Inday TrendingInday Trending
Imbes na Pagbutihan ay Palaging Palpak ang Ginagawa ng Babae sa Ibinigay na Trabaho sa Kaniya ng Kaibigan Niya; Pinagsisihan Niya ang Naging Bunga Niyon

Imbes na Pagbutihan ay Palaging Palpak ang Ginagawa ng Babae sa Ibinigay na Trabaho sa Kaniya ng Kaibigan Niya; Pinagsisihan Niya ang Naging Bunga Niyon

Sabik na si Guia na muling makipagkita sa mga dati niyang kaklase noong kolehiyo sa pupuntahan niyang reunion. Isinuot pa nga niya ang pinakamahal niyang bestida at mga alahas para may pang-inggit siya sa mga ito. Tiyak rin na magiging bida siya sa mga dating kaklase dahil nagtapos siyang Magna Cum Laude sa batch nila at mataas ang tingin ng mga ito sa kaniya.

Habang nakasakay sa taxi ay panay ang lagay niya ng lipstik sa labi at pulbos sa pisngi. Maingat din niyang sinuklay ang mahaba niyang buhok. Ilang minuto lang ay narating na niya ang venue ng kanilang reunion. Pumasok na siya sa loob at napansin niyang marami nang tao roon kahit hindi pa nagsisimula ang programa. Agad niyang hinanap ang mga kaklase niya.

“Guia!” sigaw ni Jinky, isa sa mga kaibigan niya noon. Kaibigan ang turing ni Jinky kay Guia pero medyo inis siya sa babae. Kung tutuusin ay mas matalino ito sa kaniya ngunit dahil sa abala ito dati sa pagwoworking student kaya medyo napabayaan nito ang pag-aaral at bumaba ang mga grado. Kahit hindi magreview ay palaging mataas ang nakukuhang score ni Jinky sa mga exam at recitation, nakalamang lang si Guia sa dating kaklase dahil sa attendance at projects. Inihanda na ni Guia ang pekeng ngiti at lumapit sa kinaroroonan ng babae.

“Hi, kumusta na?” masayang sabi niya. Niyakap pa niya at bineso ang babae at naamoy ang mamahaling pabango nito. “Aba, branded ang pabango ng loka,” bulong niya sa sarili.

“Eto, may asawa’t anak na, ikaw? Ngayon lang ulit tayo nagkita ha? Ano nang ganap sa iyo?” wika ng babae na kinurot pa siya sa tagiliran.

“May asawa na pala at anak ang g*ga! Tiyak na miserable na ang buhay nito, problema na dahil sa buhay may asawa,” napangising sabi ni Guia sa isip.

“Ito, freelance ang trabaho ko. Homebased ako pero malaki akong kumita,” taas noong sabi niya. Mas malaki pa sa call center agent ang sahod niya. Ang trabaho niya ay ang pagtuturo ng Ingles sa mga estudyante niyang Koreano.

“O, pareho pala kayo, homebased din ang trabaho mo, ‘di ba, Jinky?” wika ng isa pa nilang kaibigan.

Tumaas naman ang kilay ni Guia sa sinabi ng babae. Pa-simple niyang itinanong kung magkano ang sinasahod ng dating kaklase at lalo pa siyang naasar nang marinig na halos triple iyon ng sa kaniya.

“Buwisit! Hindi maaari ito!” gigil niyang sabi sa isip. “Ano’ng ginagawa mo diyan sa trabaho mo?” tanong niya.

Gumagawa ako ng mga portrait online. Nagde-design din ako at na-e-edit ng mga video. Alam mo naman noon pa, mas gusto ko ‘yung trabaho na hindi ginagamit ang bibig o nagsasalita. Masaya ako sa ginagawa ko, kumikita pa ako, ‘di ba?” nakangiting sabi ni Jinky.

“Ganoon? Ang taray! Ipasok mo nga ako diyan,” wika niya rito. Sa isip ni Guia ay hindi siya maaaring madaig siya ng babae. Natitiyak niyang kapag nakapasok siya sa kumpanya kung saan nagtatrabaho si Jinky ay mas mahihigitan at matatalbugan niya ito gaya noong mga panahon na natalo niya ang babae nung nag-aaral pa sila.

“Sige, tutulungan kita. Alam ko may hiring ngayon, eh,” masayang sabi ng kaibigan.

Gusto lang na matulungan ni Jinky si Guia para magkaroon ng mas malaking sahod gaya niya. Wala itong kaalam-alam sa masamang balak ng kaibigan.

Dahil may tiwala kay Jinky ang may-ari ng pinagtatrabahuhan niya ay madali niyang naipasok doon si Guia. Pero sa halip na magpasalamat sa kaibigan ay mas lalong lumaki ang inggit niya rito lalo pa’t napapansin ni Guia na mas maraming nagpapagawa ng design at nagpapa-edit ng video kay Jinky. Sumasama rin ang loob niya kapag mas pinupuri ito ng kanilang boss dahil sa husay nito.

Hindi niya matanggap na mas magaling sa kaniya ang dating kaklase kaya ang resulta ay puro mali-mali ang ginagawa niya sa trabaho. Hindi niya ginagawa ng tama ang mga pinagagawa sa kaniya ni Jinky na siyang supervisor niya. Palagi ring delay ang mga pinapa-edit at pinapa-design sa kaniya kaya palpak lahat ng gawa niya. Dahil sa may angking kabaitan ang kaibigan ay ito ang sumasalo sa lahat ng mali niya. Ito ang umayos at gumagawa ng mga trabaho niya pero kahit ganoon nang nagyayari ay patuloy pa rin siyang kumikita ng malaki. Ang lagay eh, sumasahod siya pero hindi naman niya pinaghihirapan, si Jinky ang gumagawang lahat ng dapat ay trabaho niya kaya mas lalong lumaki ang ulo niya dahil nauuto niya ang kaibigan.

“Guia, ayusin mo naman ang trabaho mo, pareho tayong malalagot kay boss kapag ganito nang ganito ang trabaho mo,” maayos namang sabi sa kaniya ni Jinky.

“Aba, e ginagawa ko naman ang trabaho ko a! ‘Di ba ikaw ang supervisor ko? So, trabaho mo rin na icheck ang mga gawa ko ‘di ba? Ginawa ko na ang part ko, gawin mo nman ang sa iyo,” sagot niya.

Napapailing na lang si Jinky sa mga sinabi niya. Imbes na patulan siya nito ay pinigilan pa rin nito ang sarili.

Tumagal siya sa kumpanyang iyon ng isang taon. Malaki ang naipon ni Guia sa trabahong ibinigay ni Jinky ngunit nang mapansin ng may-ari na napapabayaan na niya ang trabaho niya ay hindi ito nagdalawang isip at tinanggal siya sa trabaho. Wala nang nagawa sa kaniya si Jinky, hindi na siya nito naipagtanggol dahil mismong boss na nila ang nakakita sa kapalpakan niya. Kahit nawalan siya ng trabaho ay nakapagtayo naman siya ng negosyong restawran gamit ang naipon niyang pera.

“Akala siguro ng mga iyon ay kawawa ako, nagkakamali sila, mas magiging successful ako sa negosyong ito,” nakangisi niyang sabi sa isip.

Ngunit dahil wala naman siyang alam sa pagnenengosyo ay mabilis na nalugi ang restawran na itinayo niya. Tatlong buwan lang ang itinagal niyon, nagkabaun-baon pa siya sa utang.

Ngayon ay hirap siyang makahanap ng bagong trabaho. Hindi na siya nakabalik sa dati niyang pinagtatrabahuhan dahil hindi siya nagpaalam doon nang maayos nang lumipat siya sa kumpanya nina Jinky. Mas nainis pa siya nang malamang na-promote pa ang dating kaklase sa trabaho na ngayon ay head na ng creative team.

“Mabuti pa siya, mas umasenso, samantalang ako balik sa hirap,” nanlulumong sambit niya sa sarili.

Pinagsisisihan na niya ang mga katar*ntaduhang ginawa niya sa trabaho, kung pinagbutihan niya lang sana ay mas maganda siguro ang buhay niya ngayon.

Ipinakita sa kuwento na ang inggit sa inyong kapwa ay ang magdadala sa iyo sa kamalasan. Hindi ka uunlad kung puro inggit ang paiiralin mo.

Advertisement