Isang Ina ang Napilitang Mamalimos sa Kalsada Upang Siya ay Makakain; Anak Niyang OFW, Walang Alam sa Nangyayari!
Kilalang-kilala si Aling Pasita sa lugar na iyon, dahil halos araw-araw ay kinakailangan niyang mamalimos upang magkaroon lang ng laman ang kaniyang tiyan, gayong hindi naman lingid sa kaalaman ng marami na ang nag-iisa niyang anak ay OFW sa ibang bansa.
Isang araw, dala ng awa ay hindi na napigilan pang makialam ng isa sa kanilang mga kapitbahay at kinausap nito si Gemma, ang anak ni Aling Pasita, upang ipaalam dito kung ano ang tunay na kalagayan ng kaniyang ina…
“Hello, Tanya? Ano ’yong gusto mong sabihin?” tanong ni Gemma sa kapitbahay nila nang matanggap niya ang mensahe nito na nais daw siya nitong makausap tungkol sa kaniyang ina.
“Hello, Gemma! Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Ang totoo ay ayaw naming makialam dahil natatakot kami sa kinakasama mo. Kilala kasi siyang lulong sa ipinagbabawal na gamot at makailang ulit nang pabalik-balik sa preso, sa tatlong taong pananatili mo riyan sa Saudi. Pero hindi lang ’yon, dahil tatlong taon na rin niyang ginugutom ang ’yong ina. Awang-awa na kami kay Aling Pasita, Gemma. Kinakailangan niya pang mamalimos para lang makakain siya sa araw-araw dahil pinababayaan siya ng asawa mo!” bulalas sa kaniya ni Tanya na bakas ang pinaghalong takot at pag-aalala para sa kaniyang ina.
Nabigla naman si Gemma sa narinig. Wala siyang kaalam-alam na ganito na pala ang sinasapit ng kaniyang ina sa kamay ng lalaking akala niya ay may mabuting kalooban. Matagal din naman kasi niyang nakasama si Anthony at naging maayos naman ang trato nito sa kaniyang ina noong naroon siya’t kasama pa ang mga ito. Ngunit talaga yatang hindi mo makikita ang tunay na ugali ng tao hanggang sa tapalan mo ito ng salapi!
Dahil doon ay agad na nagpaalam si Gemma sa kaniyang amo na siya ay uuwi ng Pinas upang i-rescue ang kaniyang ina sa kamay ng kaniyang kinakasama. Agad naman din siyang pinayagan nito at inabutan pa ng panggastos. Mabuti na lamang at suwerteng napakabuti rin ng among napuntahan ni Gemma sa ibang bansa at animo pamilya kung ituring siya nito.
Wasak ang puso at bagsak ang balikat niya nang sa wakas ay bumaba siya ng eroplano. Dala ang kaniyang maleta at ang mga pasalubong na inipon niya para sa kaniyang ina at umuwi siya sa kanilang tahanan para lang abutang, halos hindi na makagulapay pa ang kaniyang ina sa sobrang kapayatan nito! Mayroon ding mga pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan nito na halatang ito ay dumaranas ng pang-aabuso. Dahil doon ay abut-abot na galit ang naramdaman niya para kay Anthony na nang mga sandaling iyon ay wala sa bahay nila.
Halos maiyak ang kaniyang ina nang siya ay makilala at sa wakas ay nakakita ito ng pag-asa. Todo naman ang paghingi niya ng tawad sa sinapit nito at panay ang sisi niya sa kaniyang sarili.
“Huwag kang mag-alala, mama. Sisiguraduhin kong magbabayad ang taong gumawa nito sa ’yo! Hinding-hindi ako papayag na basta na lang siyang makaligtas sa ginawa niyang pang-aabuso sa inyo!” galit na turan niya na siya namang dating ng mga social workers at mga kawani ng barangay upang akayin sila.
Nang dumating si Anthony sa bahay ay nahulasan ang kalasingan nito nang bigla itong damputin ng mga pulis! Doon ay lumabas si Gemma mula sa loob ng kaniyang bahay at binigyan ng mag-asawang sampal ang lalaking nagpahirap at nanakit sa kaniyang ina!
“G-Gemma! M-magpapaliwanag ako, pakiusap!” halos hindi magkandatutong turan ng lalaki sa kaniya.
“Hindi na!” hiyaw naman ni Gemma pabalik. “Hindi ko kailangan ng paliwanag ng isang katulad mo! Magbabayad ka sa ginawa mo sa nanay ko! Sisiguraduhin kong mahihirapan ka sa magiging ganti ko!” galit na galit pang banta niya bago ito tuluyang bitbitin ng mga pulis.
Mahal na mahal ni Gemma si Anthony kaya ganoon na lang kalaki ang tiwala niya rito noon para iwan sa pangangalaga nito ang matanda at uugod-ugod na niyang ina. Hindi niya naman akalaing ganito pala ang gagawin nito, kaya naman labis talaga siyang nasaktan. Ngayon ay tila bigla na lamang nabura ang lahat ng pagmamahal niya rito dahil ano’t ano pa man ay hindi matutumbasan ng kahit na sino ang pagmamahal niya sa kaniyang ina.
Matapos mahatulan ni Anthony ay hindi na muling bumalik pa si Gemma sa ibang bansa. Minabuti na lamang niyang samahan ang kaniyang ina, at magnegosyo upang maging maayos pa rin ang kanilang buhay.