Inday TrendingInday Trending
Nawalan ng Alaala ang Dalaga dahil sa Isang Aksidente; Isang Lalaking Hindi Niya Matandaan ang Magpapaibig sa Kaniya

Nawalan ng Alaala ang Dalaga dahil sa Isang Aksidente; Isang Lalaking Hindi Niya Matandaan ang Magpapaibig sa Kaniya

Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala si Hazel sa sinabi sa kaniya ng mga doktor. Paanong ang isang aksidente sa banyo ay makakapagpabago ng kaniyang pagkatao? Taong 2021 na ngunit parang nabubuhay pa rin siya sa taong 2016. Limang taon ng kaniyang buhay ang hindi niya maalala nang dahil sa amnesia.

Palabas na siya ng ospital at naroon ang lahat ng kaniyang mga kamag-anak. Tulad pa rin sila ng dati ngunit tumanda lang ng limang taon. Lahat sila ay masaya dahil tuluyan na siyang makakauwi. Ilang araw rin kasi siyang naroon. Hindi na siya makapaghintay na tuluyan nang iwan ang hindi komportableng higaan sa ospital.

“Kumain ka muna. Ginawan kita ng sandwich. Hindi ko ‘yan nilagyan ng mayonnaise,” saad ng isang lalaki.

“P-paano mo nalamang ayaw ko ng mayonnaise? Magkakilala ba tayo? Nurse ka ba rito?” pagtataka ni Hazel.

“Siguro,” nakangiting sambit naman ng binata.

“Ako si Noah. Ako nga ‘yung nurse mo. Sinabi kasi sa akin ng mommy mo na paborito mo raw ang sandwich pero walang mayonnaise. Kaya heto at ginawan kita,” dagdag pa nito.

“Salamat, Noah. Siguro naman ay kilala mo na ako, ano? Pasensya ka na sa pamilya ko at talagang aligaga sila lagi. Nakalimutan na nilang ako ‘yung pasyente. Pero sobrang gusto ko nang makauwi sa bahay,” wika muli ni Hazel habang pinagmamasdan ang ilang kaanak na abala na nagkukwentuhan habang ang ilang kasambahay naman ay nag-iimpake ng mga gamit.

Dalawang oras ding magkausap ang dalawa hanggang sa tuluyan na ngang umuwi si Hazel kasama ang kaniyang mga magulang at ilang kaanak.

Nagtataka si Hazel nang makita si Noah sa sasakyan.

“B-bakit ka pa rin narito?” tanong ng dalaga.

“Ako ang personal nurse mo, ‘di ba? Kinuha ako ng mga magulang mo para alagaan ka kaya natural na sasama ako sa bahay n’yo,” sagot naman ni Noah.

Hindi maintindihan ni Hazel kung bakit parang may nararamdaman siyang saya. Marahil ay dahil alam niyang may nakakaunawa sa kaniyang pinagdadaanan.

“’Ma, sa inyo na muna ako uuwi. Ayaw ko muna pong mag-isa sa apartment ko. Gusto ko muna pong makasama kayo,” saad ni Hazel.

“O sige, anak. P-pero sa guest room ka na muna matulog siguro. Hindi mo na siguro natatandaan pero naging opisina na kasi ng daddy mo ang dati mong silid,” wika naman ng ina.

“Sa loob ng pitong taon ay hindi na talaga ako umuwi sa bahay natin? Ang natatandaan ko kasi’y dalawang taon na akong naninirahan sa apartment,” saad pa ni Hazel.

“Limang taon daw ang nawala sa alaala mo, anak. Huwag mo nang piliting alalahanin at baka kung ano pa ang mangyari sa iyo. Hayaan mo lang at babalik din ang lahat ng memorya mo,” dagdag pa ng ina.

Pag-uwi sa bahay ay agad na inasikaso ni Noah itong si Hazel.

“Ito nga pala ang gusto mong mainit na tubig bago ka matulog,” saad ni Noah.

Dito na nagtaka si Hazel.

“Sandali, Noah, gaano na ba tayo talaga katagal magkakilala? Sa pagkakatanda ko kasi’y hindi na alam ng mga magulang ko ang bagay na ito. Nang simula akong bumukod ng bahay ay saka ko lang sinimulan ang pag-inom ng mainit na tubig bago matulog. Kaya aminin mo na sa akin. Matalik ba kitang kaibigan? Nobyo ba kita? Nililigawan mo ba ako?” sunod-sunod na tanong ng dalaga.

“Sabihin na lang natin na nagtapat na ako ng pag-ibig sa iyo bago pa ito mangyari sa’yo,” sagot ng binata.

“At ano naman ang nararamdaman ko para sa iyo noon?”

“Iyan ang hindi mo pa sinasabi sa akin. Kaya naman narito ako ngayon para malaman ko. Pero hindi naman ako nagmamadali. Gusto ko lang na alagaan ka talaga. Gusto kong patunayan sa iyo na nandito lang ako kahit anong mangyari,” dagdag pa ni Noah.

Mula nang araw na ‘yun ay palagi nang nagpupunta sa bahay ni Hazel itong si Noah. Lagi siyang nakaagapay sa dalaga.

Hindi nagtagal ay nasanay na rin si Hazel na laging nariyan si Noah. Nahulog na rin ang loob niya sa binata. Hanggang sa tuluyan na nga siyang nagtapat ng pag-ibig dito.

“Sa loob ng ilang buwang pag-aalaga mo sa akin ay napatunayan kong tapat talaga ang pagmamahal mo sa akin. Kaya siguro ito rin ang sinabi ko sa iyo noon, oo, tinatanggap ko na ang pag-ibig mo. Nobya mo na ako simula ngayon,” masayang sambit ni Hazel.

Hindi na pinatagal pa ni Noah at niyaya na niya ng kasal agad ang dalaga.

“Wala naman na rin akong nakikitang iba na makakasama ko kung hindi ikaw kaya pumapayag akong maging asawa mo,” saad muli ni Hazel.

Sa loob ng dalawang buwan ay ikinasal ang dalawa. Walang pagsidlan ang kanilang tuwa ng araw na iyon – lalo na si Noah.

Pagkatapos ng kanilang halik ay may inilabas ang binata mula sa kaniyang bulsa. Isang larawan nilang dalawa na nakasuot ng pangkasal.

“Sabi ng mga doktor ay makakasama raw sa iyo kung pipilitin mong maalala ang mga bahagi ng buhay mong nakalimutan mo nang dahil sa aksidente. Kaya hindi ko na lang sinabi sa iyo dahil ayaw kitang mahirapan. Sa simbahang ito rin tayo nagpakasal limang taon na ang nakakalipas. Ipinagkasundo tayo ng mga magulang natin. Noon ang sabi mo sa akin ay gusto mong maranasan ang ikasal sa mahal mo at hindi sa ipinagkasundo lang sa iyo. Sana ay natupad na ang pangarap mo. Pero noon pa man, Hazel, mahal na mahal na talaga kita,” wika muli ni Noah.

Hindi makapaniwala si Hazel sa kaniyang nalaman. Niyakap niya nang mahigpit ang asawa.

Nang dahil sa ipinakitang tapat na pagmamahal ni Noah kay Hazel ay hindi maiwasan ng marami ang maluha sa kanilang kwentong pag-ibig.

“Marahil ay nawalan man ako ng memorya pero nakabalik pa rin ang puso ko sa iyo, Noah. Masaya ako na hindi mo ako iniwan sa kabila ng sinapit ko. Pinatunayan mo sa aking magsasama tayo sa hirap at sa ginhawa,” wika naman ni Hazel.

Advertisement