Inday TrendingInday Trending
Napakahigpit ng Lalaking Ito sa Kaniyang mga Kasambahay; Nilayasan Tuloy Siya ng mga Ito

Napakahigpit ng Lalaking Ito sa Kaniyang mga Kasambahay; Nilayasan Tuloy Siya ng mga Ito

Swerte ang ginoong si Oscar sa kaniyang mga kasambahay dahil sa sipag at bait na taglay ng mga ito. Sa tana ng buhay niya kasama ang mga naturang kasambahay na aabot sa sampung ginang na kung saan-saang probinsya niya nakuha, ni hindi siya nawalan kahit piso o pagkain sa kanilang lamesa.

Sa katunayan, tuwing may nakakaligtaan pa siyang bagay o kahit malaking halaga ng pera sa kaniyang sasakyan, kwarto o pantalon, isinasauli pa ng mga ito sa kaniya.

May pagkakataon pa ngang sinubok ng kaniyang asawa ang mga ito upang tingnan kung gaano sila katapat. Nag-iwan ito ng singsing sa kanilang lababo na nagkakahalaga ng halos kalahating milyon ngunit hindi katulad ng inaasahan nilang mag-asawa, wala pang isang oras matapos nitong ilagay doon ang singsing, binalik na ito agad ng isang kasambahay sa kanila dahilan upang labis nilang hangaan ang mga ito.

Walang sawa man kung bigyan nila ng pagkain, damit, at ibang mga materyal na bagay ang mga ito mula sa kanila, isang bagay lang ang hindi nila maibigay sa mga ito kahit pa magmakaawa ang mga ito. Hindi nila pinapayagaan kahit isang beses sa isang taon na umuwi ang mga ito sa kani-kanilang probinsya lalo na sa mga maliligayang selebrasyon katulad ng Pasko at Bagong Taon.

Taon-taon man nilang nakikitang umiiyak at malungkot ang mga ito tuwing darating ang mga espesyal na araw na ito, patuloy silang naghihigpit. Katwiran nila, “Pinapasahod, pinapakain at pinapatulog namin kayo sa maaayos na kwarto, tapos pagdating ng ganitong selebrasyon, hahayaan niyo kaming maghanda at mag-asikaso rito sa bahay mag-isa? Alam niyo namang marami palagi kaming bisita!” kaya naman ganoon na lang sumusunod ang mga ito kahit pa lingid sa kanilang kagustuhan.

Kaya lang, isang linggo bago mag-Pasko ngayong taon, uutal-utal na lumuhod sa harapan nilang mag-asawa ang pinakamatanda nilang kasambahay upang magpaalam na umuwi sa kanilang probinsya.

“Ano ba naman ‘yan, Aling Tes? Alam mo namang hindi namin kayo hahayaang umuwi dahil kami ang mahihirapan sa pag-aasikaso rito sa mansyon!” agad niyang sigaw dito.

“Parang awa niyo po, sir, naaksidente po kasi ang anak ko. Malubha po ang lagay niya, sir, kailangan niya po ako!” hagulgol nito.

“O, bakit? Doktor ka ba para kailanganin ka ng anak mo roon? Ni hindi ka nga marunong magbasa, eh, tapos naniniwala kang kailangan ka ng anak mo?” pangmamaliit niya rito.

“Sir, pagbigyan niyo na po ako, baka ito na ang huling beses kong makikita ang anak ko,” pagmamakaawa pa nito.

“Hindi kita papayagan kahit pa lumuha ka ng dugo riyan! Dahil kapag pinayagan kita, magkakainggitan kayong lahat hanggang sa lahat kayo ay magsiuwian na!” bulyaw niya pa rito.

“Sir, maawa na po kayo sa akin at sa anak ko. Pangako po…” agad na niya itong pinutol at ito’y hinagisan ng sandamakmak na pera.

“Sige! Hahayaan kitang umuwi pero huwag ka nang babalik dito! Anong gusto mo? Uuwi ka para makita ang anak mo pero wala kang trabahong babalikan o mananatili ka rito sa bahay pero may maganda kang pagkakakitaan?” wika niya rito dahilan para ito’y agad na matakot at humingi ng tawad sa kaniya.

“Patawarin niyo po ako, sir, pangako, hindi na po mauulit,” sambit pa nito saka kinuha ang mga perang ibinato niya.

“Mukhang pera!” sigaw niya pa rito bago ito tuluyan pinaalis.

Katulad ng kagustuhan niya, maayos at masaya niya ngang naipagdiwang ang Pasko at Bagong Taon kasama ang kaniyang buong pamilya, mga empleyado, ibang kaanak at mga kaibigan.

Kitang-kita man niya ang mga mugtong mata ng mga kasambahay, lalo na ang mata ni Aling Tes na tuluyan nang nawalan ng anak, pinagsawalangbahala niya ito.

Ngunit sa pagiging abala niya sa pag-aasikaso sa mga bisita sa unang araw ng taon, napansin niyang unti-unting nawawala ang kaniyang mga kasambahay. Kahit anong tawag niya sa mga ito upang siya’y tulungan, walang lumalapit sa kaniya.

Nang mapagdesisyunan niyang sadyain ang mga ito sa kani-kanilang silid sa kaniyang mansyon, doon na siya biglang nanlambot. Malinis na ang kwarto ng mga ito. Wala na ni isang gamit at may kaniya-kaniyang resignation letter na iniwan para sa kaniya.

“Bakit ngayon pa na sobrang dami kong bisita?” inis niyang sigaw, tutulo na sana ang luha niya nang tawagin naman siya ng natataranta niyang anak at asawa upang ipaasikaso sa kaniya ang nasusunog na ulam na pinapaluto niya.

Doon niya labis na napagtanto ang halaga ng kaniyang mga kasambahay kaya ganoon na lang siya nakaramdam ng pagsisisi na hindi niya pinakitunguhan nang maayos ang mga ito.

Naging maayos man ang araw na ‘yon katulad ng nais niya dahil sa mga pansamantalang katulong na nakuha niya sa kanto, siya’y labis namang nanghina pagkatapos ng selebrasyon dahil kulang-kulang na ang kanilang mga gamit, nawawalan pa sila ng pera at alahas.

“Siguro nga wala na tayong makukuhang katulad nila,” sabi ng kaniyang asawa kaya siya’y nagdesisyong puntahan at suyuin ang mga ito.

“Pangako, papayagan ko na kayong makauwi kahit kailan niyo gusto. Bibigyan ko rin kayo ng bonus at maraming tulong. Pakiusap, bumalik na kayo sa mansyon,” pakiusap niya sa mga ito na sa kabutihang palad, sinang-ayunan naman ng mga ito na labis niyang ikinasaya.

Simula noon, hindi na niya nga pinagbawalan ang mga ito. Hinayaan niya nang umuwi kahit na minsan ang mga ito sa kani-kanilang probinsya lalo na kung emergency at may problema.

Sa ganoong paraan, napanatili na niya ang mga ito sa kanilang mansyon, nabigyan niya pa ng kasiyahan ang mga ito.

Advertisement