Inday TrendingInday Trending
Nakipagkarera ang Motorista sa Humaharurot na Van sa Pag-aakalang Niyayabangan Siya Nito; Gulat Siya Nang Malaman ang Sakay Nito

Nakipagkarera ang Motorista sa Humaharurot na Van sa Pag-aakalang Niyayabangan Siya Nito; Gulat Siya Nang Malaman ang Sakay Nito

Nasa kalagitnaan ng biyahe ang rider na ito, habang sakay siya ng kaniyang motorsiklo nang pauwi na siya galing sa kaniyang trabaho… ngunit bigla na lamang humarurot sa kaniyang harapan ang isang puting van na agad namang nagpalingon sa kaniya.

“Aba, sira ang ulo n’on, a!” galit na ani Anton sa pag-aakalang niyayabangan siya ng drayber ng naturang van.

Dahil doon ay dali-dali niya pang binilisan ang pagmamaneho upang abutan ang pagharurot ng naturang sasakyan. Ayaw niyang magpatalo. Hindi papayag si Anton na basta na lamang siyang yayabangan ng kung sino kahit wala namang dahilan. Likas din kasing mayabang si Anton kaya naman hindi niya pinalalampas ang mga ganitong pangyayari.

Pinakaripas niya ang takbo ng kaniyang motorsiklo hanggang sa abutan niya ang van. Nakipagkarera siya sa drayber nito habang nakangisi. “Ano?! Wala ka pala, e!” mayabang pang sigaw niya habang patuloy pa rin sa pagtakbo ang kani-kaniya nilang sasakyan.

Lingid sa kaalaman ni Anton ay hindi naman basta kung sino lamang ang sakay ng naturang puting van na iyon kundi mga sindikatong tumangay ng ilang mga batang babae upang ibenta sa mga banyaga. Sarado kasi ang lahat ng bintana ng naturang van kaya naman hindi nakikita ni Anton ang impit na mga iyakan ng mga babaeng nasa loob n’on, maging ang mga baril na hawak ng mga sindikatong naroon din sa loob at nagbabantay upang hindi makatakas ang kanilang mga nabihag!

Patuloy pa rin sa pakikipaggitgitan ang mayabang na rider kaya naman nagtaka na ang mga sindikato at inakalang pulis siya’t tinatangka niya silang hulihin!

“Paputukan mo na, pare!” sigaw ng drayber ng naturang van sa kaniyang kasamang kapwa nito may mga takip ang mukha.

Agad namang tumalima ang kasamahan nito at binuksan ang isa sa mga bintana. Dahil doon ay nagulat si Anton nang makita ang hitsura ng mga nakasakay doon! Huli na para siya ay umiwas pa, dahil agad nang naitutok sa kaniya ng isang lalaki ang baril na hawak nito at agad siyang pinaputukan!

Nalaglag si Anton sa kaniyang sinasakyan at agad na napasigaw sa sakit dahil tinamaan siya ng bala sa kaniyang tagiliran! Nagsisigaw siya upang humingi ng tulong kahit na halos umikot na ang kaniyang paningin sa sobrang pagkahilo.

Hindi niya akalain dahil sa kaniyang kayabangan ay makakasagupa siya ng mga sindikato at ito ang kaniyang mapapala.

Mabuti na lamang at agad na naitakbo si Anton sa ospital at dahil pa roon ay naalerto ang mga pulis sa nangyayari sa loob ng naturang van. Naimporma agad nila ang mga checkpoint na maaaring daanan ng puting van na ’yon na siyang naglalaman ng mga inosenteng batang babae at agad na na-corner ang masasamang loob na bumaril kay Anton!

Instant hero ang mayabang na rider sapagkat dahil sa kaniya ay nailigtas ang mga batang babae mula sa tiyak na kapahamakang naghihintay sa mga ito kung hindi niya hinabol ang van! Nang magising siya ay nasa ospital na siya at nagamot na ang kaniyang sugat. Bukod doon ay napakarami ring nag-aabang na media sa labas ng kaniyang silid upang siya ay ma-interview, ngunit tila lahat yata ng kayabangan ni Anton sa katawan ay umatras na dahil sa traumang natamo niya sa naturang pangyayari. Wala na sa isip niya na magpa-interview pa sa media dahil sa takot na mapanood iyon ng mga sindikatong nakaalitan niya sa daan at balikan siya ng mga ito dahil sa kanilang pagkahuli!

Bagaman puno ng pasasalamat para kay Anton ang pamilya ng mga batang babaeng nailigtas niya, maging sa mga ito ay hindi siya nagpakita. Hindi naman sinasadya ang naging pagliligtas niya sa mga ito dahil lahat ng iyon ay dulot lang naman ng kaniyang kayabangan.

Nadala si Anton sa nangyari. Matagal bago siya muling nakapagmotorsiklo dahil talagang ininda niya nang matindi ang sugat na natamo niya. Bukod pa roon ay tila binahayan na ng daga ang kaniyang dibdib na dati ay napakayabang at napakatapang. Hindi niya tuloy alam kung karma ba o biyaya ang kakaibang pangyayaring iyon sa kaniyang buhay.

Natutunan ni Anton ang kaniyang leksyon matapos ang pangyayaring iyon at ipinangako niya sa sarili na kailanman ay hindi na muling paiiralin ang kayabangan sa kahit na anong sitwasyon. Hindi natin alam kung ano ang nagbabadyang kapahamakang maaaring ihatid sa atin ng ganitong pag-uugali.

Advertisement