Inday TrendingInday Trending
Hindi Matanggap ng Inang Ito ang Ipinagbubuntis ng Kaniyang Anak na Biktima ng Pananamantala; Ito pala ang Maghahatid ng Swerte sa Kanila

Hindi Matanggap ng Inang Ito ang Ipinagbubuntis ng Kaniyang Anak na Biktima ng Pananamantala; Ito pala ang Maghahatid ng Swerte sa Kanila

Nanlumo si Aling Marieta matapos ipakita sa kaniya ng kaniyang anak na si Alonica ang resulta ng pregnancy test na isinagawa nito. Lumabas kasi iyong positibo. Dahil doon ay bumagsak ang kaniyang balikat at paluhod na lamang siyang napahagulhol sa harapan ng kaniyang anak na dalaga, dahil hindi niya matanggap ang nangyari dito.

Si Alonica ay biktima ng pananamantala ng isa sa mga kabarkada nitong nakasama nito minsan sa dinaluhang kasiyahan. Mabait namang dalaga si Alonica at nagkataon lang na noon ay dumalo ito sa kaarawan ng kanyang kaibigan. Wala namang mag-aakala na dahil sa pagdalo nitong iyon ay mapupusuan itong gawan ng masama ng kaibigan pa man din nito, na nang mga sandaling iyon pala ay lango sa alak at ipinagbabawal na gamot.

Napaiyak na lamang din si Alonica. Mabilis naman nilang naipahuli ang gumawa nito sa kaniya, ngunit hindi niya akalaing magbubunga pala ang pananamantalang iyon. Dalawang linggo na niyang nararamdaman ang mga senyales na siya ay nagdadalang tao kaya naman ngayon ay naisipan na niyang magsagawa ng pregnancy test at nalaman nilang kompirmado ngang buntis siya.

“Sira na ang buhay mo, anak! Napakarami ko pang pangarap para sa ’yo!” umiiyak na sabi sa kaniya ng kaniyang ina na agad naman niyang inalo.

“Wala na akong magagawa, mama. Nandito na ito,” lakas loob namang sagot niya, ngunit mariin ang naging pag-iling nito.

“Hindi! Anak, may isa pang paraan para makawala tayo sa bangungot na ’yan. May kilala akong kumadronang may alam kung paano natin aalisin ang batang ’yan sa sinapupunan mo!” tila hindi nag-iisip na sabi pa ng kaniyang ina na ikinapanlaki ng mga mata ni Alonica.

“Mama! Walang kasalanan ang anak ko sa kasalanan ng kaniyang ama! Kahit pa hindi ko ginusto ito, anak ko pa rin ito! Apo n’yo!” galit na sigaw niya na tila nakapagpabalik naman sa katinuan ng kaniyang ina.

Bigla itong natahimik. Nawalan ng kulay ang mukha. Tila ngayon ay naisip na nitong mali ang kaniyang sinabi at ngayon ay humingi ng tawad sa anak.

Itinuloy ni Alonica ang kaniyang pagbubuntis, kasabay ng kaniyang pag-aaral. Simula nang mabuo ang supling na iyon sa sinapupunan ni Alonica, kailan man ay hindi na siya nakaramdam pa ng lungkot sa nangyari sa kaniya. Lahat ng kaniyang atensyon ay napunta na lamang sa bata, hindi pa man niya ito nailalabas.

Bukod doon ay kapansin-pansin din ang tila bigla na lamang pagganda ng buhay nila ng kaniyang ina. Kung dati ay isang kahig, isang tuka lamang sila, ngayon ay tila maganda na ang pasok sa kanila ng pera! Lalo na nang mag-umpisa si Alonica ng negosyo na mabilis ding lumago at nakilala!

Maayos ang naging panganganak ni Alonica sa isang napakagandang sanggol na babaeng pinangalanan niyang “Mila” o Milagros, na buo nitong pangalan. Sa tulong ng kaniyang ina ay maayos naman ang naging pagsilang niya rito dahil hindi siya iniwan nito.

“Napakaganda ng apo ko. Hindi ko maisip na nagawa ko siyang pag-isipan noon ng masama dahil sa sobrang sama ng loob ko,” ani Aling Marieta sa anak habang nakatitig sa kaniyang apo na ang mga mata niya’y puno ng pagmamahal.

“Sinabi mo pa, mama. Hindi ako nagkamaling dalhin siya sa mundong ito,” sagot naman ng anak niyang si Alonica.

“Simula nang dumating sa atin ang apo kong ’yan ay gumaan ang buhay natin. Siguro, iyon ang paraan ng Diyos upang pagpalain ka, anak, para sa pagiging matapang mong harapin ang nangyari sa ’yo at ang pagmamahal mo sa ’yong supling kahit pa bunga ito ng isang hindi magandang karanasan. Nawa’y patnubayan kayo ng Diyos at sana ay mapatawad niya ako sa lahat ng nasabi ko sa aking apo,” naluluha namang sabi pa ni Aling Marieta na agad namang pinunasan ni Alonica.

“Huwag mong masiyadong isipin ’yon, mama. Ikaw ang dahilan kung bakit tumanda akong may paninindigan, kaya naman utang ko pa rin sa ’yo kung bakit nakaya kong lahat ng iyon. Ngayon ay sigurado akong lalaki rin nang ganoon si Mila, dahil mananatili ka sa tabi naming dalawa,” sagot naman ni Alonica bago nila tinapos ang usapang iyon sa pamamagitan ng isang mahigpit at mainit na yakap.

Mula noon ay lalo pang gumanda ang buhay ng mag-ina, at napalaki nila nang maayos ang anak ni Alonica na si Mila.

Advertisement