Inday TrendingInday Trending
Malungkot ang Huling Araw ng Mensahero sa Trabaho; Isang Pangyayari ang Nagpabago Rito

Malungkot ang Huling Araw ng Mensahero sa Trabaho; Isang Pangyayari ang Nagpabago Rito

Mabagal ang lakad ni Artemio habang tila kinakabisa niya ang itsura ng mga bahay-bahay sa bayan ng Alaminos, kung saan siya nagtatrabaho bilang isang mensahero.

Kipkip ang mga sulat na ide-deliver niya sa mga bahay-bahay ay may naramdaman siyang ibayong kalungkutan. Iyon na kasi ang huling araw niya magdadala ng mga sulat bago siya magretiro.

Iyon ang naging trabaho niya sa loob ng apatnapung taon, kaya naman bagamat nagpapasalamat siya na makakapag-pahinga na siya ay mayroon pa ring lungkot. Sigurado siya na mami-miss niya na rin ang mga tao na naging parte ng buhay niya bilang isang mensahero.

“Mang Artemio!”

Natigil sa pagmumuni-muni si Artemio nang marinig ang isang pamilyar na tinig. Nalingunan niya ang binatilyo na si Harold.

Gaya ng dati ay masigla nitong kinuha ang isa sa mga bitbit niyang bag na naglalaman ng mga sulat.

“Ikaw talaga, hijo. Kaya ko namang buhatin ‘yan,” natatawang wika niya sa binatilyo.

“Ako na po. Sasama po ulit ako magdala ng mga sulat,” anito.

Napangiti na lang siya. Ilang taon na rin niyang kasa-kasama ito. Naalala niya pa ang naging sagot nito sa tanong niya noon na kung bakit parati itong sumasama sa kaniya.

“Ang ganda po kasi ng trabaho n’yo. Dahil po sa mga sulat na dala niyo, nakakapag-usap ang nanay ko at ang tatay ko na nagtatrabaho sa malayo. Kaya nga po masayang-masaya ang nanay ko sa t’wing dumarating kayo, eh!” dire-diretsong sagot ni Harold.

Kaya naman kahit na matanong at may kakulitan ang binatilyo ay aliw na aliw siyang kasama ito. Nakikita kasi nito ang halaga ng trabaho niya, bagay na madalas ay hindi na nakikita ng iba.

Tahimik silang naglakad, hanggang sa si Harold ang bumasag ng katahimikan.

“Ito na po ang huling araw n’yo, hindi po ba?” tanong ng binatilyo.

Tipid na tumango si Artemio.

“‘Wag po kayong mag-alala, Mang Artemio. Matatapos man po ang serbisyo n’yo ay hinding-hindi kayo makakalimutan ng mga tao,” ani Harold. Napangiti na lamang siya. Isa ang mga binatilyo sa mga taong mami-miss niya.

Nang magsimula na silang magbahay-bahay ay nakaramdam ng lungkot si Artemio. Tila kasi wala man lang nakaalala na iyon na ang huling araw niya sa serbisyo.

“‘Wag na po kayong malungkot. Makakalimutin naman po talaga si Aling Flor, siguro ay nawaglit sa isip niya na ito na po ang huling araw n’yo,” komento ni Harold nang mapansin nito ang lungkot sa mukha niya.

“Wala iyon, hijo. Naiintindihan ko naman, at hindi naman mahalaga iyon. Ang mahalaga lang ay nagawa ko ang tungkulin ko,” pilit ang ngiting wika niya sa binatilyo.

Ngunit halos matatapos na sila sa pag-iikot ay walang anumang narinig si Artemio sa mga taong itinuring niya na ring kaibigan. Para bang nalimot siya ng mga ito, at ang katotohanang maaaring iyon na ang huli nilang pagkikita. Nanlulumo niyang iniwan sa mga ito ang huling sulat na siya ang maghahatid.

Kaya naman nang matapos niyang ihatid ang mga sulat papunta sa kani-kanilang paroroonan ay bagsak ang balikat na bumalik siya sa kanilang opisina upang sa kahuli-hulihang pagkakataon ay mag-report siya.

“Maraming salamat po sa serbisyo n’yo, Mang Artemio. Mayroon lang ho sana akong huling ipapakisuyo… Gusto ko sanang i-deliver niyo ang mga sulat na ito bukas. Absent ho kasi si Gener, at kailangan nang maibigay ang mga sulat,” pakiusap ng manager nila na si Sylvia, bago nito iniabot sa kaniya ang isang bungkos ng mga sulat.

Walang pag-aalinlangan siyang tumango.

“Salamat. Ikaw na ang bahala maghanap ng mga tirahan nila, Mang Artemio,” bilin pa nito.

Habang sakay ng bus pauwi ay inilabas niya ang isa sa mga sulat. Nais niya kasing malaman kung pamilyar ba siya sa lugar na pagdadalhan niya ng mga sulat.

Laking tuwa niya sa nakita. Sa bayan lang din pala nila iyon.

Ngunit nang titigan niya nang maigi ay napagtanto niya na alam na alam niya pala ang lugar na iyon. Dahil ang address na iyon ay ang mismong bahay niya!

Mas lalo pa siyang nagtaka dahil nang basahin niya kung para kanino ang sulat ay nakita niya ang sarili niyang pangalan. Maging ang nagpadala ay kilala niya—si Damian, isa sa mga madalas ay hatiran niya ng sulat mula sa asawa nitong nagtatrabaho sa ibang bansa.

Nang kalkalin niya ang ibang sulat ay nakita niya na para pala ang mga iyon sa kaniya, mula sa kaniyang mga suki.

Pawang makabagbag damdamin ang mga iyon, paulit-ulit siyang pinasasalamatan sa kaniyang ilang dekadang serbisyo.

Nang makauwi siya sa bahay ay mas lalo siyang nasorpresa. Ang bahay kasi niyang tahimik ay punong-puno ng taong nagkakasiyahan, hinihintay ang pagdating niya.

Naroon ang mga taong itinuturing niya nang mga kaibigan! Maging ang binatilyong si Harold ay naroon at nagsasaya.

Sinalubong siya ng palakpakan at hiyawan.

“Akala ko nalimutan n’yo…” nahihiyang wika niya.

Si Damian ang sumagot. “Pwede ka ba naming malimutan, Mang Artemio?”

Imbes na iyakan, nauwi ang gabing iyon sa kwentuhan, pasasalamat, at kasiyahan. Kasabay ng mga iyon ang pangako na patuloy ang mga itong bibisita sa kaniya.

Napagtanto ni Artemio na hindi kailangang maging malungkot ang bawat katapusan. Dahil ang katapusan ng karera niya bilang isang mensahero ay pagpapatuloy lamang ng nasimulang pagkakaibigan niya sa mga mabubuting tao.

Advertisement