Inday TrendingInday Trending
Habang Kumakanta ang Lalaki Kasama ang Kaniyang Banda ay May Ginagawa na Pala ang Kaniyang Nobya; Ano Kaya Iyon?

Habang Kumakanta ang Lalaki Kasama ang Kaniyang Banda ay May Ginagawa na Pala ang Kaniyang Nobya; Ano Kaya Iyon?

Ako’y sa ‘yo ikaw ay akinGanda mo sa paninginAko ngayo’y nag-iisaSana ay tabihan na

Sa ilalim ng puting ilawSa dilaw na buwanPakinggan mo ang aking sigawSa dilaw na buwan…

Buhos na buhos ang pag-awit ni Jacob sa sikat na awitin ng kaniyang paboritong mang-aawit. Nasa likuran ang kaniyang mga kabanda at damang-dama ang pagtugtog nila ng kanilang mga instrumento. Ngunit ang mga taong dumalo para sa pista ng barangay na iyon ay higit na dinadama ang magandang musika habang nagsasayaw sa gitna kasama ng kanilang mga kapareha.

Ito ang buhay ni Jacob. Ilang beses na siyang natalo o hindi man lamang nakapasok sa mga timpalak sa pag-awit sa mga telebisyon upang sumikat. Ngunit hindi roon tumigil ang kaniyang pangangarap sa pagkanta. Masaya na siya sa kaniyang mga gig. Kahit hindi ganoon kalaki ang kinikita at naghahati-hati pa sila ng kanilang mga kabanda, ayos lang. Ang mahalaga, nakakakanta siya. Nagagawa niya ang gusto niya.

“Gunggong ka talaga, Jacob! Mas pinili mo pa ang pabanda-banda na ‘yan kaysa mag-aral at mamahala sa ating negosyo!”

“‘Pa, pasensya na po… hindi po talaga ako matalino kagaya ninyo. Dito po ako masaya sa pagkanta…”

“Hindi naman kita pinipigilang kumanta eh. Pero ang talikuran ang pag-aaral at posisyon sa kompanya natin para diyan? Hindi ka bubuhayin niyan! Ni hindi ka makakabuhay ng pamilya sa kinikita mo diyan eh! Isa kang hangal! Malalaman mo rin ang sinasabi ko.”

Isang slow dance sa kani-kanilang mga kasintahan at asawa. Nag-uumapaw ang pag-ibig nang gabing iyon. ‘Ni hindi na nila napansin ang napapaos na boses ni Jacob sa tatlong oras na sunod-sunod na pagkanta, mapa-rock man o ballad.

Nakatuon sa mga nagsasayaw ang atensyon niya habang naglalakbay ang kaniyang diwa. Walang kapantay na kasiyahan ang kaniyang nararamdaman. Napakaganda nilang tingnan. Matatamis ang ngiting namumutawi sa kanilang mga labi. Kinikintalan ng mga lalaki ng masuyong halik ang kanilang mga kasayaw, sa noo man o sa labi. Niyayakap sila ng mga kababaihan at sabay silang umiindayog sa musikang nalilikha nila.

Nasaan na ba si Ashley? Sana, naisasayaw ko rin siya ngayon. Si Ashley ang kaniyang nobya. Mali ang Papa niya na walang babaeng magkakagusto sa kaniya dahil ganito lang siya.

Ang iyong ganda’y umaabot sa buwanAng tibok ng puso’y rinig sa kalawakanAt bumabalikDito sa akinIkaw ang mahalIkaw lang ang mamahalin

Napakasaya niya nang makuha niya ang matamis na oo ni Ashley. Nagkakilala sila sa isang party kung saan kumanta sila ng banda. Hindi naman niya talaga maitatanggi na kahit hindi siya kaguwapuhan, malakas ang dating niya sa kababaihan. Kaya lang, hindi rin niya alam kung bakit walang babaeng nagtatagal sa kaniya noon. Pampalipas-oras lang daw siya. Pampalipas-kati.

Pero iba si Ashley.

Tanggap nito na hindi siya ganoon katalino.

Tanggap nito na ang buhay niya ay umiikot sa banda.

Tanggap nito na wala siyang ibang kaya at alam na gawin kundi ang pagkanta. Sa katunayan, pumayag ito na makisama sa kaniya. Nagsama sila. Kaya nga ang sipag-sipag niyang tumanggap ng mga gig dahil hindi na lamang iisang bibig at sikmura ang binubuhay niya.

Pakinggan ang puso’t damdaminDamdamin aking damdaminSa ilalim ng puting ilawSa dilaw na buwanPakinggan mo ang aking sigawSa dilaw na buwan…

Nagpalakpakan ang mga tao nang matapos ang kanilang awitin. Tapos na. Kanina pa sila kumakanta. Pumayag na ang mga tagapag-organisa na huminto na sila at magpapatugtog na lamang sila.

Naibigay na rin sa kanila ang bayad nila, at nakapaghati-hati na rin sila. Mas malaki ang nakuha ni Jacob bilang pinuno ng banda at lead vocalist.

“Bukas ulit mga tropapips, pahinga na kayo,” sabi ni Jacob sa kaniyang mga kasama habang nakikipag-apir sa mga ito.

Mag-isa na lamang siya. Teka, nasaan si Ashley? Kanina lamang ay nasa likod ito ng entablado.

Hinanap ng kaniyang mga mata ang nobya. Medyo maliwanag dahil bilog na bilog ang buwan, kaya tamang-tama ang kinanta nila ng banda.

“Brad, nakita mo ba yung kasama kong babae kanina?” tanong ni Jacob sa isa sa mga tagapag-organisa ng kasiyahan.

“Kanina, nakita ko roon papunta sa medyo kakahuyan,” at itinuro ng lalaki ang likod ng entablado na kasukalan.

Binagtas ni Jacob ang kakahuyan. Hanggang sa may nahagip siyang dalawang pares ng paa sa likod ng mga halaman na may malalaking dahon.

Dahan-dahan siyang lumapit…

Nanlaki ang kaniyang mga mata. Si Ashley… kayakap ang isang estrangherong lalaki. Nahinto ang kanilang pagtutukaan. Agad na itinaas ng lalaki ang nakababang pantalon, at agad na tumalilis ng takbo. Hindi na ito nahabol ni Jacob dahil napako na ang kaniyang mga paa sa kaniyang kinatatayuan.

Nakakita siya ng Eva at Adan.

“A-Anong ginagawa ninyo… bakit kayo narito, bakit kayo naghahalikan? Babe? Habang abala ako sa pagkanta kanina, iba na pala ang iyong kasama?”

“Ayoko na, Jacob. Ayoko na. Hirap na hirap na ako. Hindi ito ang buhay na gusto ko… hindi mo man lamang ako mabilhan ng bagong salawal. Hindi ko gusto ang buhay na ibibigay mo sa akin…”

“Ginawa ko ang lahat… nagsisikap ako para sa ating dalawa!” umiiyak na sumbat ni Jacob.

Pakinggan ang puso’t damdaminDamdamin aking damdaminSa ilalim ng puting ilawSa dilaw na buwanPakinggan mo ang aking sigawSa dilaw na buwan…

Hindi na niya alam kung ano ang nagawa niya… ngunit hindi dilaw o puti ang kulay ng buwan ng gabing iyon.

Kulay-pula. Kulay-dugo…

Nagimbal ang masaya sanang pista na sa masaya rin sana magtatapos.

Makalipas ang ilang buwan…

Kumakanta-kanta pa rin naman si Jacob.

Ngunit kaunti na lamang ang mga nakikinig sa kaniya. Walang sumasayaw. Walang humihiling na isa pa, isa pa, isa pa.

Sa apat na sulok ng bilangguan, sa likod ng mga rehas na bakal.

Advertisement