Tinulungan ng Ginang ang Matandang Nagtitinda rin ng Sampaguita; Isang Pabor ang Magbabago naman ng Kaniyang Buhay

Matanda na at hindi na gaanong makakita ang tindera ng sampaguita na si Aling Lisa, ngunit hindi ito dahilan upang itigil niya ang ginagawa upang buhayin ang kaniyang sarili. Wala na kasing mga kamag-anak ang matanda. Mayroon siyang nag-iisang anak ngunit maaga naman itong kinuha sa kaniya.

Kaya naman sa isang kariton sa tapat ng simbahan mo siya makikita. Ginawa na rin itong bahay ng matanda.

Dahil maraming naaawa kay Aling Lisa, madalas ay maraming bumibili sa kaniya. Inis dito ang ginang na si Odette, nagbebenta rin ng sampaguita dahil madalas na nauubos ang tinda ng matanda samantalang nabibilang naman sa darili ang kaniyang pinagbentahan.

“Dapat sa matandang ‘yan ay pinapaalis na rito. Laging siya na lang ang binibilhan ng tao. Paano naman tayong mahirap din gaya niya? Tingnan mo ng at pinipilahan pa siya ng tao. Ginagamit ang kaawa-awa niyang kalagayan para sa kaniyang kapakanan,” naiinis sa inggit na wika ni Odette.

“Huwag ka na ngang mainis kay Aling Lisa. Kawawa naman talaga ang matandang iyan. Mantakin mong wala siyang kamag-anak man lang. Ni wala nga siyang matutuluyan. Mag o-otsenta na ata siya pero naghahanap buhay pa rin. Dapat nga ay maramdaman niya ang ganda ng buhay dahil matanda na siya. Malakas pa naman ang pangangatawan natin at kaya pa nating gumawa ng ibang paraan. Pabayaan na lang natin ang matanda,” saad naman ng tindera ding si Tess.

“Bahala ka nga riyan! Dapat nga ay mas kampihan mo pa ako dahil may anak ka. Mas kailangan mo ng pera dahil may pinaggagatas ka!” inis na sambit muli ng kasamahan.

Para kay Tess kasi ay swerte na siyang may nakakain ang anak niya sa loob ng isang araw. Hindi rin naman siya nagkukulang dahil bukod sa sampaguita ay nagtitinda rin siya ng cotton candy.

Pinagmamasdan nila Odette at Tess ang mga nagkakagulong tao na nais bumili ng sampaguita ng matanda. Dahil matanda na nga at malabo na ang mata ay hindi na makita ni Aling Lisa ang perang binabayad sa kaniya.

Advertisement

“Pasensya na kayo sa tagal ng pagbusisi ko sa perang ito. Hindi ko na talaga kasi halos makita,” paghingi ng matanda ng paumanhin.

Upang makatulong ay agad na nilapitan naman ni Tess si Aling Lisa.

“Ako na po ang titingin kung tama ang bayad sa inyo, Aling Lisa. Huwag kayong mag-alala at malinaw ang mga mata ko. Si Tess po ito,” saad naman ng ginang.

“Maraming salamat, Tess, a. Naistorbo ko pa ang pagtitinda mo,” sambit naman ng matanda.

Nang humupa na ang mga tao ay tinulungan ni Tess si Aling Lisa na magbilang ng kinita nito.

“Pitong daan din pala ang kinita n’yo ngayong araw, Aling Lisa. Nakakatuwa naman at nakakabenta talaga kayo ng ganoong karaming sampaguita,” saad ng ginang.

“Nakakatuwa nga at kahit na apat na raan lang ang sa akin diyan ay malaking bagay na rin. Kumuha ka ng isang daan, Tess, para ‘yan sa abala ko sa iyo,” saad muli ng matanda.

“Naku, huwag na po, Aling Lisa. Sa inyo na po ang lahat ng iyan. May kinita rin naman po ako ngayong araw,” wika muli ni Tess.

Advertisement

“Sige na, Tess, ibili mo ng gatas ng anak mo. Huwag ka nang tumanggi at bigay ko ‘yan sa iyo. Hindi ko alam kung bukas ay kikita pa ako ng ganyang kalaking pera,” wika pa nito.

Minsan ay nagtataka na rin ang mga tao sa paligid ni Aling Lisa kung saan niya dinadala ang perang kaniyang kinikita. Sa halaga kasi ng mayroon siya sa pang-araw-araw ay dapat namumuhay na ito kahit paano nang masagana.

Kinabukasan ay maaga pa lamang at humango na ng sampaguita ang uugod-ugod na matanda. Plano naman ni Tess na hapon na lang magtinda dahil kakaunti ang tao sa umaga. Saka kailangan din niyang dalhin sa center ang anak para sa bakuna nito.

Naroon si Odette at pinagmamasdan lang ang matanda habang nagbebenta ito. Bigla na lang may pumasok sa kaniyang isipan.

“Malabo naman ang mga mata nitong si Aling Lisa. Hindi niya malalaman kung tunay ba ang pera na hawak niya. Isa pa, hindi rin niya mabibilang kung tama ito,” saad niya sa sarili.

Lumapit si Odette sa matanda at nagpaunlak itong tutulong. Masaya naman si Aling Lisa sapagkat hirap nga siyang kumilatis ng pera.

Dito na ginawa ni Odette ang kaniyang plano. Pinalitan niya ng pekeng pera ang binayad sa matanda at kinukupitan niya pa ito. Kinahapunan ay dumating na si Tess. Muli niyang tinulungan si Aling Lisa ngunit pagdating ng gabi nang magbilang na sila ng kinita ay tila hindi tama ang halagang hawak nila.

“Paano kaya nangyari ‘yun, Tess? Sigurado kasi akong nabenta ko ang lahat ng sampaguita. Nakita mo namang ubos, ‘di ba? Baka mali naman ang bilang ko sa sampaguita,” malungkot na wika ng matanda.

Advertisement

Nagtataka rin si Tess. Ngunit may nakapagsabi sa kaniya na si Odette ang tumulong sa matanda noong wala pa siya.

“Pero mahirap namang magbintang. Sana nga ay mali ang hinala ko. Matagal na kaming magkakasama sa lugar na ito. Kawawa naman si Aling Lisa kung ninanakawan pa niya,” wika muli ng ginang.

Nag-isip si Tess kung paano niya mahuhuli si Odette kung ito nga talaga ang nagnanakaw kay Aling Lisa.

Kinabukasan ay si Odette na naman ang tumulong kay Aling Lisa sa pagtitinda nito dahil tatanghaliin na naman daw si Tess. Pumayag muli ang matanda dahil hirap talaga siya.

“Tingnan mong maigi ang binabayad ng mga tao, Odette. Tingnan mo rin ang ibinibigay kong sampaguita,” saad ni Aling Lisa.

Maya-maya’y nariyan na si Tess.

“Ako na ang bahala dito kay Aling Lisa. Magtinda ka na,” bungad ni Odette.

“Hindi ko kayang gawin ‘yan. Dahil kahapon ay nawalan ng pera si Aling Lisa. May bumalik pa dahil nasuklian daw siya nito ng pekeng pera,” saad ni Tess.

Advertisement

“Ano ang gusto mong palabasin? Ako ang gumawa noon kay Aling Lisa? Nais ko lang tumulong sa kaniya. Baka ikaw nga itong kumuha ng pera dahil noong isang gabi ay kayo ang magkasamang nagbibilang!” bulyaw naman ni Odette.

“Sige, Odette, patunayan mo sa akin na hindi mo kinukupitan si Aling Lisa. Ilabas mo lahat ng pera d’yan sa pitaka mo. Mayroon akong nilagay na pera na nilagyan ko ng palatandaan. May maliit iyong marka at may sulat na pangalan. Ibinayad iyon ng isang bumibili!” hamon ni Tess.

Kinakabahan si Odette na inilabas ang kaniyang mga salapi. At hindi nga nagkamali si Tess. Doon niya nakita ang pera ng matanda.

“Wala kang awa, Odette. Ubod na ng tanda si Aling Lisa ay sinasamantala mo pa! Ang laki laki naman ng katawan mo! Bakit hindi ka lumaban nang patas?” sambit muli ng ginang.

Napahiya si Odette sa pagbuko sa kaniya ni Tess. Dahil doon ay nagkasundo ang mga nagtitinda na huwag nang pabalikin doon si Odette dahil hindi ito mapagkakatiwalaan.

“Maraming salamat sa iyo, Tess. Mabuti na lang at may katulad mong tapat kahit walang nakukuhang kapalit. Kailangan ko kasi ang perang ito. Mayroon akong pinag-iipunan,” wika ng matanda.

“Walang anuman po iyon. Aling Lisa. Sino pa naman po ba ang magtutulungan kung hindi tayo rin. Siya nga po pala, p’wede ko po bang malaman kung para saan po ang iniipon ninyong pera? Bakit tila parang nagmamadali kayong makaipon?” pagtataka ni Tess.

“Alam naman nating lahat na nasa dapithapon na ako ng aking buhay. Nais ko namang maiburol at mailibing nang maayos kaya pinaghahandaan ko ang aking pagkawala. Tess, dahil ikaw naman ang mapagkakatiwalaan ko rito, p’wede ba akong humingi ulit ng pabor? Kapag ako’y nawala narito lang ang pera ko. Ibili mo ako ng maayos na kabaong at damit at ilibing sa puntod katabi ng aking anak. Ang lahat ng matitirang pera ay sa iyo na. Basta ikaw na ang bahala sa akin sa oras na ako’y mawala,” naiiyak na wika ng matanda.

Advertisement

Napaluha rin si Tess sa sinabing ito ni Aling Lisa. Naramdaman niya kung gaano kahirap ang mag-isa lalo na sa iyong pagtanda.

“Makakaasa po kayo, Aling Lisa. Tutuparin ko po ang pangakong iyan. Pero maaari po bang huwag n’yo nang ibigay sa akin ang matitira? Ilaan n’yo na lang po para sa inyong sarili. Kumain kayo ng masarap at huwag tipirin ang sarili. Hayaan n’yo namang mabuhay kayo na maranasan ang sarap ng buhay kahit sa sandaling panahon. Huwag n’yo po akong alalahanin. Hindi ko po kailangan ng bayad sa nais niyong ipagawa sa akin,” wika muli ni Tess.

Ilang araw lang matapos ang pag-uusap na iyon ay binawian na rin ng buhay ang matanda. Sa kaniyang kariton ay tumambad kay Tess ang isang sakong perang inipon nito sa loob ng maraming taon.

Tinupad ni Tess ang pangako niya kay Aling Lisa. Binigyan niya ito ng magandang ataul at magarang damit. Inilagak niya ang mga labi nito sa tabi ng kaniyang anak nang sa gayon ay magkasama na sila nang tuluyan. Ang natirang pera ay ginamit niya sa pagsisimula ng isang negosyo.

Hanggang ngayong maunlad na ang pamumuhay niya ay hindi pa rin niya nakakalimutang magpasalamat kay Aling Lisa sa kabayaran ng kabutihang kaniyang ginawa.