Hindi Mabayaran ng Ginang ang Buwanang Hulog sa Utang Niya sa Online Lending; Bakit Kaya Sila Nagtungo ng Anak Niya sa Himpilan ng Pulisya?
“Hay salamat, Diyos ko, naaprubahan din! Alice, anak, may pambayad ka na sa matrikula mo! Diyos ko, Lord! Salamat po!”
Tuwang-tuwa si Aling Malou na naaprubahan ang kaniyang pag-aaplay sa online lending na inirekomenda sa kaniya ni Kumareng Sylvia na madalas daw nitong pag-utangan, basta’t magbabayad lamang sa tamang oras.
Hindi na kasi malaman ni Aling Malou kung kanino pa siya uutang. Ang totoo niyan, wala na siyang mauutangan dahil nadala na sa kaniya. Medyo may katagalan kasi siyang magbayad ng utang. Baon na baon na siya.
Mahirap magpalaki ng apat na anak nang nag-iisa lamang. Ang hayop na mister niya ay bigla na lamang hindi nagpakita sa kanila at hindi na niya malaman kung saang lupalop ng Pilipinas naroon. Palagay niya ay sumama na sa iba. Noon pa man, talagang babaero na ito at hindi makampante sa iisa lamang. Pero dahil mahal niya, nagtiis siya sa isiping magbabago ito kapag kinasal na sila – na hindi naman nangyari.
Makalipas ang dalawang araw ay nakuha na nga ni Aling Malou ang hiniram niyang 15,000 piso sa online lending, na babayaran niya kada ika-5 ng bawat buwan. Nang kinuwenta niya ang tubo, nanlumo siya dahil halos triple ang balik sa kanila.
Wala naman siyang magagawa. Kumbaga, kapit sa patalim. Pikit-mata.
Ngunit dahil sa dami ng kaniyang mga utang at nagsunod-sunod na rin ang paniningil sa kaniya, hindi nagkakasya ang pera ni Aling Malou kaya hindi niya nababayaran ang utang sa naturang online lending. Tatlong buwan na siyang hindi nakakahulog at hindi pinapansin ang mga tawag sa kaniya mula sa mga ‘di-kilalang numero, na alam niyang mula sa online lending na kaniyang inutangan.
“Naku mare, wala akong maipapautang sa iyo. Ano ka ba naman, sabi ko kasi sa iyo, pag-isipan mo munang maigi eh. Ganyan na lang ba ang magiging buhay mo? Uutang ka pambayad sa utang mo. Hindi ka matatapos niyan. Nagkakapatong-patong lang ang utang mo, hindi mo nasosolusyunan ang problema mo, mare,” naaawang sabi ni Aling Sylvia sa kaniyang kaibigan.
Umuutang kasi sa kaniya si Aling Malou upang pambayad sa online lending.
“Sige na mare parang awa mo na… nakatanggap na ako ng text mula sa kanila eh… naniningil na sila. Kapag naman nakaluwag-luwag ako, babayarin din kita,” pagsusumamo ni Aling Malou.
“Wala talaga mare eh, pasensya ka na. Kailangan ko rin ng pera.”
Lulugo-lugong umuwi si Aling Malou. Habang naglalakad, nadaanan niya ang kanilang tulay. Parang may kung anong dem*nyong bumubulong sa kaniya na tumalon na lamang sa tulay upang mawakasan na ang mga problema niya sa pera. Subalit nang tatalon na siya, isang pulis ang sumita sa kaniya.
Mabuti na lamang at sinita siya kundi ay matutuloy na sana ang kaniyang pagtalon sa tulay. Saka niya naalala ang mga anak niya. Napahagulhol na lamang si Aling Malou. Mali ang naisip niya.
Ngunit kinabukasan ay nagsimula nang makatanggap si Aling Malou ng mga mapagbantang mensahe mula sa online lending, na kapag hindi pa siya nakapagbayad ay ipapahiya siya sa mga kapitbahay niya.
Lunes: “Pinaaalalahanan namin si Malou Espiritu na bayaran ang kaniyang mga pagkakautang sa lalong madaling panahon, bago namin kayo puntahan sa inyong bahay at ipahiya sa inyong mga kapitbahay.”
Martes: “Pinaaalalahanan namin si Malou Espiritu na bayaran ang kaniyang mga pagkakautang sa lalong madaling panahon, bago namin kayo ipatawag sa inyong barangay hall o kaya naman ay ipahuli sa pulis.”
Miyerkules: “Pinaaalalahanan namin si Malou Espiritu na bayaran ang kaniyang mga pagkakautang sa lalong madaling panahon, kung mahal mo pa ang buhay mo.”
Takot na takot si Aling Malou sa mga pagbabantang natatanggap niya, sa sunod-sunod na tatlong araw.
“’Ma, hindi naman tama ‘yan. Kahit na hindi kayo nakakabayad sa kanila, hindi naman yata tama ang pagbabantang ‘yan. Tara ‘Ma, sasamahan kita at ireklamo natin iyan sa pulisya,” wika sa kaniya ni Alice.
Kaya naman, naipa-blotter nina Aling Malou at Alice ang online lending na nagbabanta na sa kanilang buhay. Labag ito sa batas.
Mabuti na lamang at may mabait na kaanak na naawa kay Aling Malou kaya binayaran na nito nang buo ang utang nila sa naturang online lending upang hindi na lumobo pa ang interes.
Simula noon, nadala na si Aling Malou at hindi na nagtangka pang umutang sa mga online lending. Unti-unti na rin niyang tinigilan ang mga pangungutang nang mabayaran niya ang lahat ng ito. Mas naging maayos at magaan ang kaniyang pamumuhay at ng kaniyang pamilya.