Inday TrendingInday Trending
Naiinis ang Lalaki sa Kung Papaano Manamit ang Kapatid na Babae; Ang Payo ng Kanilang Ama ang Magpapabago ng Lahat

Naiinis ang Lalaki sa Kung Papaano Manamit ang Kapatid na Babae; Ang Payo ng Kanilang Ama ang Magpapabago ng Lahat

“Handa na ang hapunan,” pagbibigay-alam ni Alma, ang kanilang ilaw ng tahanan.

Sa tuwing gabi at naroroon na ang lahat ng miyembro ng pamilya ay si Alma mismo ang nag-aasikaso ng kanilang makakain, dahil iyon ang palaging hiling ng kaniyang mga anak at pati na ng kaniyang asawa.

Agad namang nagsibabaan ang lima nitong anak at nag-uunahang pumuwesto sa kaniya-kaniyang upuan paharap sa mesa. Tatlong lalaki at dalawang babae lang ang magkakapatid. At gaya ng dati’y huli na namang bumaba si Alexandra, ang pangatlo sa lahat ng magkakapatid at ang panganay na babae.

“Ano na naman ba iyang suot mong iyan, Alexandra?” sita ni Alma sa anak matapos suriin ang kasuotan nitong, halos kita na ang lahat.

“Damit,” ani Alexandra, saka maarteng hinila ang upuan at disenteng umupo.

“Bagong bili niya iyan kahapon sa may tiangge. Sabi ko nga sa kaniya na ang pangit ng damit na iyan at ang sagwa pa. Pero ayaw niyang maniwala sa’kin,” ani Alex, ang pinakapanganay sa lahat.

“Bakit ka ba nangingialam? Ikaw ba ang magsusuot?” mataray na tugon ni Alexandra.

Mag-aaway pa sana ang dalawa na agad ring pinigilan ng ina. Habang ang kanilang haligi ng tahanan ay tahimik lamang na nakikinig at ngumunguya na tila walang pakialam sa naging usapan nila at may sarili itong mundo.

Ang totoo’y ayaw na nitong pakialaman ang mga anak dahil pare-pareho na itong malalaki’t may kaniya-kaniyang isip. Labing-siyam na taong gulang na ang panganay na si Alex, habang ang sumunod nitong si Axel ay labing-pitong taong gulang. Labing anim si Alexandra, habang ang sumunod nitong si Anthon, ay labing-apat na taong gulang at ang bunsong si Aimee, ay sampu.

Kaya mas ipinapaubaya na niya kay Alma ang pagdidisiplina sa mga anak, iimik lamang siya kung kinakailangan na talaga, kagaya ngayon.

“Alexandra, kumportable ka ba talaga d’yan sa suot mo?” maya maya ay tanong niya.

Bahagyang natigilan ang anak at animo’y naghahanap ng irarason.

“Hindi naman sa tinututulan ka namin na isuot ang mga ganyang klaseng damit anak,” ani Alfredo. “Maaaring kumportable ka sa suot na iyan, pero paano naman ang ibang taong nakakakita sa’yo? Kumportable din kaya sila sa nakikita nilang suot mo?”

Yumuko si Alexandra, at mukhang wala itong maisip na rasong ibibigay sa ama.

“Mahal ka namin ng mama mo, pati ni Kuya Alex mo, kaya ka niya nagawang pagsabihan. Hindi ibig sabihin na pinagsabihan ka ni kuya mo na pangit ang napili mong damit ay pakialamero na siya. Mahal ka namin kaya gusto naming ingatan at protektahan ka, pero paano namin gagawin ang bagay na iyon, kung hindi ka makikinig sa amin?” ani Alfredo sa anak sabay tingin rito mula ulo hanggang paa.

“Pero, ‘Pa, ito po ang uso ngayon sa’ming mga kabataan,” katwiran pa ni Alexandra.

“Uso! Ikaw lang ang gan’yan. Ginagaya mo ‘yong magkakapatid na hollywood star,” singit ni Alex.

Hindi naman masama kung talagang kumportable ka sa suot mo at doon ka masaya. Para lamang kay Alfredo ay sagrado ang katawan ng bawat babae. Lahat ng mahalaga at mamahaling bagay sa mundo ay nakabaon sa pinakailalim at mahirap hukayin at kunin, kagaya ng ginto, diamante at perlas, gano’n lang rin ang katawan ng mga babae. Ang mga bagay na may halaga ay mahirap kunin, pero ang mga murang bagay ay kay bilis lamang mabili at makuha. At ayaw niyang dumating sa gano’ng punto ang anak.

“Isipin mo, Alexandra, na para sa’min ng mga kapatid mo ikaw ay isang ginto, diamante at mamahaling perlas. Sa palagay mo ba, papayag lang kaming masungkit ka ng gano’n kadali? Syempre, anak, hindi! Pahihirapan muna namin ang mga lalaking may nais kang makuha, kaya sana gano’n rin ang gawin mo, para sa sarili mo, Alexandra,” mahinahong paliwanag ni Alfredo sa anak.

“Opo, ‘Pa,” sang-ayon ni Alexandra saka tumayo upang yakapin ang ama. “Sorry po, ‘Pa.”

“Wala kang kasalanan sa’kin, anak, kaya hindi mo kailangang humingi ng tawad. Hindi mo rin kailangang takpan ang buo mong katawan at baguhin ang pananamit mo. Ang sa’kin lamang ay magdamit ka sa naaayon, sa kung saan hindi kabastos-bastos tingnan. Wala namang masama sa nais namin,” aniya.

Ngumiti si Alexandra, saka muling niyakap ang mga magulang. “Naiintindihan ko po, Papa,” aniya.

Huwag magalit sa iyong pamilya kung pilit ka lamang nilang pino-protektahan lalo na’t kung ikaw ay bata pa. Lahat ng mga magulang, ang tingin at turing nila sa kanilang mga anak ay higit pa sa mabigat na ginto, kumikinang na diamante at mamahaling perlas. Walang halaga ang hihigit sa pagmamahal ng mga magulang sa kanilang mga anak kaya natural lamang na nais ka nilang protektahan at pangalagaan.

Advertisement