Inday TrendingInday Trending
Agad Niyang Minaliit ang Manliligaw na Puro Peklat; Sobrang Bait Pala Nito

Agad Niyang Minaliit ang Manliligaw na Puro Peklat; Sobrang Bait Pala Nito

Mapili sa lalaki ang dalagang si Kia dahil sa panunuod niya ng mga Korean nobela. Ang gusto niyang tipo ng lalaki ay katulad sa mga bida sa kaniyang mga pinapanuod. Gusto niya na ang una niyang magiging nobyo ay gwapo, matangos ang ilong, matangkad, tuwid ang buhok, at higit sa lahat, gustong-gusto niya na makinis ang balat nito sa buong katawan kagaya ng mga pinapantansya niyang mga Koreano.

Ito na nga siguro ang dahilan kung bakit kahit siya’y malapit nang mag-trenta anyos, wala pa siyang nakakarelasyon o nakakausap na lalaki. May mga nagtatangka naman talagang manligaw sa kaniya kaya lang, kapag hindi niya nakita rito ang mga gusto niya sa isang lalaki, agad niya itong tinataboy o hindi kinakausap.

Ngunit isang araw, tila nagkatotoo ang hiling niyang makatagpo ng isang lalaking pasok sa panlasa niya sa pamamagitan ng dating app sa kaniyang selpon. Halos maubusan na siya ng boses kakatili dahil sa kilig na nararamdaman tuwing nakakausap niya ito. Tumagal din ng isang linggo ang kanilang pag-uusap hanggang sa mamilit na siyang makita ito sa personal.

Maaga siyang nagising upang mapaganda maigi ang kaniyang sarili sa araw na napagdesisyunan nilang magkita. Nagpalinis pa siya ng kuko sa kamay at paa, nagpakulot ng buhok, bumili ng damit, at nagpamake-up pa sa kaniyang matalik na kaibigang si Rose.

Kaya lang, pagdating nila ng kaniyang kaibigan na sumama upang masiguro ang kaligtasan niya sa kanilang tagpuan, siya’y nagtaka nang makita niya ang isang lalaking maputi naman pero puno ng peklat ang buong katawan pati ang mukha.

“Pasensya ka na, Kia, gumamit ako ng ibang larawan para magustuhan mo. Sana mapatawad mo ako,” pagtatapat nito sa kaniya siya inabutan ng bulaklak na agad niyang ikinagalit.

“Pangit ka na nga, sinungaling at manggagamit ka pa ng larawan ng iba! Tingin mo mapapatawad kita? Saka sana hindi ka na nagpakita sa akin kung gan’yan ang totoo mong itsura! Nakakadiri ka!” pangmamaliit niya rito saka niya itinapon ang ibinigay nito.

“Kia, tama na ‘yan!” awat ng kaibigan niyang si Rose, “Naku, sir, pasensya na po kayo sa kaibigan ko, ha? Mapili lang talaga siya sa mga lalaki,” sabi pa nito sa binata, ngunit imbis na kumalma, siya’y nag-amok pa roon dahilan para siya’y hilahin na nito palayo.

Habang hila-hila siya palayo ng kaibigan, bigla siyang kumalas sa pagkakahawak nito at ito ang kaniyang sinigaw-sigawan.

“Bakit kailangan mong humingi ng tawad doon, ha? Ako ang niloko niya! Kinakampihan mo ba siya?” sigaw niya rito.

“Hindi naman kasi tama ‘yong pangmamaliit na ginawa mo, Kia. Saka, hindi mo ba siya kilala? Siya ‘yong sumikat na binata noong nasa kolehiyo pa tayo! Iniligtas niya ang mga matatandang pasyente sa nasusunog na ospital noon kaya puro peklat ang katawan at mukha niya!” paliwanag nito na ikinapagtaka niya.

“Teka, si Vincent Lopez ‘yon, Rose?” paninigurado niya rito nang mapagtanto niya ang itsura nito.

“Oo, Kia! Panay kasi ang tingin mo sa panlabas na anyo, eh!” sigaw nito dahilan para siya’y mapahangos pabalik doon.

Halos nabunutan siya ng tinik nang makitang naroon pa ito ngunit nadurog ang puso niya sa sinabi nito nang siya’y makita.

“Alam ko namang mabibigla ka kapag nakita mo ako, Kia. Pero hindi ko inaasahang mamaliitin mo ako nang ganoon. Pasensya ka na talaga sa nagawa ko, ha? Pero siguro, kailangan na talaga nating tuldukan kung anong nabuo natin sa ating pag-uusap. Hindi ko kayang makipagrelasyon sa isang babaeng puro panlabas na anyo lang ang binabasehan. Sana mahanap mo ang ideal man mo at sana may ganoong klaseng binata talaga sa mundong ito,” sabi nito sa kaniya saka tuluyan nang umalis.

Gusto man sana niya itong habulin, hindi na niya nagawa dahil sa labis na pangongonsenya at panghihinayang na nararamdaman niya.

Ilang linggo lang ang binilang niya matapos ang pagkikita nilang iyon, nakita niya sa social media na may ibang dalaga na itong nililigawan at sobrang swerte noon dahil bukod sa materyal na bagay na binibigay nito, pinagmamalaki pa iyon sa buong mundo ni Vincent.

“Sayang, ako na sana ang pinakamasayang dalaga sa buong mundo kung hindi ko lang pinairal ang pagiging mapili ko,” pagsisisi niya habang nakararamdam ng inggit sa puso.

Hindi man niya nakarelasyon ang lalaking iyon, malaking aral naman ang naituro nito sa kaniya. Kaya simula noon, pilit niyang inialis sa puso’t isip ang halos perpektong lalaking gusto niya. Bagkus, siya ngayon ay nagsimula nang tumingin sa panloob na kaanyuan ng mga lalaking nanliligaw sa kaniya hanggang sa makakilala na siya ng isang binatang hindi man kagwapuhan, pero sobrang bait sa kaniya at sa kaniyang pamilya.

Advertisement