Mga Batang Pulubi, Nakapulot at Nagsauli ng Wallet; Pangingitiin Sila ng May-ari Nito sa Pamamagitan ng Isang Malaking Surpresa
Naglalakad sa kalsada nang hapong iyon ang tatlong magkakaibigang sina Jojo, siyam na taong gulang, Anji, walong taong gulang at Kenneth, sampung taong gulang, at naghahanda para sa gagawin nilang pangangaroling. Ilang araw na kasi nila itong ginagawa upang makaipon man lang ng kahit kaunting perang pambili ng tinapay, inumin at kapirasong kesong magsisilbi nilang pang-noche buena.
Magkakapitbahay ang tatlong ito. Pare-pareho silang nakatira sa ilalim ng tulay kasama ang kani-kaniya nilang pamilya, ngunit magkaganoon pa man ay kilalang mababait at mabubuting bata ang tatlong ito. Nagsisikap silang mag-aral, sa kabila ng kasalatan nila sa buhay at bukod doon ay tumutulong din sila sa kanilang mga magulang sa pamamagitan ng pangangalakal upang kahit papaano ay makadagdag sila sa panggastos nila sa araw-araw.
Bagama’t palaging walang laman ang kanilang mga sikmura, kailanman ay hindi sila nag-isip na gumawa ng masama sa kanilang kapwa. Iyon ang mahigpit na bilin ng kanilang mga magulang. Ayon sa mga ito ay wala man silang maipamanang kayamanan sa kanila ay gusto nilang mag-iwan ng magandang asal sa mga ito. Bagay na hindi mananakaw ng kahit sino, maliban sa edukasyon.
“Uy, tingnan n’yo, nahulog ’yong wallet n’ong mama!” maya-maya’y hiyaw ni Anji sa kaniyang mga kaibigan habang nasa kalagitnaan sila ng pag-eensayo ng mga aawitin nila mamaya sa pangangaroling.
“Hala, oo nga! Tara, pulutin natin!” sabi naman ng pinakamatanda sa kanilang si Kenneth bago sila sabay-sabay na tumakbo patungo sa pinaghulugan ng nasabing pitaka.
“Isauli natin, Kuya Kenneth. Baka kailangan ’yan noong mama,” matapos nilang pulutin ay sabi naman ni Jojo na agad namang sinang-ayunan ng kaniyang mga kasama.
Hindi pa naman gaanong nakalalayo ang lalaking nagmamay-ari ng naturang pitaka kaya naman hinabol ito ng tatlo, hanggang sa maabutan nila ito nang huminto ito sa isang parking lot.
“Manong, nahulog po itong wallet n’yo, o!” Iniabot ni Anji ang pitaka sa lalaking nagulat naman sa biglang paglitaw ng tatlong bata. Kinapa-kapa naman niya iyon sa kaniyang bulsa upang masiguradong kaniya nga ang isinasauli ng mga ito at ganoon na lang ang tuwa niya nang makumpirma niya ito.
“Manong, hindi po namin binawasan ’yan, ha? Nahulog n’yo lang po kasi ’yan habang naglalakad kayo kanina,” inosenteng depensa agad ni Jojo sa kanilang mga sarili sa takot na mapagbintangang kinuha lamang nila ito. Base kasi sa tingin niya sa lalaki ay mukha itong mayaman kaya naman natatakot siya sa maaari nitong isipin.
Natawa naman ang lalaki sa kaniyang asta. “Huwag kang mag-alala. Alam kong mababait kayong mga bata. Hindi ba at kayo rin ang tumulong sa matanda noong isang araw nang hindi ito makatawid? Ilang beses ko na kayong nakita sa lugar na ito,” sabi pa nito sabay sukbit ng pitaka niya sa kaniyang bulsa na hindi na sinuri pa kung may nawala bang laman doon.
“Ay, salamat naman!” Nakahinga nang maluwang si Jojo. “Sige po, manong. Mangangaroling pa po kami, e,” paalam pa nito sa naturang lalaki sabay talikod ng tatlo, ngunit pinigilan sila nito.
“Sandali lang, mga bata. Bakit naman nangangaroling pa kayo, e, mamaya na ang Noche Buena?” tanong ng lalaki sa kanila.
“E, kasi po, wala pa kaming pambili ng kakainin sa Noche Buena. Kulang pa po ang ipon namin para makabili ng tinapay, keso at inumin para naman po maging masaya ang pasko namin,” walang muwang na sagot naman ni Anji sa lalaki na napaatras naman sa narinig. Biglang naantig ang puso nito sa isinagot ng bata kaya naman isang ideya ang naisip nito.
“Kung ganoon ay sumama kayo sa akin. May surpresa ako para sa inyong tatlo,” nakangiting sabi pa ng lalaking nagpakilalang si Mr. Santiago, na may-ari pala ng kilalang supermarket sa bayang ’yon.
Hindi akalain ng tatlo, na ang surpresang tinutukoy pala nito ay ang pagbibigay nito sa kanila ng napakaraming grocery at mga pagkaing maaari nilang ihanda sa pasko! Bukod doon ay binigyan pa sila nito ng kani-kaniya nilang regalo na talaga namang ikinatuwa nila, maging ng kanilang mga magulang!
Ngunit ang pinakamagandang regalong natanggap nila ay ang mga school supplies na natanggap din nila mula kay Mr. Santiago, at ang pangakong sasagutin nito ang pag-aaral nila hanggang sa kolehiyo! Matinding tuwa ang naramdaman nila sa surpresang handog ng may-ari ng napulot nilang pitaka, at dahil iyon sa kabutihang taglay ng kanilang mga puso.