Kapag Lalaki Raw ang Nagloko sa Relasyon ay Ayos Lang Ngunit Kapag Babae’y Hindi Maaari; Isang Barakong Binabae Lamang pala ang Magpapabago ng Lahat
Kalmadong nagmamaneho si Vern nang tumawag si Piolo upang ayain siyang uminom sa suki nilang inuman sa may Quezon City. Kaysa umuwi na at magpahinga’y muli niyang minaniobra ang manibela at tinahak ang daan kung saan naroroon ang bar na sinasabi ni Piolo.
Pinayuhan pa nga siya ng kaibigang magdala na rin ng sarili niyang chicks, para hindi naman siya malungkot na mag-isa at walang ka-pares. Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Vern sa sinabi ng matalik na kaibigan. Kahit kailan talaga’y chickboy ito at hindi niya alam kung kailan nito nais na magbago, kahit na ba alam naman nilang lahat na may nobya na ito at matagal na ang dalawa’t may balak na ngang magpakasal.
“Vern,” nakangising tawag sa kaniya ni Piolo, akbay ang babaeng magandang tingnan sa dilim— hindi siya sigurado sa maliwanag.
“Iba na naman ‘yan?” aniya. Mahina niyang bulong sa kaibigan.
Tumawa lamang ito saka iginaya siya sa mesa ng mga ito. Hindi lang nag-iisa si Piolo, kasama rin nito ang tatlo pa nilang mga kaibigan na kagaya nito’y may mga nobya na. Lalaki rin siya ngunit hindi siya sang-ayon sa mga ginagawa ng mga ito. Pero ano bang magagawa niya? Hindi siya naparito upang sermunan ang mga kaibigan, narito siya para magsaya at maglasing.
“Vern!” bungad na tawag ni Piolo sa pangalan niya kablang linya.
“Oh? Bakit? Sinong kaaway mo?” taka niyang tanong.
“Samahan mo nga ako, Vern! Nahuli ni Simon si Hannah, may kasama raw itong lalaki habang kumakain sa isang sikat na restawran at sobrang sweet nila sa isa’t-isa!” galit na wika ni Piolo.
Hindi man niya nakikita ang mukha nito’y nahuhulaan na niyang nag-uusok na ang ilong nito sa galit.
Sinamahan niya nga ang kaibigan na pumunta sa address kung saan huling nakita ni Simon si Hannah, kasama ang lalaking ayon rito’y sweet na sweet ang dalawa sa isa’t-isa. At gaya nga ng inaasahan ay naroon nga si Hannah, kasama ang isang matangkad na lalaking sa kaniyang tantiya’y kasing tangkad lamang nila ni Piolo. Maganda at brusko rin ang katawan nito— Hannah’s type ‘ika nga!
“Ang kakapal ng mga mukha nila!” galit na galit na wika ni Piolo.
Habang ang mga ugat sa leeg ay naglalabasan na dahil sa pinipigilang galit. Akmang susugurin na sana nito ang dalawa na agad namang pinigilan ni Vern. Nakakahiyang gumawa ng eksena sa lugar na ito si Piolo. Kaya buong lakas niya itong hinila papalayo sa pwesto nina Hannah at ng lalaking kasama nito.
“Bakit mo ako pinigilan, Vern?!” galit na wika ni Piolo.
“Kumalma ka nga, Piolo! Nakakahiya ang gagawin mo kung hindi kita pinigilan. Paano na lang pala kung mali naman ang hinala mo? Baka kababata, pinsan o kaibigan lang ni Hannah ang lalaking iyon,” katwiran ni Vern.
“Imposible!” galit nitong singhal. “Nakita mo naman ‘di ba kung gaano sila ka-sweet! Tapos sasabihin mong walang malisya iyon? Nahihibang ka na ba?!”
“Sa’ting dalawa, Piolo, ikaw ang nahihibang at hindi ako!” matigas at buong tapang niyang wika. “Hindi mo nakitang naghalikan si Hannah at ‘yong lalaki, kahit nga holding hands, wala! Pero iyang reaksyon mo, para ka nang pap@tay ng tao sa galit. Pero ikaw, Piolo, ilang beses mo na bang iniputan si Hannah sa ulo?”
Biglang natahimik si Piolo sa sinabi ni Vern.
“Hindi lamang isang beses ‘di ba? Maraming beses mong iniputan si Hannah sa ulo nang hindi niya alam. Pero ikaw, nakita mo lang siyang may kausap na ibang lalaki, grabe na ang galit na nararamdaman mo. Niloloko mo ang nobya mo, pero ayaw mong lokohin ka niya,” patuloy ni Vern.
“Iba ang lalaki, Vern, iba rin ang babae!”
“Anong naging kaibahan ng babae at lalaki, Piolo?” tanong niyang muli. “Parehas lang naman ang babae at lalaki, parehong nagmamahal, nagpapakatanga at sumusugal sa pag-ibig. Ano ang kaibahan no’n?”
Muli ay walang maisagot si Piolo sa kaniya.
“Ah! Alam ko na kung ano ang kaibahan nating lalaki sa mga babae. Tayo, nagloloko tayo para lang sa tawag ng laman natin, para sumaya kasi nakakaumay kasama ang mga nobya natin— maiba naman. Pero pagkatapos ng lahat, wala tayong ibang gustong makasama kung ‘di ‘yong totoo nating mahal, ang nobya natin. Pero ang babae, kapag sila ang nagloko, ibang usapan na. Bakit? Kasi hindi naman sila magloloko kung talagang ikaw pa ang nasa puso nila. Nagloloko ang babae upang permanenteng palitan tayong mga lalaki. Naghahanap sila ng iba… pamalit sa pwesto natin. Siguro nga, Piolo, iyon ang kaibahan ng babae sa lalaki,” mahaba niyang litanya.
Lalong nalugmok si Piolo sa sinabi ni Vern. Animo’y pinagsisihan nito ang lahat ng ginawa.
“Kinakarma na ba ako, Vern?” anito.
“Hindi ko alam, pero baka?”
Bigla’y parang gusto nitong umiyak at saktan ang sarili. Ngunit pinaliwanagan naman niya ang kaibigan na kumalma at huwag maging masyadong padalos-dalos. Pwede naman nitong kausapin ang nobya at tanungin kung sino ang lalaking kasama nang maayos at mahinahon. Hindi kailangang maging mainit na pwedeng pagmulan ng away.
Nang huminahon si Piolo ay saka lamang sila bumalik sa pwesto nina Hannah at ng kasama nitong lalaki. Nang makita ni Hannah si Piolo ay biglang nagliwanag ang mukha nito at patakbong lumapit sa kaniya.
“Love, nandito ka rin?” masayang wika ni Hannah. “Alam mo ba, ikaw ang pinag-uusapan namin ni Bren,” dugtong nito saka bahagyang natawa. “Hindi kaya kanina ka pa nasasamid kaya pinagtagpo na tayo rito?”
Hindi makahagilap ng sasabihin si Piolo, nanatili lamang ang titig nito sa lalaking kasama ng nobya.
“Love, si Bren, kababata ko. Alam mo ba, isa na siyang sikat na designer ngayon sa US, nakakainggit nga e, buti hindi niya pa rin ako nakakalimutan kahit na sobrang sikat na niya,” ani Hannah, saka matamis na nginitian ang kaibigan.
“Maliit na bagay, Hannah,” hagikhik naman ni Bren.
“Teka! Binabae siya?” hindi makapaniwalang tanong ni Vern.
“Isang daang porsyento, confirmed!” tatawa-tawang tugon ni Bren.
Nawalan ng kulay ang mukha ni Piolo sa nalaman. Mabuti na lang pala talaga at pinigilan siya kanina ni Vern sa nais na pagsuntok sa lalaki. Kung ‘di pala ay malaking pagsisisisi at pagkapahiya ang mangyayari sa kaniya ngayon. Mabuti na lang talaga at sumugod siya na kasama si Vern.
Simula sa araw na iyon ay nagtino na si Piolo. Nagpokus ito sa pagmamahal ni Hannah at hindi na muling sinubukang magloko at iputan sa ulo ang nobya.
Totoong masamang gumanti ang karma, masyado itong mapaglaro at madalas ay kahindik-hindik. Kaya naman bago pa mahuli ang lahat ay magbago na sana ang lahat ng lalaking nanloloko sa mga kapareha nila!