
Muntik nang Pagalitan ng Bisor ang Dalaga Dahil Nakabasag Ito ng mga Bote ng Pabango; Isang Guwapong Binata ang Nagligtas sa Kaniya
Mahirap lang ang pamilya nina Karen. Panganay siya sa apat na magkakapatid, ang mga magulang niya ay parehong pagtitinda ng isda sa palengke lang ang alam na trabaho dahil wala namang pinag-aralan ang mga ito. Dahil maliit lang ang kinikita ay nagawa niyang tumigil sa pag-aaral upang tulungan sa paghahapbuhay ang mga magulang.
Kaya heto siya ngayon, namamasukan bilang staff sa isang tindahan ng mga pabango ng isang mayamang Intsik para kahit paano ay mapapag-abot siya ng pera sa kanilang pamilya, upang makatulong din sa pag-aaral ng mga nakababata niyang kapatid. Sabi niya sa sarili ay saka na lamang siya mag-aaral ulit, mag-iipon na muna siya.
“Hoy, nakatulala ka riyan! Asikasuhin mo ‘yung kustomer!” galit na sigaw ng supervisor na kanina pa pala siya inuutusan.
“Ay opo. S-sorry po!” sagot niya. Marami kasi siyang iniisip at kulang pa siya sa tulog dahil pag-uwi niya ay tumutulong pa siya sa mga gawaing bahay.
“Pagkatapos mong asistehan ‘yung kustomer ay magpunas-punas ka naman ng mga alikabok sa estante o magwalis-walis ka rito. Ayoko ng may kasamang tatamad-tamad dito, maliwanag?!” singhal pa ng babaeng supervisor na kasama niya sa tindahan.
Pinag-iinitan siya ng babae dahil mainit ang dugo nito sa kaniya. Masipag kasi siya at madaling nakapasok doon. Nagtataglay din siya ng magandang mukha at balingkinitang katawan kaya sobra ang inggit nito sa kanya. Pangit at mataba kasi ang babaeng supervisor na masama pa ang ugali.
Tumalima na siya at nilapitan ang babaeng kustomer, pagkatapos noon ay kumuha siya ng malinis na basahan at pinunasan ang mga estante na pinapatungan ng mga pabango. Kasalukuyang siyang nagpupunas nang may magsalita. Napapitlag siya dahil sa malalim na boses.
“Miss, anong magandang pabango rito?”
Dahan-dahan siyang napalingon at nagulat siya dahil…
“Ay, ang guwapo!” bulong niya sa isip.
“Ako po, maganda,” wala sa sarili niyang sabi.
Natawa ang lalaki na sa tingin niya ay ka-edad niya lang. Nang matauhan siya ay ganoon na lamang ang pagkapahiya niya, hindi niya akalain na masasabi niya iyon.
Sa sobrang taranta ay dali-dali niyang pinunasan ang estante, natabig niya ang ilang mga bote ng pabango kaya bumagsak ang mga iyon sa sahig at nagkandabasag-basag.
“Put*ng *na ka! Ano iyang ginawa mo? Puro ka talaga kapalpakan!” galit na galit na sabi ng supervisor na si Purita na ngayon ay palapit na sa kanila. Akmang hahawakan ng babae ang braso ni Karen nang pigilan ito ng guwapong binata.
“Huwag po, ako na lang ang magbabayad ng mga nabasag niya,” wika nito.
Natigilan ang masungit na babae.
“Teka, sino ka ba? Boyfriend ka ba niya?”
“Sasagot sana si Karen na hindi niya boyfriend at hindi niya kilala ang binata nang bigla itong magsalita.
“Opo, ako po si Liam,” sagot ng binata sabay kinindatan siya nito kaya hindi na siya umimik.
Sa sinabi naman ng lalaki ay ‘di napigilan ni Karen ang pamulahan ng pisngi at kiligin.
“Naku, pasalamat kang babae ka at babayaran nitong boyfriend mo ang mga nabasag mo at hindi mamahalin ang mga pabangong ‘yan kundi ay ibabawas ko ‘yan sa suweldo mo!” inis pa ring sabi ni Purita.
Mula noon ay palagi nang nagpupunta roon ang binata, hindi nga makapaniwala si Karen na nagmula rin ito sa mahirap na pamilya. Akala niya ay mayaman ito dahil sa maputi nitong kutis at ang mga kamay ay wala man lang kalyo, napakakinis. Isang simpleng binata lang si Liam na ang tatay ay jeepney driver at ang nanay naman ay tindera ng gulay sa palengke. Nasa kolehiyo na ang binata na nakakuha lang ng scholarship kaya nakakapag-aral.
“Kung mayaman ako, e ‘di sana sa mas soyal na lugar ako pumupunta at sa mas kilalang lugar ako bumibili ng pabango. Mahilig kasi ako sa pabango, eh, dito ako palaging bumili dahil nakakabili dito ng mura. Ngayon mo lang ba ako nakita rito? Bago ka lang dito?” sabi ng binata.
“Oo, mag-iisang linggo pa lang ako dito,” sagot ni Karen na naniwala naman sa mga sinabi ni Liam.
Naging malapit silang magkaibigan ng binata. ‘Di nagtagal ay nakapagtapos na ng pag-aaral sa kolehiyo si Liam. Kahit may trabaho na ay patuloy pa rin itong dumadalaw sa kaniya sa tindahan hanggang sa nauwi sa pag-iibigan ang nararamdaman nila sa isa’t isa.
Isang gabi, sinundo siya ni Liam sa tindahan at labis siyang namangha na isang magarang kotse ang huminto sa kaniyang harapan. Nanlaki ang mga mata niya na ang guwapo niyang nobyo ang may-ari niyon.
“Wow, Liam, sa iyo ang kotseng iyan?! Asensado ka na talaga!” gulat niyang sabi.
“Matagal ko ring pinag-ipunan iyan, Karen. Nag-aaral pa lang ako ay nag-iipon na ako upang makabili ng magandang sasakyan at ngayong may trabaho na ako, sa wakas ay nabili ko na. Tara, sa bahay namin tayo magdi-dinner para makilala mo na sina nanay at tatay,” sagot ng lalaki.
Ilang minuto lang ay naroon na sila. Mas lalong ikinagulat ni Karen ang mala-mansyong bahay sa kaniyang harapan, sa gate ay nakaabang na ang may edad na lalaki at babae na sa pananamit palang ay mukhang mayaman na. Ang may edad na lalaki ay kamukhang-kamukha ni Liam, pero imposibleng tatay niya ito dahil hindi naman mukhang jeepney driver.
Masaya silang sinalubong ng mga ito.
“Siya ba ‘yung sinasabi mo sa amin, anak? Tama ka nga, napakaganda niya,’ malambing na sabi ng may edad na babae bago siya hinalikan sa magkabilang pisngi.
“Kami ang nanay at tatay ni Liam, hija. Halika, tuloy ka sa aming bahay! Welcome na welcome ka rito, hija,” wika naman ng may edad na lalaki na bumeso rin sa kaniya.
Sa puntong iyon ay hindi nakapagsalita si Karen. Hindi siya makapaniwala sa nasasaksihan niya, na ang mga kaharap niya ay ang mga magulang ni Liam. Niyaya na sila ng dalawa sa hapagkainan at sabay-sabay nilang pinagsaluhan ang mga nakahanda roon.
Nang magkasarilinan ang magkasintahan sa sala ay seryosong hinawakan ng binata ang kaniyang mga kamay.
“Totoo ba ang lahat ng ito, Liam? Na dito kayo nakatira? Sila ang mga magulang mo?” sunud-sunod niyang tanong.
Mula sa pagiging seryoso ay napangiti na ang binata.
“Sasabihin ko na sa iyo ang totoo, ako ay nagmula sa mayamang pamilya. Ang aking mga magulang ay may-ari ng malaking kumpanya rito sa Maynila. Totoo ang sinabi ko sa iyo na jeepney driver ang tatay ko at tindera ng gulay sa palengke ang nanay ko noon, pero nang suwertehin sila nang manalo sila sa lotto ay nagkaroon kami ng maraming pera na ginamit nila upang magtayo ng negosyo, at ang negosyong dugo’t pawis ang ginawa nilang puhunan ay lumago hanggang sa naging isa sa pinakamalaking kumpanya sa bansa. Totoo rin na iskolar ako dahil ayaw kong umasa sa aking mga magulang,” bunyag ng nobyo.
“P-pero bakit hindi mo sinabi sa akin ang totoo?” aniya.
“Sorry, ayoko lang naman kasi na mailang ka sa akin. Doon talaga ako palaging bumibili ng pabango sa tindahan kung saan ka nagtatrabaho kaso ‘di ko naman akalain na may magandang dalaga pala akong makikita roon kaya mula noon ay hindi ka na maalis sa puso’t isip ko,” malambing na sabi ng binata.
Hindi pa rin makapaniwala si Karen sa lahat ng ipinagtapat sa kaniya ni Liam. Nagulat pa siya nang lumuhod sa harap niya ang binata at may inilabas na singsing.
“Mahal na mahal kita, Karen. Alam kong ikaw na ang babaeng gusto kong makasama sa habambuhay. Tanggapin mo sana ang pag-ibig ko,” sinserong sabi ni Liam.
Dahil nasa tamang edad na rin siya at mahal din niya ang binata ay tinanggap niya ang alok nito.
Masayang-masaya si Liam sa naging sagot niya. ‘Di nagtagal ay ikinasal sila at pinahinto na siya sa pagtatrabaho ni Liam. Gamit ang sariling pera ay pinag-aral din siya ng kaniyang mister. Tanggap din nito na kailangan pa niyang pag-aralin ang mga kapatid niya kaya tinulungan siya ni Liam sa mga gastusin at binigyan pa nito ng puhunan ang mga magulang niya para magtayo ng sariling negosyo para hindi na magtinda pa sa palengke.
Ngayon ay tuwang-tuwa naman ang mga magulang nila dahil nalaman ng mga ito na nagdadalantao na si Karen at kambal pa ang dinadala niya na anak nila ni Liam.