kaniyang karamdaman.

Malaki ang pasasalamat ng mag-asawang Merlyn at Edward sa kanilang kapitbahay na si Aling Josie na bagama’t hindi nila kaano-ano ay naging para na rin nilang magulang. Kaya naman nang ito ay tumanda na at naging uugod-ugod, minabuti nina Merlyn at Edward na akuin ang responsibilidad ng pag-aalaga rito upang makabawi sa utang na loob nila sa matanda.

Minahal ng buong pamilya nila si Aling Josie. Minsan talaga, ibang tao pa ang magtuturo sa atin kung paano ang totoong pagmamahal, lalo pa at malayo tayo sa pamilya. Katulad na lamang ni Aling Josie na bumuo ng magandang samahan sa kaniyang mga kapitbahay na kalaunan ay buong-puso namang ibinalik ang kaniyang kabutihan. Ngayon ay magkakasama silang naninirahan sa iisang bubong. Hindi itinuturing na ibang tao ang isa’t isa, bagkus ay magkakapamilya sa puso at gawa.

Advertisement