Habang Wala ang mga Amo ay Pinagmamalupitan ng Yaya ang Matandang Baldado; Hindi Pala Siya Uubra sa Asawa Nito
“Darling, bilisan mo naman at male-late na tayo sa opisina!” sigaw ni Neil na lumabas na sa kuwarto at hindi magkandaugaga sa pagkakabit ng neck tie.
“Yes, dear, matatapos na ako. Hintayin mo na ako sa kotse,” sagot ng asawang si Camila habang nagpapatuyo ng basang buhok gamit ang blower.
Nagmamadaling kinuha ng lalaki ang susi ng sasakyan sa ibabaw ng tokador at lumabas na ng bahay bitbit ang maleta. Nang masulyapan ang oras sa wristwatch na suot ay muling tinawag ang misis.
“Matagal pa ba ‘yan, darling? May meeting pa ako sa Eastwood!”
Pagkatapos makapag-ayos ng buhok at maglagay ng kaunting make up sa mukha ay lumabas na rin ng bahay si Camila na dala ang handbag at laptop.
“Okay na ako, dear. Tara na! Maaga rin ang pasok ko sa Makati,” sagot ng babae sa mister.
Ngunit may nakalimutang importante si Camila kaya bumalik siya sa loob para silipin ang matandang nakahiga sa isang kuwarto.
“Mama, alis na po kami ni Neil,” paalam niya sa ina na baldado na at hindi na nakakapagsalita dahil sa stroke ngunit nakakaintindi pa rin naman ito, nakakakita at nakakarinig.
Matapos halikan sa noo ang ina ay ibinilin na niya ito sa yaya.
“Louela, ikaw na ang bahala kay mama, ah? Gagabihin kami ng uwi ng kuya mo. Huwag mong kakalimutan na painumin siya ng gamot. Alam mo naman ang cell phone number namin kung sakaling magkaroon ng problema, okay?” bilin niya. “Alam kong ngayon ang unang araw mo rito sa amin, sana’y magustuhan mo rito. Hindi ka naman masyadong mahihirapan sa pag-aalaga kay mama, mabait siya at hindi bugnutin,” dagdag pa niya.
Nang biglang pumasok din sa kuwarto si Neil na nagpaalam din sa biyenan.
“Aalis na po kami, Mama Lerma. Si Louela na po muna ang mag-aasikaso sa inyo. Don’t worry ‘ma, mukhang mabait itong si Louela at mapagkakatiwalaan kaya panatag naman kami ni Camila na nasa mabuti kayong mga kamay habang wala kami,” sabi ng lalaki.
Si Louela ang bagong yaya na kinuha ng mag-asawa para sa ina ni Camila na nakaratay na. Walang ibang magbabantay dito sa tuwing pumapasok sila sa trabaho kaya naisipan nilang maghanap ng magbabantay at mag-aalaga sa matanda. Nagretiro na kasi ang dating yaya nito na umuwi na sa probinsya.
“Huwag po kayong mag-alala, ma’am, sir, ako po ang bahala sa kanya,” magalang na tugon ng yaya.
Nang tuluyang makaalis ang mag-asawa ay napangiti si Louela. Inilibot niya ang paningin sa buong kabahayan. Manghang-mangha ang babae dahil ngayon lang siya nakapagtrabaho sa may kayang pamilya.
Agad siyang pumunta sa kusina para maghanap ng makakain. Binuksan niya ang ref at kumuha ng ice cream na nasa loob niyon. May nakita rin siyang mga sitsirya at mamon na tinangay din niya papunta sa sala. Sabik niyang binuksan ang aircon at prenteng umupo sa sofa na nakataas pa ang mga paa habang nanonood ng paborito niyang drama sa telebisyon.
Maya-maya ay narinig niyang pinatunog ng matanda ang kuliling na hawak na ang ibig sabihin ay may kailangan ito sa kanya.
Dahil hindi na nakakapagsalita si Mama Lerma ay pinatutunog na lang nito ang kuliling na ibinigay ni Camila na sa tuwing may gustong ipagawa o ipag-uutos ay gagamitin lang iyon para marinig ng yaya.
“Buwisit naman itong matandang ‘to!” inis na sambit ni Louela na tumayo sa pagkakaupo at pinuntahan si Mama Lerma sa loob ng kuwarto nito.
“Istorbo kang matanda ka!” singhal ni Louela habang nakatayo sa harap ng kama ng matanda at pinandidilatan pa ito ng mata.
Pilit na pinapatunog ni Mama Lerma ang hawak na kuliling na tanda na nauuhaw ito at gustong uminom ng tubig. Tinuro nito ang pitsel na nakapatong sa maliit na mesa.
Imbes na sundin ang utos ay minura ni Louela ang matanda.
“P*tang i*a kang matanda ka! Kay aga-aga uutusan mo ako? Manigas ka riyan! Tatapusin ko muna ang panonood ng sinusubaybayan kong drama bago kita sundin!” sigaw niya sa matanda.
Hindi tumigil si Mama Lerma sa pagpapatunog ng kuliling hangga’t hindi niya ito sinusunod. Uhaw na uhaw na kasi ito. Halata sa mukha ng matanda na tuyot na ang lalamunan nito na nangangailan nang masayaran ng likido.
Sa sobrang inis ay pinaghahampas ng unan ng babae ang matanda.
“Hindi ka titigil? Um! Um!” walang awang pinagmalupitan niya ang baldadong ina ng kanyang amo.
Dahil sa nakaramdam ng pananakit ng katawan sa paghampas sa kanya ng yaya ay itinigil ni Mama Lerma ang pagpapatunog sa kuliling at nanahimik na lang. ‘Di rin nito napigilang maluha sa ginawa sa kanya ng bagong yaya.
“Edi tumigil ka rin! Gusto mo pa ang nasasaktan, eh!” sambit pa ni Louela.
Nang biglang may narinig siyang sumigaw sa labas ng kuwarto.
“Huwag mong saktan ang asawa ko!”
Natigilan ang babae sa narinig niya. ‘Di siya maaaring magkamali, boses iyon ng isang matandang lalaki.
Lumabas siya sa kuwarto ni Mama Lerma para tingnan kung sino ang nagmamay-ari ng boses at laking gulat niya nang makita ang isang matandang lalaking naka-upo sa wheelchair na masama ang tingin sa kanya.
“Aba, ‘di naman sinabi ng mag-asawang iyon na may isa pang matandang alagain dito. Ayon sa pinirmahan kong kontrata ay ang matandang hukluban lang na iyon ang aalagaan ko, ‘yun pala ay may isa pa? At asawa pala ng matandang babae ang isang ito,” nagtatakang bulong ni Louela sa isip.
Kahit sinigawan siya ng matandang lalaki ay hindi siya natakot at sinigawan din ito.
“O, eh ano naman ang pakialam mo kung sinasaktan ko ang asawa mo, aber? May magagawa ka ba, tanda? Ni hindi ka nga makatayo riyan sa kinauupuan mo! Huwag mo akong sisigawan ha? Baka gusto mong pagbuhulin ko pa kayong mag-asawa! Tandaan ninyo na wala kayong ibang kasama rito, madali ko kayong mapap*t@y!” buong tapang niyang pagbabanta sa matanda.
Hindi naalis ang matapang na tingin nito sa kanya kahit pa tinakot na niya ito. Maya-maya ay pinagalaw nito ang gulong ng wheelchair at tahimik na pumasok sa kabilang kuwarto.
Napabungisngis si Louela. Nagtagumpay siya sa pananakot sa matanda.
“Wala rin palang silbi ang isang ‘yon, hanggang sigaw lang,” bulong niya sa sarili.
Isang linggong ganoon ang eksena sa bahay na iyon. Nag-aastang mayaman ang bagong yaya kapag wala ang mga amo. Wala ring tigil ang kalupitan nito sa ina ni Camila na halos hindi na pinapakain at nililinisan kaya mas lalong nanghihina ang katawan ng matandang babae at namamaho na ito sa higaan. Ilang araw naman niyang hindi nakikitang lumalabas ng kuwarto ang asawa ni Mama Lerma, sa isip niya ay baka natakot talaga ito sa pagbabanta niya. Hindi na niya inusisa pa sa mga amo ang tungkol sa asawa ng matandang babae, kung bakit nakahiwalay ito ng kuwarto at hindi nito kasama ang asawa. Wala na siyang pakialam doon, baka kapag sinabi pa niya sa mga amo ay baka magsumbong pa ang matandang lalaki sa mga ito kaya hinayaan na lang niya. Walang ibang inaatupag si Louela sa bahay kundi ang manood ng telebisyon, humilata, magselpon, matulog, kumain, at magpabandying-bandying. Kung minsan ay pumapasok din ito sa kuwarto ng mag-asawa at kumukupit ng pera. Isang araw ay kumuha rin ito ng mga alahas na pagmamay-ari ni Camila. Tiba-tiba nga naman siya, buhay reyna na siya, eh, nakakapagnakaw pa.
Isang gabi, habang abala siya sa paggamit ng selpon dahil nga may internet at wifi sa malaking bahay ay narinig na naman niyang pinatunog ni Mama Lerma ang kuliling.
Padabog niya itong pinuntahan sa kuwarto at pinagsasampal sa mukha.
“Ang ingay mong matanda ka! Itigil mo nga ‘yan! Um! um!”
Hindi tinigilan ni Loulea ang pananakit sa matanda hangga’t hindi ito tumitigil sa pagpapatunog ng kuliling. ‘Di niya namalayan na biglang bumukas ang pinto ng kuwarto at pumasok ang matandang lalaki.
“Huwag mong saktan ang asawa ko!” sigaw nito sa kanya.
Hindi rin niya inasahan ang sumunod nitong ginawa. Tumayo ito sa kinauupuang wheelchair at sinugod siya. Pinaghahampas siya nito at sinakal siya sa leeg.
Nahintakutan si Louela, ‘di niya akalaing napakalakas nito.
Samantala, sa labas ay huminto ang kotse at bumaba na ang mag-asawang Camila at Neil. Sa pagpasok pa lang nila sa loob ng bahay ay dinig na dinig na nila ang malakas na sigaw ni Louela.
“S-si Louela ‘yon ah!” gulat na sambit ni Camila.
“Halika, puntahan natin!” sagot naman ng mister.
Sa pangamba na baka may kung anong masamang nangyayari ay nagmamadali nilang tinungo ang kuwarto ni Mama Lerma. Ilang hakbang na lang at nasa loob na sila ng kuwarto ng matanda ngunit biglang lumabas si Louela na nagsisisigaw at takot na takot.
Nahimasmasan lamang ito nang makita sila. Inayos ng babae ang sarili, hindi maaaring siya ang maging masama sa paningin ng mga amo kaya isinisi niya ang kaguluhan sa matandang lalaki.
“Ma’am, sinaktan po ako ng asawa ng mama niyo! Pinaghahampas po niya ako at sinakal pa! Wala naman po akong ginagawang masama, eh, basta bigla na lang pong nanakit ‘yong matandang lalaki sa kabilang kuwarto!” sumbong ng babae.
Nagkatinginan ang mag-asawa. Litong-lito sa sinabi niya.
“S-sinong matandang lalaki? A-asawa ni mama?” nagtatakang tanong ni Camila.
“O-opo, ‘yung matandang lalaki na palaging nagkukulong sa kuwartong iyon! Asawa raw po siya ng mama niyo, sinaktan po niya ako, nakakatakot po siya!” wika pa ni Louela sabay turo sa kuwartong nasa dulo ng pasilyo.
“Imposible na magkaroon ng tao doon, Louela, dahil matagal ng bakante ang kuwartong iyon. At sinong matanda ang sinasabi mong nanakit sa iyo?”
“Yun pong matanda na matangkad, kalbo at singkit ang mga mata. ‘Yung pong palaging nakasuot ng kulay puting polo shirt at nakaupo sa wheelchair,” tugon ng babae.
Nangilabot si Camila sa sinabi ni Louela. Kilala niya ang tinutukoy ng yaya, pero imposible talaga na sinaktan ito ng matandang tinutukoy nito.
“Hindi maaari na nakita mo ang matandang lalaking sinasabi mo at imposibleng sinaktan ka niya dahil ang tinutukoy mo ay ang aking amang si Papa Osvaldo na limang taon nang namayapa. Ang kuwartong tinuturo mo kung nasaan siya ay ang kuwarto kung saan siya binawian ng buhay noon. Matangkad si papa, kalbo at singkit ang mga mata. Paborito niyang magsuot noon ng kulay puting polo shirt at palagi siyang nakaupo sa wheelchair dahil gaya ni mama ay baldado na rin siya,” hayag ni Camila.
Nanlaki ang mga mata ni Louela sa ibinunyag ng among babae.
“M-multo, multo ang nakita ko at nanakit sa akin?!” gulat na sambit ng babae na mas lalong kinilabutan dahil nakita niyang muli ang matandang lalaki na nakatayo sa kuwarto nito. Nanlilisik ang mga mata na titig na titig sa kanya at akmang sasakalin siya uli.
Sa matinding takot ay nagsisigaw na naman ang babae at nagtatakbo palabas ng bahay.
Sa pag-alis ng yaya ay tila may kung anong bumulong sa mag-asawa na tingnan ang CCTV. Walang kamalay-malay si Louela na may CCTV sa loob ng bahay kaya kitang-kita ng dalawa ang lahat ng ginagawa niya habang wala ang mga ito. Huling-huli ang pagpi-feeling donya ng babae sa tuwing nasa opisina ang mga amo, ang pananakit nito kay Mama Lerma at ang pagnanakaw nito ng pera at mga alahas. Ang mas ikinagimbal nila ay ang eksenang sinasaktan ng yaya ang sarili sa loob ng kuwarto ng ina ni Camila. Pinaghahahampas at sinasakal ng babae ang sarili sa napanood nilang kuha sa CCTV. Tinanong nila si Mama Lerma kung ano ang totoong nangyari ngunit nanindig ang mga balahibo nila nang ituro ng matanda ang maliit na picture frame sa ibabaw ng side table. Litrato iyon ng asawa nitong si Osvaldo.
Napagtanto ng mag-asawa na marahil ay sadyang nagpakita ang kaluluwa ng yumaong ama ni Camila sa abusadong yaya para isiwalat ang mga kabuktutan nito. Nagpasalamat sila at ipinagdasal ang namayapang ama dahil tinulungan sila nitong lumabas ang katotohanan.
Makalipas ang isang linggo, nabalitaan na lang nila na ipinasok sa mental institution si Louela. Tuluyan nang nawala sa katinuan ang babae. Sa tingin nila ay bunga iyon ng matinding takot na pinagdaanan nito sa kamay ng matandang multo. Sa pamamagitan niyon ay napagbayaran na ni Louela ang mga kasamaang ginawa nito sa kanila.
Dahil sa nangyari ay mas minahal at inalagaan ng mag-asawa si Mama Lerma. Hindi na nila hahayaan na masaktan pa ito ng mapagsamantalang taong tulad ni Louela.
Kahit nasa kabilang buhay na ay patuloy pa rin palang binabantayan ng ama ni Camila ang kanyang ina na patunay na kahit wala na ito sa mundong ibabaw ay hindi nagmamaliw ang pagmamahal nito sa asawa.