Nakiusap ang Bata sa Pulis na Palabasin ang Amang nasa Loob ng Piitan; Maaantig ang Puso Niya sa Malalamang Kwento Nila
Malakas ang palahaw ng batang iyon sa labas ng kanilang istasyon kaya naman nabulabog ang ilang pulis na naroon, kabilang na si Mariano. Dahil doon ay nagpasiya siyang puntahan ang batang nagsisisigaw sa labas upang kausapin ito.
Pagbungad pa lamang niya sa labas ay nakita niya na ang nakaaawang hitsura ng bata. Marungis ito at walang saplot sa paa. Kanina lang ay hinuli nila ang ama nito matapos itong maabutan ng kaniyang mga kabaro na hawak-hawak ang bag ng isang babae na nai-snatch, ’di kalayuan sa puwesto nito. Dahil doon ay agad naman nila itong hinuli at ibinilanggo.
“Bata, huwag ka nang umiyak. Kaya lang naman namin hinuli ang papa mo ay dahil may ginawa siyang masama. Hayaan mo at pagdating ng mama mo’y makakalaya rin siya,” pang-aao niya sa bata, ngunit lalong lumakas ang palahaw nito.
“E, wala naman po akong nanay. Si Tatay lang po ang kasama ko! Saka hindi naman po siya masama. Wala naman po kaming ginagawang masama, e! Naghahanap lang naman po kami ng pagkain sa basurahan kanina!” umiiyak pang paliwanag nito pagkatapos ay muling pumalahaw. “Palabasin n’yo na po ang tatay ko! Sabi po ni tatay, manunuod daw kami ng ilaw doon sa plaza kasi Pasko na mamaya! Please po, mamang pulis! Hindi naman po masama ang tatay ko, e!”
Napakamot sa ulo si Mariano. Hindi niya alam kung paano ipaliliwanag sa batang ito ang sitwasyon ng kaniyang ama upang tumigil na ito sa pag-iyak. Sinubukan niya na itong alukin ng candy o laruan ngunit wala pa rin iyong naging epekto.
Dahil doon ay naisip na lang ni Mariano na samahan ang batang iyon sa labas. Pagkatapos ay nagpasiya siyang pakinggan ang paliwanag nito.
“Ano ba kasing nangyari kanina at bakit napunta sa tatay mo ang bag noong ale?” tanong niya sa bata.
“Inihagis po sa amin noong dalawang lalaking nakamotorsiklo, habang naghahanap kami ng pagkain sa basurahan na pwede naming kainin habang nanunuod ng pailaw sa plaza. Hindi naman po kami ang kumuha noon. Akala lang po namin, ibinigay ’yon sa amin kaya binuksan namin ’yon. Kahit tingnan n’yo pa po doon sa camera sa overpass. Ang sabi po sa akin ni Aling Tessa, makikita raw po sa camera na ’yon lahat ng mangyayari sa may tapat ng basurahan kaya doon ako lagi pumupuwesto para hindi po ako pagbintangang nangunguha kapag nanlilimos ako,” mahabang paliwanag pa ng matalinong bata kay Mariano na agad namang nagpagulat sa kaniya. Ang tinutukoy nito ay ang CCTV na hindi nga naman sinubukang suriin ng kaniyang mga kabaro bago hulihin ang ama ng batang ito!
“Oo nga! Hayaan mo’t itse-tsek ko ang camera na ’yon, hija. Ano nga ba ang pangalan mo?” tanong pa niya sa naturang bata.
Pinahid muna nito ang luhang naglalandas sa mga pisngi nito bago siya sinagot. “Ako po si Daday at ang tatay ko naman po ay si Danilo,” sabi pa nito.
Wala nang inaksaya pang oras si Mariano at agad siyang nagtungo sa barangay hall na siyang may access sa naturang CCTV na sinasabi ng bata, at doon ay nakumpirma niyang totoo nga ang kwento nito! Dahil doon ay nagalit siya sa kaniyang mga kabaro at pinagsabihan ang mga ito.
“Muntik n’yo pang paghiwalayin itong mag-ama ngayong Pasko! Hindi na kayo naawa sa bata!” naiinis na sabi niya sa mga ito. Por que mga pulubi lamang sila ay ganito na silang tratuhin ng mga kabaro niya at talagang ikinaiinit iyon ngayon ng kaniyang ulo.
Pinalaya niya si Mang Danilo at noon din ay tuwang-tuwang niyakap ito ng batang si Daday. Pagkatapos ay binigyan niya rin sila ng kaunting pera upang may makain sila ngayong noche buena habang ang mga kabaro naman niyang nagkamali sa paghuli kay Mang Danilo ay nag-abot din ng tulong sa mga ito bilang pambawi. Inalok naman niya sina Mang Danilo at Daday na kasuhan ang kaniyang mga kabaro ngunit pinayuhan siya ng mga ito na huwag na at patawarin na lamang sila. Nangako naman ang mga kasamahan niya na hindi na iyon uulitin pa.
Masayang ipinagdiwang ng mag-ama ang Pasko nang sila’y magkasama. Salamat sa mabuting pulis na si Mariano na agad na tumulong sa kanila upang matupad ang balak nilang panunuod ng pailaw nang gabing iyon.