Inday TrendingInday Trending
Isang Dalaga na Mag-isang Nag-eehersisyo sa Gym ang Nakursonadahan Niya; Ito na kaya ang Kukumpleto sa Pasko Niya?

Isang Dalaga na Mag-isang Nag-eehersisyo sa Gym ang Nakursonadahan Niya; Ito na kaya ang Kukumpleto sa Pasko Niya?

Hindi buo ang araw ng binatang si Edgar kapag hindi siya nag-eehersisyo sa gym. Tila ba ito ay papantay sa mga pangunahing pangangailangan ng kaniyang katawan katulad tubig at pagkain dahil para ba siyang nanghihina o nanlalata sa tuwing hindi niya naigagalaw ang katawan at kapag hindi siya nakapagbubuhat ng mabibigat na bagay sa gym.

Dalawang taon na simula nang siya’y mahumaling sa pagbubuhat sa gym. Ang paglobo ng kaniyang katawan na bunga ng palagian nilang pagkain sa labas ng kaniyang nobya noon ay ang dahilan kung bakit siya unang nagdesisyong magtungo rito.

Nang makita niyang malaki ang ginanda ng kaniyang katawan paglipas lang ng ilang buwan niyang pag-eehersisyo, pagbubuhat, at pagdidiyeta, tinuloy-tuloy na niya ito kahit madalas, ito ang pagmulan ng pag-aaway nilang magkasintahan.

Simula kasi nang mahumaling siya rito, madalas na niyang hindi nabibigyang pansin ang kaniyang nobya. Nakakalimutan niya na rin ang mga importanteng selebrasyon katulad ng kaarawan nito at kanilang anibersaryo dahil okupado na ng puro pagpapaganda ng katawan ang nasa isip niya. Ito man ang naging sanhi ng pag-iwan sa kaniya ng limang taon niyang nobyang ito at ang dahilan kung bakit siya nalulubog sa utang sa naturang gym, pinagpatuloy niya pa rin ito.

Ngunit, ilang buwan bago mag-Pasko, napagtanto niyang magiging malungkot ang araw na iyon para sa kaniya dahil nga wala na siyang makakasamang nobya. Wala rin naman na siyang tinuturing pamilya kaya ganoon na lang siya labis na nabahala.

Dito na siya napaisip na kailangan na niya muling manligaw ng dalaga upang may makasama siya sa darating na pagdiriwang at doon niya napagtantong kailangan niyang makahanap ng isang dalagang may kaparehas niyang interes sa pag-eehersisyo.

“Mukhang sa gym ako makakahanap ng dalagang muling magmamahal sa akin, ha? Siguro dapat simula ngayon, magpakitang gilas na ako sa mga babae roon o kung hindi naman ay maging palakaibigan na ako sa kanila! Jackpot! Ang gaganda pa naman ng dalagang nag-eehersisyo roon!” sabi niya pa sa sarili, isang umaga habang siya’y namimili ng damit na kaniyang susuotin sa gym.

Pagdating na pagdating niya sa naturang gym, agad niyang nilibot ang kaniyang mata upang makahanap ng dalagang pupuntiryahin niya.

Naagaw ng dalagang mag-isang nag-eehersisyo sa isang tabi ang atensyon niya. Bukod kasi sa unang beses niya lang nakita ang mukha nito roon, dekalibre pa ang hubog ng katawan nito na talagang nagtulak sa kaniya na magpakilala rito.

“Magandang umaga, miss. Bago ka lang ba rito? Mag-isa ka lang bang nag-eehersisyo?” pang-uusisa niya rito, hindi pa man ito nakakasagot dahil sa ehersisyong ginagawa, muli na naman siyang nagtanong dito, “Gusto mo bang samahin kita? Saktong-sakto, kakarating ko lang din! Pwede tayong magpaganda ng katawan nang sabay!” dagdag niya pa.

“Naku, pasensya ka na, mas gusto kong mag-isang nag-eehersisyo,” sagot lang nito saka pekeng ngumiti sa kaniya dahilan para siya’y agad na ring lumayo sa dalaga.

“Maganda nga, masungit naman! Pero, teka, hindi ko mapapalagpas ang ganda ng hubog niya!” sambit niya sa sarili saka ito pasimpleng kinuhanan ng litrato gamit ang kaniyang selpon habang ito’y nag-eehersisyo.

Siya’y tuwang-tuwa nang makitang may mga kuha siyang kita nang bahagya ang dibdib at hita nito ngunit, bago niya pa muling maitago ang selpong hawak, hinablot na ito ng may-ari ng naturang gym na triple ang laki ng katawan kaysa sa kaniya.

“Sa dami ng babaeng pwede mong bastusin, asawa ko pa talaga? Hindi mo ba alam na ‘yang binabastos mo ay ang taong nagpatayo ng gym na pinagkakautangan mo? Lumayas ka rito at huwag ka na muling tatapak sa gym namin! Bastos!” sigaw nito sa kaniya saka tinapak-tapakan ang selpon niya at siya’y sapilitang binuhat palabas ng gym.

Sa sobrang kahihiyan niya, wala na siyang ibang nagawa kung hindi ang tumakbo pauwi habang kinukubli ang kaniyang mukha at dahil nga sa kahihiyang ito, hindi na rin siya nagkaroon ng lakas ng loob na muling magtungo sa gym na iyon na labis niyang pinaghihinayangan at pinagsisisihan dahil wala siyang ganoong kagandang gym na natagpuan sa kanilang lalawigan.

Katulad ng kinababahala niya, mag-isa niya ngang pinagdiwang ang Pasko at ngayo’y unti-unti na namang lumolobo ang kaniyang tiyan dahil sa hindi pag-eehersisyo, masaya pa rin niya itong sinalubong dahil may naiturong aral ang kalapastanganan niyang ginawa.

“Simula sa susunod na taon, ibabalanse ko na na ang buhay ko. Hindi lang puro ehersisyo dapat! Dapat nagbibigay din ako ng pagmamahal. Bukod pa roon, pangako ko sa sarili kong hinding-hindi na ako mambabastos ng babae! Mapilay na sana ako kapag ginawa ko ulit ‘yon!” sumpa niya saka mag-isang kinain ang handang niluto niya para sa Noche Buena.

Advertisement