Inday TrendingInday Trending
Butas man ang Sapatos na Ginagamit ay Matiyaga pa ring Nagtatrabaho ang Isang Ama; Maiiyak Siya sa Handog na Surpresa ng Anak Niya

Butas man ang Sapatos na Ginagamit ay Matiyaga pa ring Nagtatrabaho ang Isang Ama; Maiiyak Siya sa Handog na Surpresa ng Anak Niya

“Tinapa, daing, tuyo!”

“Tinapa, daing, tuyo!”

Malakas ang mga paghiyaw na iyon ni Mang Arturo habang binabagtas ang pangatlong eskinitang nilusutan niya nang hapong iyon. Dala ang kaniyang basket na naglalaman ng kaniyang mga paninda, habang nakapatong ito sa kaniyang ulo ay matiyaga siyang naglalakad kahit pa ang totoo’y nadarama na ng kaniyang talampakan ang sementong kaniyang nilalakaran. Paano kasi ay butas na ang kaniyang sapatos. Sa katunayan ay tanging masking tape na lang ang nakatapal sa butas na suwelas nito. Nagtitiis siyang huwag bumili ng bago, dahil ngayon ay magpapasko at nais niyang unahin ang pagbili ng regalo para sa kaniyang mga anak, dahil alam niyang ikatutuwa nila iyon.

Mapagmahal, matiyaga at responsableng ama si Mang Arturo na talaga namang hinahangaan ng maraming nakakakilala sa kaniya at siyang ipinagmamalaki naman ng kaniyang mga anak, lalong-lalo na ng panganay niyang si Gilbert na ngayon ay nasa kolehiyo na.

“Manong, singkuwenta na lang ho itong dalawang balot. Huli naman na ito, e,” tawad ng isa sa mga suki ni Mang Arturo sa kaniya nang makitang iyon na ang huling tinapang tinda niya.

Agad namang pumayag si Mang Arturo. “Sige. Pauwi na rin naman ako,” sagot pa niya sabay abot sa kaniyang paninda.

Naglakad na ulit pauwi si Mang Arturo, ngunit hindi niya inaasahang habang siya ay naglalakad, ay mapipigtas din ang suwelas ng kaniyang sapatos. Ang buong suwelas na kanina ay butas lamang, ngayon ay tuluyan nang humiwalay at ngumanga sa ibabaw na bahagi ang sapin niya sa paa!

Napapalatak si Mang Arturo at napasapo sa kaniyang noo. Paano na siya uuwi ngayong pigtas na ang kaniyang sapatos? Bukas ay siguradong magtitiis din siyang mapaltos ang mga paa kapag tsinelas na pandesipit ang ginamit niya sa paglalako. Naiiling na lamang niyang kinuha ang baon niyang masking tape at binalutan ang buong paa niya upang kumapit muli ang suwelas ng kaniyang sapatos.

Nanlulumo si Mang Arturo nang siya’y pumasok ng kanilang bahay, ngunit nagtaka pa siya nang abutan niyang walang bukas na ilaw ang kanilang tahanan. Tila walang tao. Dahil doon ay kakapa-kapa niyang binuhay ang mga ilaw, ngunit napaigtad siya sa gulat nang tumambad sa kaniya ang buo niyang pamilya habang may hawak na mga lobo, cake at mga regalo!

“Maligayang kaarawan, papa!” hiyaw ng mga ito na agad namang nakapagbigay ng magandang ngiti sa labi ni Mang Arturo.

“Anong happy birthday? Noong isang buwan pa natapos ang kaarawan ko, hindi ba?” ngunit kakamot-kamot sa ulong tanong niya sa kanila.

“Ngayon na lang natin i-celebrate, papa. Tutal ay may pera si kuya,” malawak ang ngiting sagot naman ng kaniyang ikalawang anak.

Agad siyang bumaling sa panganay na si Gilbert at nagtanong. “Salamat, anak, pero sana hindi ka na nag-abala pa. Makasama ko lang kayo ay sapat na sa akin. Saan mo ba nakuha ang ginastos mo rito? Mukhang malaki-laki ang nagamit mo para sa surpresang ito.”

Biglang ngumisi nang malawak ang panganay niyang si Gilbert. “Papa, huwag ho kayong mag-alala. Marami pa ho tayong pera,” sabi nito na hindi pa man natatapos sa sasabihin ay agad nang nagsimulang mamuo ang luha mula sa mga mata. Ganoon din ang iba pang miyembro ng kanilang pamilya kaya naman lalong nagtaka ang butihing si Mang Arturo.

“Papa, hindi n’yo na kakailanganing magtrabaho nang mabigat simula bukas, dahil ako na ho ang bahala sa inyo…” Iniabot ng kaniyang anak sa kaniya mismong palad ang medalya at diploma nito, pati na rin ang isang kontratang nagsasabing natanggap ito sa isang magandang kompaniya at ngayon ay may maganda nang trabaho!

Ang buong akala ni Mang Arturo ay doon na natatapos ang surpresa ng anak para sa kaniya, kaya naman nagtatalon na siya sa tuwa at naghihiyaw.

“May anak na akong propesyonal! May anak na akong propesyonal!” masayang-masayang sabi ng mabait na ama, ngunit maya-maya ay pinigil siya ng kaniyang panganay,

“Pero hindi pa po diyan nagtatapos ang lahat,” sabi nito.

“Dahil papa, napanalunan ko po ang jackpot price sa lotto! Milyonaryo na po tayo!” pagsisiwalat pa nito sabay abot sa kaniya ng tsekeng nagkakahalaga ng limang milyong pisong jackpot price na napanalunan nito sa lotto!

Doon ay tuluyan nang napahagulhol si Mang Arturo sa tuwa. Hindi niya akalaing ganito ang uuwian niyang saya nang araw na iyon. Dahil doon ay wala na siyang ibang nasambit pa kundi, “Salamat po, Diyos ko!” bago sila nagyakap-yakap na magkakapamilya!

Advertisement