Inday TrendingInday Trending
Walang Panregalo ang Dalaga sa Kaarawan ng Mayamang Don; Mapapahiya ba Siya sa Harap ng Maraming Tao?

Walang Panregalo ang Dalaga sa Kaarawan ng Mayamang Don; Mapapahiya ba Siya sa Harap ng Maraming Tao?

Masaya at aligaga ang lahat sa bayan ng San Isidro. Kasabay kasi ng kapistahan ay gaganapin ang kaarawan ng nagmamay-ari ng hacienda, na halos kalahati ng bayan ang laki—ang matandang si Don Antonio.

Bawat isa ay imbitado, kaya naman bilang tradisyon ay abala na rin ang bawat isa sa paghahanap ng regalo na magpapangiti sa Don.

Ang don daw kasi ang pumipili ng mapapangasawa ng mga anak nito. Usap-usapan na kung sino ang makakapagpangiti sa matanda ay ang siyang may malaking tsansa na magustuhan nito bilang manugang.

Ang bawat kadalagahan sa bayan ay may piping pagnanais na mapangiti ang matanda. Bakit nga ba hindi, lalo na’t ang bunso nitong anak na si Luis na ang inaasahan ng lahat na susunod na mag-aasawa. Si Luis ang pinakagwapo at pinakamabait sa magkakapatid, kaya naman marami ang dalagang nahuhumaling dito.

Kasalukuyang nag-uusap ang mga magkababata na sina Lily, Sheryl, Fe, at Teresa. Magkaka-edaran sila, at magkakasama na simula pa noong nasa elementarya pa lang sila.

Pawang pagbubukid ang ikinabubuhay ng pamilya nila maliban na lamang kay Lily, na anak ng kapitan na nagmamay-ari ng ilang negosyo sa bayan.

“Kayo ba’y may nahanap nang regalo para kay Don Antonio? Bukas ng gabi na ang piging,” usisa ni Lily, na lutang na lutang sa suot niyang bagong bestida.

Si Teresa ang naunang sumagot. Bakas ang inis sa mukha nito.

“Hindi nga. Si Tatay kasi, hindi ako binigyan ng pera. Kailangan niya raw kasi ng pambayad ng matrikula ni Julio,” tukoy nito sa nakababatang kapatid.

“Ako, meron na. Kaso ay hindi ako sigurado kung magugustuhan iyon ng don,” sagot naman ni Sheryl.

Nang hindi magsalita ang ikaapat na miyembro ng grupo ay takang pinukol nila ito ng tingin.

“Hoy, Fe, bakit hindi ka nagsasalita? Tinatanong ko kung may regalo na ba lahat para kay Don Antonio,” nandidilat na ulit niya sa tanong.

Umiling ito.

“Hindi ako pupunta. Sasamahan ko na lang sa bukid si Tatay, para makarami kami ng ani,” tila balewalang sagot nito.

“Ano? Nababaliw ka na ba? Sasayangin mo ang tsansa na makadalo sa piging na inihanda ng don para sa atin?”

Tumango ito.

“Wala rin naman akong pang-regalo. Nakakahiya naman na pumunta ako roon nang walang bitbit,” anito.

“Kahit na. Marami ang binata doon, malay mo makahanap ka ng magiging nobyo mo,” dagdag pa ni Sheryl.

“Imposible. HIndi ako magugustuhan ni Señorito Luis,” giit nito.

Matunog na halakhakan ang naging sagot nilang magkakaibigan sa haka-haka ni Fe.

“Tama ka, Fe. Hindi naman si Señorito ang tinutukoy namin. Alam namin na hindi ka magugustuhan ng don, lalo na ni Señorito Luis. Aba’y mas lalaki ka pa yata sa kaniya,” natatawang kantyaw niya sa kaibigan.

“Pero kailangan mo pa ring pumunta. Maraming masasarap na pagkain,” udyok niya sa kaibigan. Alam na alam niya na hindi na ito makakatanggi dahil sa nag-iisa nitong kahinaan—pagkain.

Isang matalim na tingin ang ibinato nito sa kaniya, ngunit marahan itong tumango.

“Ikaw ba, Lily? Anong regalo mo sa don?” maya-maya ay usisa ni Teresa.

Napangiti siya bago inilabas ang isang maliit na kahon mula sa bitbit niyang paper bag. Ipinakita niya ang isang mamahaling relo na ipinabili niya pa mula sa Maynila.

“Wow, Lily! Siguradong ikaw na ang magugustuhan ng don dahil sa maganda mong regalo. Ikaw lang naman ang kaya bumili niyan…” naghihimutok na komento ni Fe. Bakas ang pananaghili sa mukha nito.

“‘Wag kayong mag-alala. Kaibigan ko pa rin kayo kahit na ako na ang magiging bagong Señorita sa hacienda,” biro niya, na nauwi rin sa matunog nilang halakhakan.

Sumapit ang pinakahihintay ng lahat. Ang araw ng piging.

Nanggagandahan ang mga dalaga na pawang iisa ang ninanais, ang mapansin ng gwapong haciendero.

“Ang ganda-ganda talaga ni Lily. Wala akong masabi,” bulong ng isang lalaking hindi niya kilala.

Napangisi si Lily nang pagpasok niya pa lang ay pawang mga papuri na ang narinig niya.

Maging ang kaniyang mga kaibigan ay magaganda. Ipinahiram niya kasi sa mga ito ang mga gamit na ngunit magagara niyang mga bestida.

Naging maingay ang kasiyahan. Walang humpay ang sawayan, at may sapat na pagkain at inumin para sa lahat.

Nang malapit nang matapos ang gabi ay isa-isang pumila ang mga kadalagahan upang iabot ang kani-kanilang mga regalo.

“Bakit naman sa dulo tayo ng pwesto? Mamaya pa tayo makakauwi niyan,” narinig niyang himutok ni Fe mula sa likod, na agad niyang sinaway. Nakatuon kasi ang atensyon niya sa mukha ng don. Inoobserbahan niya kung may dalaga na magpapangiti rito. Ngunit wala ni isa.

Sa wakas ay dumating na ang kaniyang pagkakataon. Buong pagmamalaki niyang iniabot dito ang regalo niya. Agad nitong binuksan ang regalo niya.

Nang makita nito ang regalo ay matipid itong nagpasalamat. Ngunit sa kasamaang palad, hindi niya ito napangiti.

Durog ang puso na naglakad siya pabalik sa kaniyang kinauupuan. Magyayaya na sana siyang umuwi nang marinig niya ang isang malamyos na tinig sa mikropono.

“Don Antonio, sana po ay magustuhan niyo ang handog kong awitin. Hindi po ito mahal gaya ng ibang regalo, ngunit ito ho ay bukal sa puso,” anito bago nagsimulang kumanta.

Laglag ang panga ni Lily. Ang kumakanta kasi ay walang iba kundi ang kaibigan nila na si Fe! Napakalamyos ng tinig ni Fe habang kumakanta, malayong-malayo sa boses nito na parating tila nakasigaw.

Iyon ang unang beses na narinig nilang kumanta ang kaibigan!

Nang matapos ang awitin ni Fe ay umani ito ng masigabong palakpakan.

Ngunit napasinghap ang lahat nang si Don Antonio mismo ang tumayo at lumapit kay Fe. May malawak na ngiti sa labi nito!

“Maraming salamat sa napakaganda mong awitin, hija. Buong buhay ko, wala pang naghandog sa akin ng ganito kagandang regalo. Kaya maraming salamat!” anito habang marahang tinatapik ang balikat ni Fe.

Laglag ang panga ng lahat, lalo na noong magsalita ang don.

“Maraming salamat sa inyong lahat. Nais kong ipaalala na ang regalo, maliit man o malaki, mahal man o mura, ay pare-pareho ang halaga. Ngunit ang pinakamagandang regalo ay ‘yung mga nagmula sa puso,” paalala ng butihing don.

Bago matapos ang piging ay isang gwapong binata ang lumapit sa kanilang magkakaibigan. Walang iba kundi si Señorito Luis!

“Binibini, maari ba kitang anyayahan na maglakad-lakad?” marahang usisa nito kay Fe, na tila nakakita ng multo dahil sa panlalaki ng mata nito.

Habang papalayo ang dalawa upang magkasarilinan ay buong pananaghiling nakatingin si Lily sa kanila.

Kung minsan talaga ay nasisilaw tayo ng mga mamahaling materyal na bagay, at hindi natin nakikita kung ano tunay na mahalaga.

Makalipas ang isang taon ay isang enggrandeng kasal ang naganap sa bayan ng San Isidro. Ipinagdiwang ng lahat ang pagmamahalan nina Fe at Luis. Nakita kasi ni Luis ang pagiging simple at tapat ni Fe, na naging dahilan para mahulog ang loob nito sa dalaga.

Nagsimula ang lahat sa isang simpleng awit. Sino nga ba ang mag-aakala na ang sinseridad ng puso ni Fe ang magdadala rito sa tunay na pagmamahal?

Advertisement