Inday TrendingInday Trending
Ginawang Alila ng Madrasta at mga Anak Nito ang Kawawang Dalaga; Isang Palayok ang Magpapabago sa Buhay Niya

Ginawang Alila ng Madrasta at mga Anak Nito ang Kawawang Dalaga; Isang Palayok ang Magpapabago sa Buhay Niya

“Hoy, Thalia! Bilis-bilisan mo naman ang kilos! Maglalaba at magluluto ka pa!” sigaw ng madrasta niyang si Lodina.

“O-opo, tita, masusunod po. Tatapusin ko lang po ang paglilinis nitong sahig,” sagot niya habang tinatapos ang ginagawa sa sala.

“Aba, hindi uso sa bahay na ito ang tatamad-tamad! Kapag hindi mo natapos ang lahat ng ipinagagawa ko sa iyo ay hindi ka kakain ng pananghalian hanggang hapunan!” singhal ng babae sabay duro sa kanya.

Kahit pagod na pagod ay sinunod pa rin ni Thalia ang utos ng madrasta. Nang pumanaw ang kanyang mga magulang ay ang madrastang si Lodina na ang nagreyna-reynahan sa bahay nila kasama ang dalawa nitong anak na mga batugan. Tanging siya lang ang gumagawa ng lahat ng gawaing bahay. Sa madaling salita, alila siya ng mag-iina.

Pagkatapos na pakintabin ang sahig ay inihanda na niya ang mga maruruming damit at sisimulan na niya ang paglalaba. Sa mga paghihirap niya ay nakamasid lang sa kanya ang kaibigang si Nunay.

“Kawawa naman ang kaibigan kong si Thalia. Kaaga-aga’y tambak na agad ang trabaho,” bulong ni Nunay sa isip habang pinagmamasdan ang dalaga.

“Kailangang matapos ko ito kaagad. Magluluto pa ako ng pananghalian at mamamalantsa pa,” sambit ni Thalia na abala sa pagkuskos at pagpiga sa mga labahin niya.

Napansin ni Nunay na hindi na nga magkandaugaga si Thalia sa mga trabaho sa bahay ay tulog pa rin ang mga anak ng madrasta niyang si Lodina.

“Ang mga senyorita, tirik na ang araw, natutulog pa rin,” inis na sabi ni Nunay nang marining na naghihilik pa ang mga batugang kapatid.

May naisip si Nunay.

“Teka nga’t mapitik ang ilong para magising ang mga tamad na ito.”

Sa ginawa ay agad na nagising ang mga natutulog.

“Buwisit naman! Sino bang pumitik sa ilong ko? Kitang natutulog pa ang ako, eh… Thalia! Thalia! Nasaan ka ba? Ipagplantsa mo nga ako ng damit at aalis ako mamaya!” sigaw ng kapatid na si Lucile nang maalimpungtan ito’t biglang naalala na may pupuntahan palang party. Si Thalia agad ang binalingan.

Tatawa-tawang nagtago si Nunay. “Eh ‘di nagising ka, pangit! P-pero parang hindi yata nakabuti ang ginawa ko,” sabi ni Nunay na kakamut-kamot pa sa ulo.

Nagising din ang kapatid nitong si Lira na nainis din sa biglang pangangati ng ilong na ang may kagagawan ay ang pilyang si Nunay.

“Sino bang pumitik sa ilong ko? Naku, baka itong kapatid naming hilaw na si Thalia, ah! Teka, humanda ang babaeng ‘yan sa akin!” sambit ng dalaga at bumangon sa kama.

Napahawak sa bibig niya si Nunay na biglang nagsisi sa ginawa niya.

“Naku, lagot na! Napahamak ko pa yata ang kaibigan ko,” inis nitong wika sa sarili.

Pinuntahan ng magkapatid si Thalia sa labas ng bahay. Naabutan nila itong naglalaba pa rin.

“Aba, nagising na kami’t lahat ay hindi ka pa rin tapos diyan? Ano, nilabhan mo na ba ‘yung damit na susuotin ko mamaya sa party?” tanong ni Lucile.

“Hoy, babae! Ikaw ba ‘yung pumitik sa ilong ko? Kita mong natutulog ako, eh, gusto mong ingudngod kong mukha mo riyan sa nilalabhan mo ha?” singhal ni Lira.

“Ano? May pumitik din sa ilong mo?” gulat na taong ni Lucile sa kapatid.

“Oo. Kainis nga, eh, ang ganda pa naman ng panaginip ko pero biglang nasira dahil sa kung sino man ang pumitik sa ilong ko!” sagot ni Lira.

At muling binalingan ng dalawa si Thalia.

“Ikaw siguro ang may gawa niyon sa amin, ano? Gumaganti ka ba?” paangil na tanong ni Lucile sa dalaga.

“W-wala akong alam sa sinasabi ninyo. Kanina pa ako naglalaba rito. Hinding-hindi ko magagawa iyon sa inyo,” pagtanggi ni Thalia.

Hindi naniwala ang magkapatid.

“Lokohin mo lelang mo! Ang sabihin mo’y ginagantihan mo kami dahil hindi ka namin tinutulungan sa mga gawaing bahay! Wala ka nang magagawa dahil habang buhay ka na naming alipin! Kahit kailan ay hindi naman kami minahal ng tatay mo, ikaw pa rin ang paborito niya hanggang sa pumanaw siya. Mabuti nga at sumunod na rin siya sa nanay mo sa kabilang buhay, tutal, wala naman silang kuwenta! Ngayong wala ka nang tagapagtanggol ay tanggapin mo na sa sarili mo na mutsatsa ka na lang namin!” sigaw ni Lira saka hinila ang buhok ni Thalia at isinubsob ito sa timbang may tubig.

Nagtawanan ang magkapatid sa ginawa nila sa kaawa-awang dalaga.

Ngunit hindi natinag si Thalia. Ni hindi gumanti sa ginawa ng mga itinuring niyang mga kapatid kahit hindi sila magkadugo. Iniiyak lang niya ang sama ng loob na nararamdaman.

“Sa susunod ay hindi lang ‘yan ang aabutin mo! Hala, tapusin mo na ‘yan at mamamalantsa’t magluluto ka pa ng pagkain namin! Kapag hindi mo ‘yan natapos sa takdang oras ay isusumbong ka namin kay mama para maparusahan ka!” hirit pa ni Lucile.

Ang lahat ng iyon ay nakita ni Nunay. Sobra itong nahabag sa kalagayan ng kaibigan.

“Hay… kailan kaya matatapos ang paghihirap kong ito? Sana ay isinama niyo na lang ako, ‘nay, ‘tay diyan sa langit kasi nakakapagod na po,” sambit ni Thalia na patuloy pa rin sa paghikbi.

“Huwag kang mag-alala, kaibigan… malapit nang matapos ang mga paghihirap mo,” wika ni Nunay.

Nang matapos ang paglalaba ay magluluto na si Thalia para makapamalantsa na para sa gagamiting damit ni Lucile sa party.

“Bibilisan ko ang pagluluto at hahagurin ko pa ang damit ni Lucile,” wika pa ng dalaga sa isip.

Pagpunta niya sa kusina ay laking gulat niya nang may makita siyang malaking palayok.

“H-huh! A-ano ito?!”

Nang tingnan niya ang loob niyon ay muntik na siyang mapatili dahil…

“Diyos ko! G-ginto! Mga gintong barya ang nasa loob ng palayok!” aniya.

Nang biglang lumitaw sa harap niya ang isang lambana – isang maliit na diwata.

“Para sa iyo ang lahat ng iyan, aking kaibigan,” wika nito.

Halos himat*yin sa takot si Thalia sa biglang pagsulpot ng kakaibang nilalang ngunit bago pa siya nakasigaw ay…

“Huwag kang matakot, Thalia. Hindi ako masamang nilalang. Ako ang lambanang si Nunay. Matagal na kitang sinusubaybayan. Malaki ang utang na loob ko sa iyo dahil nang minsang magsiga ang madrasta mo sa inyong bakuran ay naabot ng apoy ang tinitirhan kong halaman. Biglang lumaki ang apoy at muntik na masunog ang aking tirahan. Mabuti na lamang at dumating ka at agad mong pinat*y ang apoy. Mula noon ay itinuring na kitang kaibigan at nangako na balang araw ay gagantimpalaan kita sa iyong ginawa at ngayon na ang araw na iyon, Thalia. Ang mga gintong iyan ang handog ko sa iyo para mabago na ang takbo ng iyong buhay. Hinding-hindi ka na pahihirapan ng salbahe mong madrasta at mga anak niya! Gamitin mo ang mga ‘yan sa mabuti, ha?” bunyag ng diwata.

‘Yun lang at biglang naglaho si Nunay.

Hindi pa rin makapaniwala si Thalia sa nangyari ngunit nagpapasalamat siya sa nakilalang kaibigan dahil mula sa araw na iyon ay nagbago nga ang buhay niya. Ang dating inaalila at inaapi ay biglang yaman. Umalis siya sa poder ng madrasta at bumili ng sariling bahay. Sinunod ni Thalia ang sinabi ni Nunay na gamitin sa mabuti ang ibinigay nitong handog sa kanya. Nang magkaroon ng masaganang buhay ay ibinahagi niya sa mga kapuspalad ang magandang kapalaran na mayroon siya. Patuloy pa rin siyang ginagabayan ni Nunay kahit hindi na ito muling nagpakita sa kanya.

Samantala, laking inggit naman ni Lodina at mga anak nito sa suwerteng dumating sa kanya. Nalaman kasi ng tatlo na binigyan siya ng palayok na may ginto ng diwata kaya walang ginawa ang mga ito kundi maghapong nagtatrabaho sa kusina at umaasang….

“Sige, magtrabaho lang kayo riyan… baka lumitaw ang mahiwagang palayok ng diwata at mabahaginan din tayo ng suwerte!” sigaw ni Lodina sa mga anak.

“Oo, mama, upang yumaman din tayo tulad ni Thalia,” sagot ni Lucile sa ina habang nagluluto at naglilinis sa kusina.

“Pagbubutihan namin para bigyan din tayo ng ginto,” wika naman ni Lira na naglalaba sa lababo.

Wala silang kaalam-alam na kahit buong araw pa silang gumawa sa bahay ay walang palayok na may ginto ang lilitaw. Mapupudpod lang ang mga kamay nila sa kakatrabaho ngunit mananatili pa rin silang dukha at ‘di kailanman makakatikim ng suwerte dahil ang puhunan upang makamtan ito ay tunay na kasipagan at busilak na kalooban.

Advertisement