Nakikisabay Siya sa mga Kaibigan Kahit Walang-Wala na Siya; Hanggang Kailan Kaya Siya Magsinungaling sa mga Ito?

Gustong-gusto ng dalagang si Mariel na makipagsabayan sa kaniyang mga kaibigan na ngayon ay mayayaman na. Kahit na siya ngayo’y empleyado sa isang maliit na pabrika ng mga tsinelas sa kanilang lalawigan na kumikita ng maliit na sahod at ang mga kaibigan niya ay mga propesyonal na sa larangan ng medisina at negosyo, gumagawa pa rin siya ng paraan upang magpanggap na mas may kaya siya kaysa sa mga ito.

Sa katunayan, wala siyang pinagsasasabihan na pagkatapos nilang maghiwalay-hiwalay ng landas nang sila’y magtapos sa hayskul, agad na siyang sumabak sa pagtatrabaho at hindi na natuloy sa kolehiyo, dahil ikinahihiya niya ito.

Pangako niya kasi sa mga kaibigan na kapag muli silang magkikita-kita paglipas ng ilang taon, siya’y isa nang sikat na artista o kaya ay isa nang magaling na abogado ngunit dahil nga sa kahirapan ng buhay niya, imbes na siya’y umarangkada pataas, lalo pa siyang lumubog sa buhay.

Kaya naman, upang maikubli ang kahirapan na mayroon siya sa mga ito, sa tuwing mag-uusap sila sa social media dahil nasa iba’t ibang bansa ang mga kaibigan niyang ito, palagi siyang nagbibida-bida at gumagawa ng kwento para siya’y hangaan ng mga ito.

“Alam niyo ba ‘yong sikat na kr*men ngayon? Ako ang nagbigay hustisya sa biktima! Diyos ko! Butas ng karayom ang pinasok ko para lang matapos ang kasong iyon!” pagsisinungaling niya sa mga ito. “Totoo ba ‘yan, Mariel? Nakakahanga ka naman talaga! Malamang malaki-laki ang kinita mo sa kasong iyon!” sambit ng kaibigan niyang negosiyante.

“Malaki talaga! Binigyan pa ako ng bagong sasakyan ng pamilya ng biktima!” pagmamalaki niya. “Ang saya naman! Sana ako rin, isang operasyon lang, may sasakyan na agad!” tugon naman ng kaibigan niyang doktor na ikinatawa niya. 

“Sabi sa inyo mag-abogasya na tayong lahat, eh!” sabi niya pa.

“Naku, ipakita mo nga sa amin ang galing mo sa Pasko! Balak naming umuwi ng Pilipinas, eh, para magkita-kita naman tayo!” wika naman ng kaibigan niyang nars dahilan para siya’y agad na kabahan.

Advertisement

“Aba, masaya ‘yan! Sige, hihintayin ko kayo rito! Ililibre ko kayong tatlo!” nakangiti niyang sabi kahit pa siya’y namomroblema na sa pera. 

Upang matupad niya ang pangako niya sa mga kaibigang siya’y manlilibre, ginawa niya ang lahat ng kaniyang makakaya upang makaipon ng pera bago mag-Pasko.

Nagbenta siya ng ilan sa mga hindi niya na ginagamit na gamit sa bahay, kumuha siya ng labada, nagtabas ng damo sa paaralan at kung anu-ano pang raket. Kaya lang, pagsapit ng Pasko, tatlong libong piso lang ang kaniyang naipon.

“Kasya na siguro ‘to, ano?” sambit niya sa sarili habang hinihintay ang mga kaibigan sa airport.

Maya maya pa, dumating na ang mga ito ay siya’y sabay-sabay na niyakap at dahil nga hindi pa kumakain ang mga ito, sila’y agad na nagkayayaang kumain sa isang restawran na labis na niyang ikinakaba dahil mukhang mamahalin ang mga pagkain dito.

At hindi nga siya nagkamali dahil pagkakuha niya ng kanilang bill, umabot ang kinain nilang apat ng halos kinsemil!

“Paano ko ito babayaran?” kamot-ulo niyang sabi saka muling binilang ang perang dala na puro tag-iisang daan at bente pesos pa.

“Hanggang kailan ka ba magtatago sa amin, Mariel? Akala ko ba kaibigan mo kami?” sabi ng negosiyante niyang kaibigan saka binayaran ang kanilang bill.

Advertisement

“Anong pinagsasasabi mo riyan?” pagpapanggap niya pang inosente.

“Ako kaya ang may-ari ng pabrikang pinagtatrababuhan mo ngayon. Mukhang sa sobrang abala mo sa buhay, hindi mo na namalayang sa akin ‘yon nakapangalan,” wika pa nito na ikinalamig niya dahilan para siya’y mapatahimik na lang.

“Wala namang masama kung hindi ka propesyal katulad namin. Sana sinabi mo agad para sabay-sabay tayong umaangat. Gusto mo bang mag-aral ulit?” sabat naman ng nars niyang kaibigan saka siya hinawakan sa kamay.

“Hindi na, walang magpapakain sa mga…” hindi na niya natapos ang sasabihin dahil siya’y agad na niyakap ng kaibigan niyang doktor.

“Kaming bahala sa lahat. Sumama ka sa akin at doon ka sa abroad mag-aral. Kami nang bahala sa araw-araw na pangangailangan ng pamilya mo habang nag-aaral ka,” sabi pa nito dahilan para wala na siyang ibang magawa kung hindi ang mapahagulgol sa harap ng mga ito. Pakiramdam niya’y sa wakas, malapit nang matuldukan ang kaniyang paghihirap sa buhay.

Wala na ngang sinayang na oras ang mga ito. Siya’y agad na pinagawaan ng passport ng mga ito at nang makuha niya ito paglipas ng ilang araw, siya’y agad nang sinabay ng kaibigan niyang doktor patungong Amerika.

Habang ang dalawa niyang kaibiga’y pinaayos ang kanilang bahay at binili ng grocery, bigas at ilang gamit sa bahay ang kaniyang pamilya.

Sa sobra-sobrang biyayang natatanggap, wala siyang ibang iniisip kung hindi ang araw na siya naman ang makakatulong sa mga ito. Kaya simula noon, wala na siyang ibang ginawa kung hindi mag-aral nang mag-aral hanggang sa siya’y maging isa nang abogado pagkalipas ng ilang taon.

Advertisement

Doon na lubos na umangat ang kaniyang buhay. Dahil nga sa ibang bansa pa siya nakapag-aral at nagtatrabaho, mas malaki ang kaniyang kinikita na naging dahilan para unti-unti niyang mabayaran ang utang na loob niya sa mga kaibigan kahit ayaw tanggapin ng mga ito.

“Salamat, hindi kayo nagalit nang magsinungaling ako, tinulungan niyo pa ako,” iyak niya sa mga ito nang muli silang magkita-kita sa Pilipinas at ngayon, siya na talaga ang nagbayad ng bill ng kanilang kinain.