Noong Naghiwalay Sila’y Kay Bilis Lamang Siyang Napalitan ng Nobyo; Sa Muli Nilang Pagkikita’y Ininsulto Pa Siya Nito
“Dali na, Dahlia, sumama ka na sa’kin sa party ni Robert,” ani Rose.
Iniimbita siya nitong sumama sa simpleng selebrasyon ng kaarawan ni Robert ang nobyo nito. Ang kaso’y nag-aalangan siyang pumunta kasi baka makita niya roon si Froilan, ang kaniyang dating nobyo, na halos wala pang tatlong buwan mula noong nagdesisyon silang tapusin na lang ang kanilang anim na taong relasyon.
Ngunit dahil mapilit si Rose ay walang nagawa si Dahlia kung ‘di ang sumama rito. At kagaya nga ng kaniyang inaasahan ay naroon nga rin si Froilan, ang kaniyang dating-nobyo— may kasamang bagong babae. Kung nobya man nito ang babae ay wala na siyang dapat pang alalahanin.
“Dahlia,” tawag ni Froilan sa kaniya.
Kung hindi lang kabastusan ay nais na sana niyang balewalain ang pagtawag nito, ngunit nanaig pa rin ang kaniyang pagiging propesyonal at nakangiti itong hinarap at binati.
“Si Joyce, bago kong nobya,” anito, pakilala sa kaniya ng kasama. “Ikaw, wala kang kasama?” dugtong nito na may halong pang-iinsulto.
“Wala,” maikli niyang sagot. “Nice to meet you, Joyce, dito na muna ako sa may hardin, magpapahangin,” paalam niya.
Akmang tatalikuran na niya ang dalawa nang muling nagsalita si Froilan.
“Wala ka pa rin bang nahahanap na ipapalit sa’kin, Dahlia? Mahirap ba akong palitan? Kasi ikaw wala pang dalawang buwan, napalitan na kita,” anito.
Nakaramdam siya ng pagka-insulto at gusto niyang maglakad pabalik sa pwesto nito upang bigyan ito ng mag-asawang sampal. Ngunit mariin niyang pinigilan ang sarili. Nakakahiya sa mga bisita kung gagawa siya ng eksena sa kaarawan ni Robert.
“Salamat sa anim na taong nasayang, pero sa totoo lang Dahlia… mula noong naghiwalay tayo, parang mas naging maayos ang takbo ng buhay ko, lalo na noong nakilala ko si Joyce. Hindi kagaya mo’y suportado ni Joyce ang lahat ng nais kong gawin. Ngayon ko nais tanungin ang sarili ko kung bakit kinailangan ko pang sayangin ang anim na taon ng buhay ko nang dahil lang sa’yo,” dugtong ni Froilan.
Lumingon siya upang harapin si Froilan, hahakbang na sana siya papalapit dito upang mas makausap ito nang malapitan nang bigla siyang pigilan ni Rose at Robert. Kinausap siya ni Rose, upang huminahon, habang gano’n rin ang ginawa ni Robert kay Froilan.
Dinala sila ng mga kaibigan sa isang pribadong silid upang mas makapag-usap nang maayos. Naroon silang dalawa ni Froilan, at naroroon rin halos ang mga naging kaibigan nila, noong magkasintahan pa lang sila. Maliban kay Joyce, na pinakiusapan ng mga itong bigyan silang lahat ng espasyong makapag-usap at maliwanagan ang lahat.
“Ano ba talaga ang nangyari sa inyong dalawa? Bigla-bigla na lang naming nalaman na hiwalay na kayo at heto… si Joyce na ang nobya ni Froilan!” inis na wika ni Robert. “Alam naman naming labas na kami sa relasyon niyo, pero siguro naman may karapatan kaming malaman ang dahilan, dahil naging parte kami ng pagsasama niyo. Hindi rin naman basta-basta ang anim na taon.”
“Baka naman, Froilan, bigyan mo kaming mga kaibigan niyo ng eksplanasyon,” untag ni Jaime.
“Ako ang nakipaghiwalay kay Dahlia,” ani Froilan. “Dahil hindi ko na kaya ang pagiging toxic na girlfriend niya. Makalipas ang anim na taon saka ko lang na-realize na hindi pala kami ang nababagay para sa isa’t-isa. Bigla na lang ay nagising ako isang umaga na hindi na siya ang mahal ko at ayoko nang makasama siya.”
“Gano’n lang kadali iyon, Froilan?” ani Rose. Hindi makapaniwala sa sinasabi ng lalaki.
“Hindi ko rin alam, Rose. Hindi ako naniniwala sa sabi-sabi na may expiration ang pagmamahal, pero nangyari siya sa’kin. Bigla’y ayoko na kay Dahlia, ayoko na siyang makasama at ayoko na sa kaniya— literal. Kaya kaysa pahirapan pa ang sarili naming dalawa’y ako na ang nakipaghiwalay.”
“At pumayag naman ako ‘di ba?” sagot ni Dahlia. “Hindi kita kinuwestyon. Hindi nagtanong, hindi nanggulo. Pero bakit kailangan mong ipamukha sa’kin, Froilan, na hind kita kayang palitan?” ani Dahlia, pinipigilan ang inis na umaalpas sa damdamin.
“Maging kaswal tayo sa isa’t-isa, kung ayaw mo akong makita, magpanggap kang hindi mo ako nakita, Froilan, wala akong pakialam. Bakit? Sa anim na taon na magkasama tayo, hindi mo man lang naisip na ilang beses kong naisip na iwanan ka, pero hindi ko ginawa. Ilang beses na kitang sinukuan noon, pero ‘di ako sumuko, kasi mahal kita, pinili kita… kaya mamahalin kita hanggang dulo. Hindi lang ikaw ang nakaramdam na parang biglang nag-expire na lang ang pagmamahal ko sa’yo, pero nakipaghiwalay ba ako sa’yo? Naghanap ba ako ng iba upang hanapin ang nawawalang iyon sa ibang lalaki? Hindi— hindi ko iyon ginawa sa’yo.”
Seryoso ang mukha ni Dahlia habang puno ng emosyong kinakausap ang dating nobyo. Noong araw na sinabi nitong ayaw na nito sa kaniya at nais na nitong putulin ang anim na taong relasyon nila’y wala siyang sinabi na kahit ano man sa lalaki. Ibinigay niya nang maluwang sa puso ang gusto nito. Ayaw niyang ipilit ang sarili sa taong inaayawan na siya. Kaya ito na siguro ang tamang oras upang ilabas ang bigat sa dibdib na noon pa niya pinipigilan.
“Hindi madaling itapon ang anim na taon, Froilan, pero hindi ko sinasabing hindi ako magpapatuloy sa buhay ko nang dahil lang anim na taong pareho nating ibinasura. Congrats at kay bilis mo akong napalitan. Wala namang paligsahan kung sino ang mauuna o mahuhuli, ‘di ba? Kung matagalan man akong maghanap ng maipapalit sa’yo, iyon ay hindi dahil mahal pa kita o dahil mahirap kang palitan— iyan ang tandaan mo,” nakangiting sambit ni Dahlia, saka diretsong tumayo.
“Kailangan ko munang mahalin at unahin ang sarili ko sa pagkakataong ito, bago ko ulit bubuksan ang puso ko sa iba. Nakalimutan ko kasing mahalin ang sarili ko mula noong minahal kita. Kaya siguro naman ngayong hiwalay na tayo, panahon na upang ang sarili ko naman muna ang unahin ko,” aniya saka inilahad ang kamay upang makipagkamay sa lalaki. “Salamat at paalam,” aniya sabay talikod upang umuwi na.
Tama lang rin sigurong pumunta siya sa seremonyang ito at nagkausap sila nang masinsinan ng dating nobyo. Mas gumaan ang bigat sa puso niya. Parang wala na iyong dinadalang kahit anong bigat. Masaya siya… sobrang saya niya ngayon. Tila ba sa wakas ay tuluyan na siyang malaya.
Minsan, nakakalimutan nating mahalin ang sarili natin dahil sa labis na pagmamahal natin sa ibang tao. Palaging tandaan, unahing mahalin ang sarili, dahil kapag alam mo na kung paano mahalin ang iyong sarili, alam mo rin kung gaano ka kahalaga.