Istrikto sa Dalagang Anak ang Amang Ito, Pati Selpon Nito ay Kaniyang Inuusisa na Kinagagalit Nito
“Amari, bakit ngayon ka lang umuwi? Hindi ba’t sabi ko sa’yo hanggang alas siyete ka lang ng gabi? Hindi ka ba talaga makikinig sa akin, ha?” galit na salubong ni Reynard sa kaniyang nag-iisang anak, isang gabi nang umuwi ito galing sa bahay ng kaklase.
“Pasensya na po, daddy, hindi po kasi namin agad natapos ‘yong ginagawa naming proyekto. Bukas na po kasi ang pasahan no’n kaya tinapos na po namin,” magalang na tugon nito habang hinuhubad ang kaniyang sapatos.
“Proyekto na naman? Wala ka bang ibang alam na palusot kung hindi ang paggawa ng proyekto? Akin na nga ang selpon mo! Para malaman ko ang ginagawa mong kalokohan!” sigaw niya rito dahilan para magulantang ito.
“Daddy, totoo naman po, eh. Hindi mo na kailangang tingnan nang tingnan ang selpon ko dahil wala naman po akong maling ginagawa! Bigyan niyo naman po ako ng privacy!” sagot nito na talaga nga namang lalo niyang ikinainis.
“Privacy? Tatay mo ako! Dapat alam ko ang laman ng selpon mo araw-araw para magabayan kita nang mabuti! Akin na ‘yan!” sabi niya pa saka sapilitang kinuha ang selpon nito, “Kapag may nakita akong hindi kaaya-aya rito, ipapa-home school na lang kita at tatanggalan ng selpon!” pagbabanta niya pa rito saka agad na sinilid sa kaniyang bulsa ang selpon ng anak.
Sobrang istrikto ng padre de pamilyang si Reynard sa nag-iisa niyang anak. Bukod sa ayaw niyang palagi itong nasa labas kasama ang mga kaibigan nito nang walang importanteng dahilan, ayaw niya ring umuuwi ito ng gabi kahit pa mahalaga naman ang ginagawa nito.
Palagi niya ring inuusisa ang selpon nito na talaga nga namang ikinaiinis ng kaniyang anak dahilan para imbis na lumapit ang loob nito sa kaniya habang tumatanda ito, lalo pang lumalayo ang loob nito sa kaniya.
Nang gabing iyon, sa sobrang inis niya sa pag-uwi nito ng gabi, matapos niya itong sermunan, agad niyang inusisa ang selpon nito.
Binasa niya ang mga usapan sa selpon nito, binuksan niya ang mga social media nito, at tiningnan ang call history. Nang wala siyang makitang kakaiba o dapat ikagalit, naisip niyang baka sa ibang paraan gumagawa ng kalokohan ang kaniyang anak.
Kaya naman, pati laptop nito, kinuha niya rin noong gabing iyon. Ngunit bago niya pa ito mabuksan at mausisa, siya’y biglang nakatanggap ng tawag mula sa matalik niyang kaibigan at siya’y niyaya nitong mag-inom at dahil nga stressed siya sa kaniyang anak, siya’y agad na pumayag.
Labis siyang nabigla nang makitang kasama ng kaniyang kumpare ang anak nitong dalaga na kasing edad ng kaniyang anak. Habang sila’y nag-iinom, kumakanta lang ito sa videoke sa tabi nila habang umiinom ng fruit shake at namamapak ng kanilang pulutan.
Doon siya labis na nagtaka kung paano nagagawa ng kaniyang kumpare na maging malapit sa anak dahilan para kaniyang tanungin kung anong sikreto nito.
Sabi nito, “Hinahayaan ko lang siyang gawin ang gusto niya basta, magpapaalam siya sa akin, hinahayaan ko rin siyang sabihin sa akin kung anong nararamdaman niya at higit sa lahat, hinding-hindi ko inuusisa o hinahawakan man lang ang selpon niya. Ang mga kabataan kasi ngayon, gabay ang kailangan nila, hindi ang paghihigpit mula sa magulang. Mapupusok sila dahil sa social media pero kapag may tamang gabay, panigurado, lalalim ang relasyon niyo kagaya sa amin ng anak ko,” na labis niyang ikinagulat dahil kabaligtaran ng mga sinabi nito ang kaniyang ginagawa.
“Kaya pala ganoon na lang kalayo ang loob ng anak ko sa akin,” bulong niya sa sarili.
Nang gabi ring iyon, pagkauwing-pagkauwi niya, agad niyang sinauli sa anak niyang mahimbing na ang tulog ang laptop at selpon nito.
Humingi rin siya ng tawad sa paraan ng pagpapalaking ginagawa niya na talaga nga namang nakakasakal na nang bigla itong naalimpungatan. “Hayaan mong bumawi si daddy, ha?” sabi niya pa rito na labis nitong ikinaiyak sa tuwa. Simula noon, unti-unti niyang binigyan ng kalayaan at privacy ang kaniyang anak. Sinimulan niya rin itong pagkatiwalaan sa mga nais nitong gawain na naging dahilan ng paglapit ng loob nito sa kaniya.
Kada uwi pa nito galing paaralan o galaan kasama ang mga kaibigan, palagi siyang nagpapakwento rito kung ano’ng nangyari, kung masaya ba ito, o kung may kailangan siyang malaman. Sa ganoong paraan, biglang nagbago ang anak niya at mas napalapit pa ito sa kaniya.
“Tamang pamamaraan nga ng paggabay ang kailangan, hindi matinding paghihigpit,” sabi niya sa sarili nang mapansin ang sayang mayroon ang anak na ngayon niya lamang nakita.
Laking pasasalamat niya sa kaniyang kumpare na nagbahagi ng sikreto kung paano nito napapalaki nang maayos ang anak nito.