
Nasanay na ang Dalaga sa Pagpupuslit ng Gamit ng Mabait Niyang Amo; Isang Araw ay Siya Mismo ang Aksidenteng Nagbunyag ng Kasalanan Niya
“Grabe, sobrang ganda ni Miss Julia! Ang kinis ng kutis tapos ang galing-galing pa umarte! Napakabait pa. Nasa kaniya na yata ang lahat!”
Palihim na napairap si Lori nang marinig ang komento ng mga tagahanga ng amo niyang artista na si Julia.
Nang mamukhaan siya ng mga masugid na tagahanga ay agad itong lumapit para usisain siya.
“Hindi po ba’t ikaw ‘yung alalay niya? Baka pwede naman po na magpa-picture sa kaniya!” pakiusap ng mga ito.
Umiling siya para tumanggi. Walang nagawa ang mga ito kundi ang maglakad paalis, pawang mga dismayado.
Napabuntong-hininga si Lori. Kanina pa siya binabalot ng inggit habang pinapanood niya kung paano purihin ng mga tao si Julia. Kasing-edaran niya lang ito kung tutuusin pero walang-wala siya kung ikukumpara rito.
Lamang ito sa kaniya sa lahat ng bagay. Maganda ito, may talento, at mayaman, kaya’t hindi niya maiwasang makaramdam ng matinding selos.
“Lori, mukhang matatagalan pa ang shooting. Pasensya ka na at magpupuyat ka na naman,” ani Julia nang magkaroon ito ng maikling break.
“Ayos lang po,” sagot niya, may pekeng ngiti.
“Ikaw na muna ang bahala sa mga ito,” anito bago inilapag sa harap niya ang isang malaking bag na naglalaman ng samu’t saring regalo na nakuha nito mula sa mga tagahanga.
Pasimple niyang sinipat ang mga iyon.
Ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata niya nang makita ang mga mamahaling alahas na pangarap niyang mabili, ngunit ibinibigay lamang dito nang libre.
Nilingon niya ang babae na abala sa pagbabasa ng hawak nitong script. Wala itong kamalay-malay na sikreto niyang isinilid sa sarili niyang bag ang mga regalong natipuhan niya.
Hindi ito ang unang beses niyang ginawa iyon. Katwiran niya, hindi naman nito malalaman. Bukod sa abala ito, napakaraming regalo na natatanggap nito sa bawat araw kaya’t paano nitong malalaman ang ginagawa niya?
Hindi lang mga regalo ang pinupuslit niya. Kung minsan, pati na mga personal nitong gamit na pinahawak sa kaniya. Basta’t matipuhan ay agad niyang kinukuha.
“Kahit na sa ganitong paraan man lang, maranasan ko ang buhay na mayroon siya,” sa loob-loob niya.
Hindi niya maiwasang marinig ang komento ng isa sa mga make-up artist na nag-aayos kay Julia.
“Ang ganda naman ng kwintas na suot mo, Miss Julia. Saan niyo po ba nabili ‘yan?” usisa nito.
“Naku, hindi ko alam. Bigay lang ‘to sa akin,” sagot nito na may matamis na ngiti sa labi.
Kuryoso niyang sinipat ang suot nitong kwintas. Agad nabuhay ang kaniyang interes nang makita iyon, napakaganda kasi noon kahit na napakasimple.
Hindi iyon ang unang beses na nakita niya ang alahas pero ngayon niya lang iyon napagmasdan nang malapitan.
Napansin niya na iyon ang pinakaiingat-ingatan nitong alahas sa lahat, kaya sigurado siyang mamahalin ang presyo noon.
“Mukhang kikita ako nang malaki kapag naibenta ko…” bulong niya.
Nakakita siya ng magandang tiyempo nang lumapit dito ang direktor.
“Julia, isang simpleng babae ang ganap mo, ha. Pakialis ang anumang alahas,” utos nito.
“Opo, Direk,” ani Julia bago inalis ang mga suot nitong alahas at inabot sa kaniya. Palihim siyang nagdiwang nang makita niyang maging ang kwintas ay isinama nito.
“Ikaw na muna ang bahala sa mga ito. Lagay mo sa bag,” bilin nito bago umalis.
Nang masiguro niyang wala na ito, kinuha niya ang kwintas at isinuot. Nang makita ang hitsura noon, mas lalo siyang napangisi. Maganda talaga ang kwintas.
Isinilid niya ang kwintas sa suot niyang bag. Malakas ang loob niya. Ilang taon niya na itong ginagawa pero ni minsan hindi naman nakatunog si Julia o kahit na naghinala man lang.
Dinala niya ang kwintas sa isang sanglaan. Nais niya kasing malaman ang tunay na halaga noon. Ikinagulat niya ang sinabi ng alahero.
“Naku, hindi naman ito tunay. Peke ang isang ‘to,” natatawang pahayag ng lalaki.
“Hindi mo ako magogoyo! Umalis ka na nga,” inis na taboy nito sa kaniya.
Pulang-pula sa labis na hiya, matindi ang pagkadismaya ni Lori. Kung ingatan kasi ni Julia ang kwintas, akala mo ay mamahalin!
Kinabukasan ay nilapitan siya ni Julia.
“Lori, nasaan ang kwintas ko? Hindi ko nakita sa bag ko, kung saan ko pinalagay sa’yo ang mga gamit,” usisa nito.
Nagulat siya sa narinig. Iyon kasi ang unang beses na nagtanong ito tungkol sa nawawalang gamit.
“Naku, hindi ko po alam…” agaran niyang pagtanggi.
“Sigurado ka? May nagsabi sa akin na nakita ka niya na suot-suot ang kwintas ko kahapon,” tila nananantiyang usisa nito.
Matigas ang naging pagtanggi niya.
“Lori, matagal nang may mga nawawala sa akin pero hindi ako nagsalita. Hindi naman kasi mahalaga ang mga iyon sa’kin. Pero iba ‘tong kwintas na ‘to, hindi ‘yan pwedeng mawala sa akin,” seryosong saad nito na nagpakaba sa kaniya. Ang akala niya ay wala itong kaalam-alam. Alam pala nito, hindi lang pinapansin.
“Pinagbibintangan mo ba ako? Bakit ko naman nanakawin ‘yun? Mabuti sana kung gawa ‘yun sa tunay na ginto. Peke naman ang kwintas mo!”
Sa pagnanais niya na makaalis sa sitwasyon na iyon ay hindi niya na pinag-isipan ang mga sinabi.
“Paano mo nalaman na peke lang ang kwintas ko?” nanliliit ang mata nitong tanong.
Huli na para bawiin niya ang salita, dahil tila nakumpirma na nito ang hinala. Wala na siyang nagawa nang hablutin at kalkalin nito ang bag niya.
Agad nitong nakuha ang hinahanap, kasabay na rin ng iba pang bagay na lihim niyang kinuha mula rito.
“Ang dami kong pinalampas, Lori. Pero hindi ko mapapalampas ‘to!” matigas na bulalas ng babae.
Namutla si Lori.
“Hayaan mo akong magpaliwanag…” maamo niyang pakiusap.
“Ipaliwanag ang ano? Sapat na ang nakita ko. Kung gusto mo pala ang mga gamit ko, pwede mo namang sabihin sa akin at ibibigay ko. Pero kinuha mo ang bagay na mahalaga sa akin. Ang tanging alaala ng nanay ko,” anito.
Agad na binalot ng pagsisisi ang inggiterang puso ni Lori. Sa bait ni Julia, alam niya na ibibigay nga nito kung may gusto man siya.
Ngunit imbes na maging matapat, dahil sa inggit ay pinili niya itong traydurin.
“Umalis ka na. Ako na ang hahanap ng kapalit mo,” malamig na pahayag nito.
Naiwan siyang balot ng pagsisisi. Noon niya kasi tuluyang napagtanto na hindi lang trabaho ang nawala sa kaniya, kundi isang taong lubos siyang pinagkatiwalaan.