Nagsara ang Comedy Bar na Pinagtatrabahuhan Niya; Isang Raket at Diskarte ang Maiisip Niya Upang Madagdagan ang Kita Niya

Nagsara ang Comedy Bar na Pinagtatrabahuhan Niya; Isang Raket at Diskarte ang Maiisip Niya Upang Madagdagan ang Kita Niya

FunStoriesSuccess

May kung ilang araw ding balisa at hindi makatulog ang drag queen na si Ivana matapos magsara ang comedy bar na kaniyang pinagtatrabahuhan. Kailangang sumunod sa utos ng pamahalaan na lockdown upang hindi na kumalat at masugpo na ang sakit na nagpabago sa takbo ng buhay ng lahat.

“Oh ganito mga bekz, magsasagawa tayo ng online show nang sa gayon ay buhay pa rin tayo at kahit paano eh makatulong sa mga kasama natin,” pangako sa kanila ng may-ari na si Queen Ursula. Nasa online meeting sila.

“Pero ang payo ko sa inyo, kung kaya n’yo namang humanap ng sideline, hanap na rin kayo ng ibang mga raket. Isa-isa lang sa boylet para wala masyadong sakit sa ulo!”

“Eh mahder, iyan na nga ang problema ko eh, hirap din yung dalawa kong boylets! May mga junakis pa naman…” wika ng isa sa mga mahuhusay na kasamahan ni Ivana.

“Hay naku bekz, kung puwede ko lang kayong paambunan lahat eh gagawin ko. Kaya lang eh walang-wala rin ako, tingnan n’yo naman, kailangan daw magbayad pa sa renta natin doon sa comedy bar, kahit na wala naman tayong show. Suwapang talaga yung may-ari ng building eh.”

Simula noon ay hindi na tumigil sa kaiisip si Ivana kung anong raket ba ang papasukin niya upang makadagdag ng kita sa kaniya. Kailangan niyang kumayod dahil may sakit ang kaniyang ina, at sasabak sa online class ang kaniyang bunsong kapatid.

Kapag nasa bahay siya, siya ay pangkaraniwang si Ivan lamang. Kapag online comedy show na nila ay talaga namang bongga ang pag-aayos niya.

“Nay, kumusta na ang pakiramdam mo?” tanong ni Ivan sa kaniyang ina, na kagagaling lamang sa sakit na pulmonya subalit kailangan itong imintina.

“Naku, anak, huwag mo akong intindihin. Ikaw ang kumusta? Paano na ang gagawin ninyo ngayong wala munang mga comedy bar?”

“May online shows naman po kami ‘Nay, pero sabi nga ng boss namin, maghanap-hanap na raw kami muna ng iba pang mapagkakakitaan dahil baka hindi pa masyadong mabenta sa mga parukyano ang online shows namin. Mas sigurado pa rin talaga ang kitaan kapag nasa pisikal kami,” sagot ni Ivan.

“Hayaan mo na akong magtinda ulit ng mga inihaw, anak…”

“’Nay… hayan ka na naman eh! Pinapagana na naman po ang katigasan ng ulo. Hindi po ba kabilin-bilinan ng doktor, itigil na yung pag-iihaw-ihaw kasi mas lalo itong makakasama sa baga ninyo? Paano kayo gagaling niyan? Masakit kaya sa ulo ang bayad sa ospital at mga gamot mo,” biro ni Ivan sa kaniyang nanay.

“Pasensya ka na anak ah, nagkaroon ka ng nanay na matigas ang ulo,” paghingi ng tawad ng kaniyang nanay sa anak.

“Hay naku, tama na ang drama. Ang mabuti pa, kumain ka na para makainom ka na ng mga gamot mo.”

Habang kumakain ang ina ay may biglaan siyang raket na naisip. Napagmasdan niya kasi ang kaniyang motorsiklo. Tutal, uso naman ngayon ang pagiging delivery rider.

Agad niyang inasikaso ang mga proseso upang maging delivery rider.

Matapos lamang ang ilang araw, isa na siyang ganap na delivery rider… ngunit may twist!

Sisiguraduhin niya na siya ang pinakamaganda at pinakanakakaaliw na delivery rider sa balat ng lupa!

Sa unang araw ng kaniyang trabaho, maaga siyang gumising at nag-ayos nang husto, na para bang papasok siya sa comedy bar. Nagulat ang kaniyang nanay nang makita ang kaniyang ayos.

“Anak? Papasok ka ba sa comedy bar? Bakit ganyan ang postura mo? Hindi ba’t unang araw mo sa pagdedeliver?”

This image has an empty alt attribute; its file name is image-184.png

“Oo nga ‘Nay, unang araw ko sa pagiging delivery rider, pero s’yempre, hindi naman ako papayag na walang pasabog ‘no? Ako si Ivan Gaspar a.k.a. Ivana Alawinner na laging winner! Kaya gusto ko, agaw-eksena ako! Sinong may sabing hindi puwedeng mag-ayos na parang reyna ang isang delivery rider?”

Kaya naman agaw-pansin talaga si Ivana nang sumakay na siya sa kaniyang motorsiklo at pinagtitinginan siya ng mga tao. Maging ang mga kustomer niya ay naaaliw at natutuwa sa kaniya dahil sa hitsura niya at may libreng patawa pa. Kaya naman, nabibigyan siya ng malaki-laking tip na naidaragdag niya sa kaniyang ipon.

Naranasan din niyang matiketan dahil sa hindi pagsusuot ng helmet dahil nga nagsusuot siya ng peluka. Gayunman, tuloy-tuloy lang siya at hindi tumitigil sa kaniyang ginagawa.

Pagsapit ng gabi, sasabak naman siya sa kanilang online comedy shows na obligasyon niya sa kaniyang tunay na trabaho. Talaga nga namang napakasipag!

Hanggang sa magulat na lamang siya nang sabihin sa kaniya ng kapatid na viral na siya at pinag-uusapan siya sa social media dahil sa kakaiba niyang estilo ng pagdedeliver na may kasama pang pagpapatawa.

Kaliwa’t kanan ang naging panayam niya sa iba’t ibang media outlet, diyaryo, at TV network at talaga namang sumikat siya! Marami na rin ang dumating na oportunidad sa kaniya dahil dito. Siya ay tinaguriang ‘Reyna Ivana ng Kalsada!’

Kaya naman, ipinagpapasalamat ni Ivana ang mga biyayang dumating sa kanila sa panahon ng pand*mya. Sabi nga, sa buhay, hindi lang sapat na masipag ka, dapat madiskarte ka pa!

More Stories