
Labis na Ikinahihiya ng Binata ang Tatay Niyang OFW Dahil Construction Worker Lang Ito; Ikapanlulumo Niya ang Resulta ng Pagiging Mapagmataas Niyang Anak
Maagang pumanaw ang nanay ni Harrold kaya ang kaniyang ama na lamang ang sumusuporta at bumubuhay sa kaniya.
Kapag tinatanong siya ng mga kaklase niya sa eskwelahan kung ano ang trabaho ng kaniyang ama, ang palagi niyang isinasagot ay manager ito sa isang malaking kumpanya. Pero ang totoo, construction worker ang tatay niya sa Saudi at labis niyang ikinahihiya iyon. Hindi niya kailanman matanggap na magkaroon ng tatay na construction worker lang. Kaya paninindigan niya ang pagsisinungaling maitago lang ang totoong trabaho nito.
Nang minsang yayain niya ang mga kaklase sa bahay nila ay laking gulat ng mga ito.
“Wow, ang ganda naman ng bahay n’yo, Harrold, ang yaman n’yo naman!” sabi ng isa mga kaibigan niya.
“Siyempre, manager ang daddy ko at malaki ang suweldo niya kaya nakapagpatayo siya ng ganitong kaganda at kalaking bahay,” pagmamalaki niyan sagot sa mga kaklase.
Walang kaalam-alam ang mga ito na galing sa dugo’t pawis ng tatay niya sa pagbubuhat ng mga bakal, kahoy at paghahalo ng semento lang ang perang ginamit sa pagpapatayo ng bahay nila.
Ngunit hindi lahat ng sikreto ay maaaring pagtakpan, kahit anong gawing pagtatago ni Harrold sa katotohanan ay lilitaw at lilitaw pa rin. Isang araw ay natuklasan niya na alam na ng mga kaklase niya ang tungkol sa totoong trabaho ng tatay niya kaya naging usap-usapan siya ng mga ito.
“Alam niyo ba si Harrold, ang sabi niya manager ang tatay niya pero construction worker pala sa abroad,” wika ng isa sa mga kaklase niya.
“Bakit siya nagsinungaling sa atin? Bakit niya sinabi na manager ang tatay niya eh, hindi naman pala,” sabad pa ng isa.
Sa narinig ay nagalit siya sa mga kaklase, lalo na sa kaniyang ama. Nang mag-aral siya sa kolehiyo ay lumipat na siya sa probinsya, magandang paraan na rin iyon para makalayo sa mga dati niyang kaklase na nakakaalam ng totoo tungkol sa tatay niya.
Kahit nasa kolehiyo na ay tuluy-tuloy pa rin ang pagpapadala sa kaniya ng tatay niya ng pera para pambayad sa matrikula, pambayad sa renta sa inuupahan niyang boarding house at iba pang panggastos.
Sa bagong pinapasukang eskwelahan ay muli siyang tinanong ng mga bago niyang kaklase.
“Nasaan ang mga magulang mo, Harrold? Ano ang mga trabaho nila?” tanong ng isa.
“W-wala na sila, matagal na silang yumao,” sagot niya.
Nagbago na ang sagot niya, imbes na sabihin na may tatay pa siya, sinabi na lang niya na wala na siyang mga magulang, na isa na siyang ulila. Sa isip niya ay ayos na iyon para hindi na mag-usisa pa ang mga kaklase niya. Totoo naman na pat*y na ang nanay niya, ayaw na ayaw din niyang sabihin na construction worker lang ang kaniyang ama sa abroad dahil ayaw niyang masabihan siyang ‘cheap’ ang trabaho ng tatay niya kaya minabuti niya na habambuhay na iyong itago sa lahat sa paghabi niyang muli ng kasinungalingan.
Dahil galit siya sa ama ay naisip niyang pahirapan ito. Wala siyang ginawa kundi humingi ng pera kahit hindi pa nauubos ang ipinadala nito sa kaniya.
“Gusto kong padalhan mo ako ng kinse mil, ngayon din!” bungad niya sa kaniyang ama nang tumawag ito sa selpon.
“‘Di ba kakapadala ko lang sa iyo nung isang linggo, anak?” gulat na sabi ng ama.
“Ubos na! Sa dami ba naman ng projects namin sa school, eh,” inis niyang sagot. Wala rin siyang pakialam kung malaman nito na nagsisinungaling siya, sigurado naman na hindi rin siya matitiis ng ama.
“Sige, susubukan ko ang magagawa ko, anak,” tugon ng ama.
“Anong susubukan? Siguruhin mo, ‘wag mong subukan, gawin mo!” malakas niyang sabi.
Napabuntung-hininga na lang ang tatay niya sa kabilang linya.
Kinabukasan ay natanggap niya agad ang padala nitong pera, pumasok na sa bank account niya kaya tuwang-tuwa siya. Nauto na naman niya ito. Maya maya ay nagchat ito sa kaniya kung natanggap na niya pero ‘Oo’ lang ang isinagot niya at hindi man lang siya nagpasalamat.
Wala siyang ginawa kundi gastusin sa kung anu-ano ang perang ipinadala sa kaniya ng ama. Inubos niya lahat iyon sa luho.
Makalipas ang ilang linggo, tatawagan niya ulit ang tatay niya para manghingi ulit ng pera ngunit habang palabas siya ng eskwelahan ay may pamilyar na boses na tumawag sa kaniya.
“Harrold!”
Agad siyang namutla at nanlamig nang makilala kung sino ang tumawag sa kaniya.
“Sino siya, Harrold?” tanong ng isa sa mga matalik niyang kaibigan na kaklase niya, agad nitong tinitigan mula ulo hanggang paa ang may edad na lalaki sa kanilang harapan.
“Hindi ko kilala ‘yan,” sagot niya na halatang ikibagulat ng lalaki.
Niyaya niya nang umalis ang mga kaklase niya, iniwang nakatulala ang lalaki, ni hindi niya ito nilingon pa.
Ang may edad na lalaki na harap harapan niyang ipinahiya at itinatwa ay ang sarili niyang ama. Ang tanong, bakit nandito ang tatay niya sa Pilipinas? Hindi man lang nagpasabi na uuwi ito?
Naisip na naman ni Harrold ang kahihiyang maidudulot niyon sa kaniya kapag nalaman ng mga kaklase niya na nagsinungaling siya, na buhay pa pala ang tatay niya at hindi pat*y. Ayaw niyang maulit ang nangyari noong nasa hayskul pa siya na pinag-usapan siya’t pinagtawanan ng mga dating kaklase dahil nalaman ng mga ito ang tunay na trabaho ng tatay niya.
Nang sumunod na araw ay bigla itong sumulpot sa tinutuluyan niyang boarding house.
“Ano ka ba naman? Hindi mo sinabi na pupunta ka rito sa Pilipinas at pumunta ka pa talaga sa school ko? Bakit ba nandito ka? Bumalik ka na sa Saudi!” sunud-sunod niyang taong sa iritableng tono.
“G-ganito kasi iyon, anak…kasi…ano…”
“Eh, paano na ang pag-aaral ko? Mabuti pa bumalik ka na sa Saudi, huwag mo na akong puntahan dito!” marahas niyang sabi at tinalikuran na ito.
Lulugu-lugong umalis ang kaniyang ama.
Lumipas ang ilang mga araw, nabalitaan na lang ni Harrold na hindi pa rin bumabalik sa Saudi ang tatay niya at lumuwas daw sa Maynila. Ano naman ang gagawin ng tatay niya doon? Sa sobrang inis ay sinundan niya ito para kumbinsihin na bumalik na sa abroad. Malapit na kasing maubos ang budget niya kaya kailangan nang magtrabaho ulit ng tatay niya para makahuthot ulit siya ng pera rito.
Sa pagbalik niya sa Maynila, imbes na ang tatay niya ay siya ang nasorpresa. Biglang nanlambot ang buo niyang katawan nang bumulaga sa kaniya ang kabaong ng tatay niya. Nakaburol ang labi nito sa kanilang kamag-anak.
Sari-saring emosyon ang kumawala sa kaniya at punumpuno ng pagsisisi nang makitang wala nang buhay ang tatay niya na walang ginawa kundi ibigay lahat ng gusto niya.
Nalaman niya na may malubha palang sakit ang kaniyang ama, stage 4 na ang k*nser nito sa bato kaya umuwi ito sa Pilipinas para magpagamot ngunit ginupo rin ng karamdaman.
“Tatay, tatay ko, patawarin mo ako!” hagulgol niya.
Sa unang pagkakataon, sinambit niya ang salitang ‘tatay; na kahit kailan ay hindi niya ipinarinig sa ama noong nabubuhay pa ito. Magsisi man siya ay huli na, hindi na niya maibabalik pa ang buhay ng kaniyang ama at hindi na rin niya maitutuwid lahat ng kaniyang pagkakamali.
Sa ngayon ay ipinagpapatuloy pa rin Harrold ang pag-aaral ngunit sa sarili na niyang sikap. Nagwo-working student siya para makatapos sa kolehiyo dahil wala na ang tatay niya na sumusuporta sa kaniya. Dala-dala pa rin niya ang bigat at sakit nang pagkawala ng ama, hindi pa rin niya napapatawad ang kaniyang sarili sa lahat ng ginawa niya rito.
Tandaan na mahalin at bigyang halaga ang ating mga magulang dahil sila ang dahilan kung bakit tayo nabubuhay sa mundo.