Inday TrendingInday Trending
Galit at Lubos na Sinisisi ng Ginang ang Bayaw sa Pagkasawi ng Mister; Hindi Niya Akalaing Mali Pala Siya ng Pinagbubuntungan

Galit at Lubos na Sinisisi ng Ginang ang Bayaw sa Pagkasawi ng Mister; Hindi Niya Akalaing Mali Pala Siya ng Pinagbubuntungan

Hindi alam ng binatang si Allen kung paano haharapin ang hipag na si Joana. Nasa tapat na siya ng bahay nito ngunit hindi pa rin niya makita ang lakas ng loob para kumatok. Dala niya ang paboritong cake at bulaklak nito. Alinsunod na rin sa pangako niya sa kaniyang yumaong kapatid.

Dalawang taon na kasi simula nang pumanaw si Richard, asawa ni Joana at kapatid naman ni Allen, nang dahil sa isang aksidente sa sasakyan.

Nilakasan na rin ni Allen ang kaniyang loob at saka siya nag door bell.

“Maligayang anibersaryo ng kasal ninyo ni kuya, Joana,” bungad ng binata.

“Ano ang masaya sa araw na ito, Allen? Wala na ang kuya mo. Wala na akong kasamang magdiriwang ng anibersaryong ito! Ang lakas pa ng loob mong magpakita sa akin,” wika naman ni Joana.

“Nagbilin sa akin si kuya na gawin ko ito palagi sa iyo. Nangako ako sa kaniya. Hindi naman sa akin galing ang mga ito kung hindi kay Kuya Richard. Gusto ko lang din naman siyang pasayahin sa langit,” muling sambit pa ni Allen.

Pinagmasdan ni Joana ang mga dala nitong regalo. Ito ang paborito niyang cake at mga bulaklak.

Tandang-tanda pa niya noong unang araw na mag-date sila ni Richard.

“Pasensya ka na at nahuli ako. Ang trapik kasi saka ang dami ko pa kasing inasikaso sa bahay bago ako umalis. Pasensya ka na talaga. Kanina ka pa ba?” nag-aalalang wika ni Joana kay Richard.

“H-hindi. Sa totoo lang ay kadarating ko lang din,” sagot naman ng binata.

Maya-maya ay nariyan na ang waiter.

“Straw–” wika ni Joana ngunit agad na nagsalita si Richard.

“Strawberry shortcake? Na-order ko na,” saad ng binata.

Agad na ibinigay ng waiter ang kanilang cake at inumin.

“Maraming salamat,” saad ni Richard sa waiter.

“Ako ang dapat magpasalamat sa inyo, sir, dahil kinaya n’yong hintayin ng isang oras ang cake na ito,” wika pa ng lalaki.

“Isang oras ka nang narito? Akala ko ba’y kakarating mo lang?” nagulat si Joana.

“Pasensya na at hindi talaga ako magaling magsinungaling. Talagang mayroong mangbibisto sa akin. Huwag mo nang intindihin ‘yun. Ang mahalaga ay narito ka na. Sige na at i-enjoy mo na ang paborito mong cake,” saad pa ng binata.

Mula noon ay lalong nahulog ang loob ni Joana kay Richard.

Nagbalik sa kasalukuyan si Joana nang mapansin niyang si Allen ang kaniyang kaharap at hindi ang kaniyang asawa.

“Akina ang mga ‘yan at umalis ka na. Sa susunod ay huwag mo na akong bigyan nito. Hindi ko na talaga tatanggapin pa kahit sabihin mong galing ito sa kuya mo!” galit na sambit ni Joana.

“Joana, maging ako ay nahihirapan din. Hanggang kailan ka ba magagalit sa akin? Nawalan din ako ng kapatid!” wika ni Allen.

“Sana naisip mo ‘yan noong araw na nagpasundo ka sa kaniya, Allen. P’wede ka namang umuwi mag-isa. P’wede namang hindi mo na siya abalahin. Dapat ay nagdiriwang kami ng unang taon ng kasal namin ng araw na iyon. Kumakain sana kami ng paborito kong cake. Pero ano ang nangyari? Nawala s’ya sa akin dahil iresponsable ka!” mariing sambit muli ng hipag.

“Pinagsisisihan ko naman na ang lahat ng nagawa ko, Joana. Mahirap din para sa akin ang lahat ng ito. Kaya sana ay maging maayos na tayong dalawa. Kayo na lang ni kuya ang pamilya ko,” muling sambit ni Allen.

“Dalhin mo sana hanggang sa hukay ang lahat ng ito. Usigin ka sana ng konsensya mo habambuhay!”

Ito ang iniiwasan ni Allen na mangyari. Ang muli silang magharap ni Joana at magalit ito sa kaniya. Hanggang ngayon kasi ay siya pa rin ang sinisisi nito sa pagkawala ni Richard.

Pagkaabot ni Allen ng cake at bulaklak ay agad na rin siyang umalis. Dinalaw niya ang libingan ng kaniyang nakatatandang kapatid.

“Sinabi ko na’t narito ka. Kanina pa kita tinatawagan pero hindi ka sumasagot,” wika ni Elise, nobya ni Allen.

“Pasensya ka na. Alam mo naman kung anong araw ngayon. Hanggang ngayon kasi ay masakit pa rin sa akin ang pagkawala ni kuya,” sagot ni Allen.

“Nanggaling ka ba sa asawa niya? Sinigawan ka na naman ba niya? Bakit kasi hindi mo na lang sabihin sa kaniya ang totoo, Allen? Alam ko kung ano ang nangyari ng gabing iyon. Bakit hindi mo ipagtapat sa kaniya?” tanong muli ng kasintahan.

“Nangako ako kay kuya, Elise at hinding hindi ko sisirain ang pangakong iyon,” tugon muli ng binata.

Ilang oras ding naroon sa libingan ang magkasintahan. Bago sila umalis ay dumating naman si Joana upang dalawin ang namayapang asawa.

“Ano na naman ang ginagawa mo rito? Paano mo nakakayanang pagmasdan ang asawa ko sa ngayong nasa hukay na siya? Tandaan mo, Allen, na dahil sa iyo kaya nariyan siya ngayon at wala sa tabi ko!” galit na wika ni Joana.

“Ayaw ko ng away, Joana. Aalis na kami ng nobya ko. Hindi ako makikipagtalo sa iyo lalo na sa harap ng kuya ko,” saad naman ni Allen.

“Ngayon ka humingi ng tawad sa kaniya! Ngayon mo sabihin kung paano ka nagsisisi dahil nakalibing na siya ngayon! Gusto kong makita at marinig, Allen! Napakasakit ng ginawa mo sa aming dalawa!” sigaw pa ng hipag.

Dahil dito ay hindi na nakatiis pa si Elise.

“Tigilan mo nang sisihin ang nobyo ko dahil wala siyang kasalanan. Alam mo kung sino ang dapat mong sisihin sa pagkawala ni Kuya Richard? Walang iba kung hindi ikaw!” bulyaw ng nobya ni Allen.

“Elise, tama na. Umalis na tayo. Huwag mo na siyang patulan,” saad naman ng binata.

“Hayaan mo akong magsalita, Allen. Nagsasawa na ako na ibinubuntong niya sa iyo ang lahat. Ayos na rin na narito tayo sa tapat ng puntod ni Kuya Richard. Nang sa gayon ay siya naman ang humingi ng kapatawaran!”

“Ikaw ang may kasalanan kung bakit nawala si Kuya Richard, Joana. Nang dahil sa’yo at sa paborito mong cake! Alam ni Kuya Richard na hindi ka makakapayag na magdiwang kayo ng unang anibersaryo ng kasal nang wala ang paborito mong cake. Kaya naman naghanap pa siya. At dahil iisang restawran lang ang gumagawa noon ay dinayo pa niya ito talaga. Nagmamadali masyado si Kuya Richard na makauwi nang sa gayon ay hindi ka niya mapaghintay. Nais niyang pasayahin ka kaya naman sa pagmamadali ay hindi na niya namalayan ang kasalubong na truck. Pinaako niya kay Allen ang lahat. Nais niyang magsinungaling si Allen sa iyo upang hindi dalhin ng konsensya mo ang nangyari sa kaniya. Pero wala kang ginawa kung hindi sisihin ang nobyo ko na kapatid ng asawa mo! Mas matagal silang nagkasama. Magkadugo sila kaya nasasaktan din siya! Ngayon, dadalhin sana ng konsensya mo ang lahat ng ito!” sambit pa ni Elise.

Napaluhod na lang si Joana nang malaman ang katotohanan. Buong panahon na iyon ay mali pala ang taong kaniyang sinisisi.

“H-hindi ko gustong mangyari ito sa kaniya! Alam ng Diyos na hindi ito ang gusto kong mangyari sa kaniya! Patawarin mo ako, Richard, mahal ko!” pagsusumamo ni Joana habang nakaluhod sa puntod ng asawa.

Ngayon ay alam na niya ang pakiramdam ni Allen noong pinagbubuntungan niya ito ng sisi. Wala tuloy siyang maiharap na mukha sa kaniyang bayaw.

“Hindi tayo makakausad kung hindi natin sisimulang tanggapin ang nangyari. Masakit ang pagkawala ni Kuya Richard pero hindi tayo dapat magsisihan. Aksidente ang nangyari at walang dapat sisihin, dahil bandang huli, ang nais lang naman ni kuya ay ang kaligayahan mo,” saad ni Allen kay Joana.

Laking pagsisisi ni Joana sa lahat ng maling kaniyang ginawa. Humingi siya ng tawad sa kaniyang asawa at pati na rin sa kaniyang bayaw na si Allen. Kahit na pilitin niyang tanggapin ang nangyari ay hirap pa rin siyang tanggapin na ang pagpapasaya sa kaniya ang naging dahilan para masawi ang asawa.

Advertisement