Inday TrendingInday Trending
Ang Paboritong Apo Niya Lang ang Kaniyang Minamahal; Ito rin kaya ang Mag-alaga sa Kaniya sa Oras ng Kahinaan Niya?

Ang Paboritong Apo Niya Lang ang Kaniyang Minamahal; Ito rin kaya ang Mag-alaga sa Kaniya sa Oras ng Kahinaan Niya?

Kada sasapit ang Pasko, walang ibang binibigyan ng regalo at aguinaldo ang matandang si Josie kung hindi ang paboritong apo na si Osang. Anak ito ng kaniyang panganay na anak at ang kaniyang kauna-unahang apo dahilan para simula pagkabata nito, kahit anong hilingin nito sa kaniya, kahit wala siyang pera ay agad niyang ibinibigay dito.

Sa katunayan, siya pa ang sumagot sa selebrasyon ng binyag at unang kaarawan nito noong kasagsagan ng kaniyang negosyo. Umabot man ng labing limang libong piso ang nagastos niya rito, hindi siya nanghinayang dahil sa labis na sayang nararamdaman niya sa tuwing nakikita niyang nakangiti ang apo niyang ito.

Sa puder niya rin lumaki ang batang ito dahil parehas na nagtatrabaho ang mga magulang nito. Siya ang unang nagturo na magbasa at magsulat dito at ang tanging kumakampi at nagtatanggol dito sa tuwing napapalo ng kaniyang magulang.

Kaya naman, kahit na madagdagan pa ang kaniyang mga apo habang dumadaan ang panahon, ang batang ito pa rin ang palagi niyang pinapaburan at binibigyan ng kung anu-anong regalo kahit pa walang okasyon.

Dekalibreng saya kasi ang naibigay nito sa kaniya noong kabataan nito lalo na sa tuwing nakikita niya itong natututo at patuloy na tumatalino. Kaya lang, pagtungtong nito sa kolehiyo at may sarili ng trabaho, biglang nagbago ang ugali nito.

Kung dati ay siya ang sumbungan nito, ngayon ay natuto na itong lumaban sa kaniyang mga magulang. Nagagawa na rin siya nitong sagut-sagutin sa tuwing pinapangaralan niya ito tungkol sa maling asal nito.

“Sino ka ba para magsalita nang gan’yan sa akin? Wala ka namang alam sa buhay ko! Hirap na hirap ako sa pag-aaral tapos gusto pa nila papa na gumawa ako ng gawaing bahay? Tapos ikaw, sesermunan mo rin ako, lola?” galit nitong singhal sa kaniya matapos niya itong pagsabihan.

“Hindi naman kita sinesermunan, Osang, sinasabi ko lang na mali ang inaasal mo,” malumanay niyang paliwanag dito saka niya hinawakan ang mga kamay nito.

“Ewan ko sa inyo! Pare-pareho lang kayo!” bulyaw pa nito saka padabog na tinanggal ang kaniyang mga kamay at siya’y nilayasan.

Hahabulin at pagbubuhatan na niya sana ito ng kamay upang hindi na siya nito bastusin pa ngunit siya’y biglang pinigil ng isa niya pang apo.

“Lola, huwag na po, hayaan niyo na po siya. Ako na lang po ang magmamahal sa inyo, lola. Pangako po, rerespetuhin at aalagaan kita,” awat ng pangalawa sa pinakamatanda niyang apo na si Unice saka siya pinaupo sa siya.

“Ayoko sa’yo, si Osang ang gusto kong mag-alaga sa akin dahil ako ang nag-alaga sa kaniya noon. Umalis ka na, gusto kong mapag-isa,” malamig niyang sabi rito kaya wala itong nagawa kung hindi ang siya’y sundin.

Sa patuloy niyang paghahabol sa paborito niyang apo, patuloy lang din siyang nasasaktan dahil ibang-iba na ang ugali nito. Ni hindi na nga ito dumadalaw sa bahay niya at sa tuwing tinatawagan niya ito sa selpon upang makausap, hindi siya sinasagot nito na nagbibigay sa kaniya nang matinding lungkot at stress.

Isang araw, habang paulit-ulit niyang tinatawagan ang naturang apo sa pagbabakasaling sagutin siya nito, bigla na lang siyang nahilo at bumagsak sa semento. Dahil nga wala siyang kasama sa bahay at malabong dalawin siya ng paboritong apo, akala niya’y ito na ang katapusan ng buhay niya.

Ngunit halos hindi siya makapaniwala nang namulat niya pa ang kaniyang mga mata at pagkamulat niya, ang apo niyang si Unice ang una niyang nakita at sila’y nasa isang silid ng ospital.

Nakatungo lang ito sa paanan niya at tila ba pagod na pagod na. Sinubukan niyang tumayo upang tingnan kung naroon ang kaniyang paboritong apo, ngunit bigla na itong nagising.

“O, lola, magpahinga po muna kayo. Gusto niyo po ba ng tubig? Magbabanyo po ba kayo? Magsabi po muna kayo sa akin para matulungan ko po kayo,” alalang-alalang sabi nito na labis na nagpataba ng puso niya.

Lalo niya pang naramdaman ang pagmamahal nito sa kaniya dahil hanggang sa pag-uwi niya sa bahay, hindi siya nito pinabayaan. Wala man ni anino ng paboritong apo niya ang nagpakita o kahit nangumusta sa kaniya, masaya siyang makilala nang maigi ang pangalawa niyang apo na noon pa man ay gustong-gusto na siyang makasama.

“Salamat, apo, ha? Kahit palagi kitang tinataboy noon, hindi mo pa rin ako iniiwan,” sabi niya rito saka niya ito hinawakan sa kamay.

“Mahal ko po kayo, lola, eh. Hindi ko po kayo kayang iwan,” sagot nito saka humilig sa braso niya at magkasama nilang sinalubong ang Bagong Taon.

Advertisement