
Walang Ginawa ang Misis Kundi Pagdamutan ang Kaniyang mga Biyenan; Iyak Siya Nang Gantihan Siya ng Tadhana
Mula nang mapangasawa ni Edcel si Danica ay palagi nang pinagbabawalan ng misis ang lalaki na dumalaw nang madalas sa bahay ng mga magulang nito. Pinagbabawalan din ng babae na mag-abot ng pera ang asawa sa mga magulang dahil may pagka-madamot si Danica, ang gusto niya ay sa kaniya lang ang kinikita ni Edcel.
Maganda ang trabaho ng lalaki at napakalaki ng suweldo nito kaya hindi na nga siya pinagtatrabaho at sa bahay na lang namamalagi. Kayang-kaya siya nitong buhayin at dahil buhay reyna siya sa piling ng mister ay gusto niyang solohin ang pera nito, sa madaling salita ay walang ibang makikinabang nito kundi siya lang.
“Ayoko nga! Akin lang lahat ng pinaghihirapan ng asawa ko ‘no!” makasarili niyang sabi sa kaniyang kapatid nang dumalaw ito sa bahay nilang mag-asawa.
“Mahiya ka nga, sis! Kahit anong sabihin mo’y mga magulang niya pa rin iyon. May karapatan siyang bahaginan ng mayroon siya ang mga taong nagsilang at nagpalaki sa kaniya,” wika ng kapatid niyang si Donna.
“Basta ayoko!” giit ni Danica.
“Grabe ka! Mabuti nga napakabait ni Kuya Edcel, wala kang naririnig sa kaniya kapag nagbibigay ka sa amin nina mama,” saad pa ng kapatid.
“Siyempre naman, kapag kayo puwedeng-puwede kahit na anong oras, ‘pag mga magulang niya hindi puwede,” sagot niya.
“Hala, bakit naman? Mabait nga sa iyo at sa amin ang mga mgulang ni Kuya Edcel, eh. Masuwerte ka dahil hindi sila matapobreng gaya ng ibang biyenan. Huwag ka ngang ganyan, sis, lumalabas na napakadamot mo,” hirit pa ni Donna.
“Hay naku, alam mo, sis, kapag palagi kong hahayaan na bigyan ni Edcel ang mga magulang niya’y mamimihasa ang mga iyon at sa amin aasa. Hindi maaari sa akin ang ganoon,” aniya.
“Kung narito si mama at papa, pagagalitan ka nun sa mga sinasabi mo. Hindi nila tayo pinalaking maging madamot sa kapwa. Sana sa bandang huli ay hindi mo pagsisihan ‘yan, sis,” wika pa ng kapatid na hindi na nakipag-argumento pa kay Danica.
Kung tutuusin ay napakasuwerte nga ni Danica sa mga biyenan niya lalo na sa ina ni Edcel. Ang lahat ng ipinapakita nito sa kaniya ay totoo at bukal sa puso nito. Magaan kasi ang loob nito sa kaniya, unang kita pa lang sa kaniya ng biyenang babae ay nagustuhan na siya nito pero ang may problema ay mismong si Danica na pilit na iniiwasan ang biyenan. Sa tuwing dumadalaw ito sa kanila ay malamig palagi ang pakikitungo niya rito.
Nang malaman ng mga magulang ni Edcel na ikakasal ang lalaki sa kaniya na isa lamang janitress sa mall at hindi man lang nakatapos ng pag-aaral ay tinanggap pa rin siya ng mga ito na walang panghuhusga. Para kasi sa mga magulang ni Edcel, basta mahal ng kanilang anak ay suportado ng mga ito. Kinukumbinsi nga ng mga magulang ang asawa niya na ipagpatuloy niya ang pag-aaral ngunit ayaw niya.
“Ayoko nang mag-aral! Bakit pa? Eh, may trabaho ka naman? Hindi mo naman ako papabayaan, ‘di ba? Ang hirap sa mama at papa mo, mahilig makialam!” sabi niya sa mister.
“Huwag ka namang magsalita nang ganyan, sweetheart. Siyempre, concerned lang sila sa iyo, gusto nila na matapos mo rin ang pag-aaral mo,” sagot ni Edcel sa kaniya.
Kahit anong pilit at paliwanag sa kaniya ng mister ay tinanggihan niya ito. Bakit nga naman siya mag-aaral pa eh, buhay donya na siya habambuhay kasama ang mister niyang mapera?
Isang gabi pagkatapos nilang maghapunan ay seryosong kinausap ni Edcel ang asawa. Malungkot ang mukha ng lalaki na may tila may dinadalang problema.
“Sweetheart, may kailangan kang malaman, may stage 4 brain c*ncer si papa. Kanina lang namin nalaman, itinawag sa akin iyon ni mama. Nakikiusap siya na kung maaari ay magbigay tayo kahit paano para sa ch*m*therapy niya…kahit malaki ang sahod ng mga kapatid ko sa abroad ay kulang pa rin,” mahinang sabi niya sa misis.
Imbes na mabahala ay tinaasan pa ng kilay ni Danica ang sinabi ng asawa.
“T-teka, hindi pa ba sapat ang perang ipinapadala ng mga kapatid mo sa Amerika?”
“Hindi, kasi malaki-laking pera ang kailangan, eh,” sambit ni Edcel.
“So, paano ang plano nating magbakasyon sa Europe? At planong magpapatayo ng ng bago nating bahay sa Baguio? Matagal na nating plano iyon, eh!” ingit ni Danica.
“Itutuloy pa rin naman natin ang mga iyon, eh. Basta payagan mo lang ako na tumulong sa kanila at bumisita,” tugon ng mister.
“O siya, sige na, basta matutuloy pa rin ang mga plano natin,” sagot niya.
Walang nagawa si Danica. Labag man sa loob niya ay tumango na rin siya, bago mas lalong maunsyami ang bakasyon nilang mag-asawa at bago nilang bahay kapag kumontra pa siya kay Edcel.
Ngunit isang araw, hindi inaasahang balita ang bumungad kay Danica. Naibagsak niya ang kaniyang selpon matapos marinig ang sinabi ng nurse na kausap niya na d*ad on arrival sa ospital ang mister niya. Aksidenteng nabangga ng humaharurot na truck ang kotse ni Edcel habang papunta ito sa ospital kung nasaan ang kaniyang biyenan.
“Diyos ko, ang asawa ko! Ang asawa ko!” hagulgol niya at hindi malaman kung ano ang gagawin.
Dahil sa pagpanaw ng asawa ay sa kaniya naiwan ang lahat ng pera at ari-arian ni Edcel pero ni singko ay hindi niya binigyan ng tulong ang pamilya ng mister lalo na ang may sakit nitong ama. Ngunit dahil hindi siya marunong humawak ng pera ay unti-unting naubos ang lahat ng pinaghirapan ng kaniyang asawa at nauwi sa wala. Nabaon din siya sa utang hanggang sa naibenta niya ang bahay at lupa na matagal na naipundar ni Edcel. Ang magandang buhay na ibinigay sa kaniya ng mister ay naglahong parang bula. Ngayon ay balik ulit siya sa hirap, hirap na rin syang mahakahanap ng trabaho dahil nga hindi siya nakatapos ng pag-aaral. Sinuwerte lang siya noon nang magtrabaho siya bilang janitress sa mall dahil may kakilala siyang nagpasok sa kaniya roon.
Wala na rin siyang mukhang maiharap sa pamilya ni Edcel sa ginawa niyang pagdadamot sa mga ito. Kung naging mabuti lamang siya sa kaniyang kapwa at hindi naging madamot ay hindi sana magkakaganoon ang buhay niya.

Muntik nang Pagalitan ng Bisor ang Dalaga Dahil Nakabasag Ito ng mga Bote ng Pabango; Isang Guwapong Binata ang Nagligtas sa Kaniya
