Inday TrendingInday Trending
Isinama ng Kaibigan ang Lalaki sa Ekslusibong ‘Puppet Show’ na Tanging mga Miyembro Lang ang Maaaring Pumasok; Sa Halip na Maaliw, Natakot ang Lalaki

Isinama ng Kaibigan ang Lalaki sa Ekslusibong ‘Puppet Show’ na Tanging mga Miyembro Lang ang Maaaring Pumasok; Sa Halip na Maaliw, Natakot ang Lalaki

Parang nais nang umuwi ni Efren nang makapasok na sila ni James sa loob ng isang hindi kalakihang coliseum, na eksklusibo lamang para sa mga mayayaman, at nakapagtatakang nakatayo sa isang pribadong isla.

Isinama lamang siya ni James na nakilala niya sa pamantasan na kaniyang pinapasukan. ‘Rich kid’ ito at halos walang kasama sa buhay dahil laging abala ang mga magulang sa pagpapatakbo ng kanilang mga negosyo.

Naninindig ang kaniyang mga balahibo sa loob ng paggaganapan ng puppet show. Pinagmasdan din niya ang mga manonood. Mababanaag sa kanilang mga kasuotan at anyo na mayayaman silang lahat. Siya nga lamang yata ang naka-pantalong maong. Pakiramdam niya ay nasa loob sila ng isang opera house.

“Horror puppet show ba ang panonoorin natin, James? Bakit nakakakilabot yung tugtog?” bulong niya sa kaibigan.

“Hindi naman, pero just observe everything, okay? And then, tell me kung ano ang mapapansin mo,” ganting bulong ni James kay Efren.

Tumango-tango naman si Efren.

Maya-maya, nagsalita na ang voice over. Pinapaayos na ang lahat ng mga manonood. Ipinagbabawal ang paggamit ng mga cellphone upang hindi makaabala sa panonood ng lahat. Ipinagbabawal din ang masyadong malakas na pag-uusap.

Maya-maya, nagsimula na ang palabas. Puppet show nga.

Subalit may napansing kakaiba si Efren.

“May napapansin na ako…” bulong ni Efren kay James.

“Ano ‘yun, tell me…”

“P-Parang… parang hindi mga puppet yung gumagalaw, parang mga katawan naman ng tao… parang totoong katawan ng tao… human puppet ba ang mga iyan?”

Habang tinitignan ni Efren ang mga tau-tauhan o puppet, para bang may iba siyang nararamdaman. Para bang tunay silang mga tao na ginawang puppet para pasiyahin ang mga taong limpak-limpak ang kayamanan.

“Tama ka naman… mga katawan ng tao ang mga puppet nila…”

“Sssssshhhh…”

Natigil ang pag-uusap ng dalawa nang sitahin nang kanilang katabi.

“Manood na lang kayo kung ayaw ninyong mapahamak,” banta ng lalaking nanita sa kanila. Naka-shades ito.

“Ano ang nais mong ipahiwatig, mister?” bulong ni Efren.

Itinapat nito ang hintuturo sa labi, senyales na pinatatahimik siya.

Nakaramdam ng tawag ng kalikasan si Efren. Nagpaalam siyang magtutungo sa palikuran.

Pumunta siya sa palikuran, ngunit may isang pintong itim na nakapukaw sa atensyon niya. Nagpalinga-linga siya. Dahan-dahan siyang lumapit, binuksan ang seradura nito at kadiliman ang bumungad sa kaniya sa loob. Kadiliman at maalingasaw na amoy.

Hinanap niya ang switch ng ilaw at ito ay pinindot. Ganoon na lamang ang gulat niya nang masilayan ang kabuuan ng silid na kaniyang pinasok.

Mga taong nakakulong sa isang malaking hawla— at nakabihis nang maayos samantala ang iba naman ay nakalublob sa isang balde na puno ng dugo.

Nilapitan niya ang isang katawan. Hinawakan niya ito at napukaw ng atensyon niya ang tahi… banda sa dibdib. Dinikit niya ang tenga upang pakinggan kung may tibok ng puso, subalit wala siyang narinig.

“S-Sabi ko na nga ba,” mahinang bulong ni Efren. Tama ang kutob niya na totoong mga tao ang ginagawa nilang puppet sa lugar na ito.

“Kailangan ko nang makaalis dito!” mahina niyang sigaw. Biglang may lalaking pumasok.

“Sino kang pangahas na pumasok dito? Gusto mo rin bang maging puppet?”

“Ano’ng ginagawa ninyo? Bakit kailangan ninyong gawin ito? Bakit kailangan ninyong tanggalan ng puso ang mga taong iyan kung pwede n’yo naman na silang kunin bilang isang tauhan n’yo na lang, at sila ang pagganapin sa palabas na gusto ninyo?!”

Babarilin na sana siya ng lalaki subalit napigilan ito ng isa pang lalaki.

Ang lalaking naka-shades na nanuway sa kanila kanina.

Hanggang sa makarinig na lamang sila ng putok ng baril, pagkakagulo sa loob, at mga pulis na nagsasabing ‘Walang kikilos nang masama, raid ito!’

Nabantad ang katotohanan sa likod ng puppet show na ‘yon.

Isang sindikato pala ang utak niyon, na nangunguha ng mga indibidwal gaya ng preso, pulubi, o iba pang mga ‘pinagkaitan ng lipunan’ at tinatanggalan ng mga lamanloob gaya ng puso, atay, bato, mata, at kung ano-ano pa, para ibenta at pagkakitaan.

Tuwang-tuwa naman ang mga mayayaman dahil nababawasan umano ang mga pabigat sa lipunan.

At upang mas mapakinabangan pa ang mga b*ngkay, ginagawa nila itong puppet. Mga eksklusibong mga panauhin lamang ang nakakapasok doon upang manood, sila ang mga may koneksyon sa sindikato. Katuwaan lamang daw. Katuwaan ng mga halang ang kaluluwa.

Isa sa mga nakulong si James at ang kaniyang mga magulang. Absuwelto si Efren dahil sa testimonya niya na nayakag lamang siya ng kaklase.

Advertisement